Para sa Lakas ng mga Kabataan
Namumuhay ba Ako “nang Maligaya”?
Pebrero 2024


“Namumuhay ba Ako ‘nang Maligaya’?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

2 Nephi 5

Namumuhay ba Ako “nang Maligaya”?

Narito ang ilang ideya para makapamuhay ka ayon sa sinabi ni Nephi na paraan ng pamumuhay ng kanyang mga tao.

kabataan

Larawang-guhit ni Alyssa Gonzalez

Hindi nagtagal matapos humiwalay sa mga Lamanita, sinabi ni Nephi na ang kanyang mga tao ay “namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Dahil may isa pang grupo ng mga tao na gusto silang patayin (tingnan sa 2 Nephi 5:1–6, 14), maaaring nakakagulat iyon. Paano magiging maligaya ang sinuman sa gayong sitwasyon?

Una sa lahat, pansinin na ang “kami ay namuhay nang maligaya” ay hindi nangangahulugan na “bawat Nephita ay naging maligaya palagi.” Ang ibig sabihin nito ay namuhay sila sa paraan, at ginawa nila ang mga bagay, na karaniwang humahantong sa kaligayahan. Sa kabuuan, sa kabila ng mga hamon nila sa buhay, maligaya sila noon.

Kaya ano ang kahulugan ng “maligaya”? Paano natin ito matutularan sa sarili nating buhay, na mayroon ding mga hamon? Tingnan natin!

  • Maging masunurin. “Aming pinagsikapang sundin … ang mga kautusan ng Panginoon” (2 Nephi 5:10).

    Pamumuhay ng ebanghelyo ang Unang Hakbang. Maaaring pansamantala kang masaya sa kasalanan, pero hindi ito magtatagal. Ang sadyang pagsuway sa Diyos ay hindi “maligaya” (tingnan sa Alma 41:10).

  • Saliksikin ang mga banal na kasulatan. “Ako, si Nephi, ay dinala rin ang mga talaang nakaukit sa mga laminang tanso” (2 Nephi 5:12). “Aming … sinaliksik ang mga yaon at natuklasan na ang mga yaon ay kanais-nais; oo, maging napakahalaga para sa amin” (1 Nephi 5:21).

    Nasa mga tao ni Nephi ang mga banal na kasulatan. At hindi lamang nasa kanila ang mga iyon—kanilang sinaliksik ang mga iyon.

  • Makinig sa inspiradong mga pinuno. “Ako, si Nephi, ay itinalaga sina Jacob at Jose, na maging mga saserdote at guro sila sa … aking mga tao” (2 Nephi 5:26).

    Ginamit ng mga gurong ito ang mga banal na kasulatan bilang kanilang gabay (tingnan sa 2 Nephi 4:15; 6:4).

  • Magpunta sa templo (at iba pang mga banal na lugar). “Ako, si Nephi, ay nagtayo ng templo” (2 Nephi 5:16).

    Mahalagang magkaroon ng mga banal na lugar tulad ng mga meetinghouse at templo para makapagtipon at makasamba ang mga disipulo. (Maaari nating ipalagay na hindi lamang nagkaroon ng templo ang mga Nephita—talagang ginamit nila ito.) Kung hindi ka makadalo nang personal sa templo, maaari kang gumawa palagi ng gawain sa family history.

  • Maging produktibo. “Tinuruan ko ang aking mga tao na magtayo ng mga gusali, at [magtrabaho]. … [Aking] pinapangyaring maging masisipag ang aking mga tao, at gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay” (2 Nephi 5:15, 17).

    Bahagi ng “[pagiging] maligaya” ang pagkakaroon ng isang bagay na gagawin! Isang assignment, isang trabaho, isang responsibilidad—isang bagay na nagbibigay sa iyo ng pokus at layunin (na may angkop na oras para magpahinga, siyempre). Mahirap maging maligaya kung naiinip ka palagi.

Masasabi mo ba na kasalukuyan kang namumuhay nang maligaya? Kung hindi, mabibigyan ka siguro ng halimbawa ni Nephi ng ilang ideya kung paano ka pa magpapakabuti.