Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Tagumpay sa Araw ng Sabbath
Pebrero 2024


“Isang Tagumpay sa Araw ng Sabbath,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Isang Tagumpay sa Araw ng Sabbath

Hindi nadarama ni Parker J. mula sa Oregon, USA, na malapit siya sa Diyos. Pero ang desisyon niyang panatilihing banal ang araw ng Sabbath ay nakatulong sa kanya na muling makaugnay.

binatilyong nagbubuhat ng barbel

Larawang kuha ni Christina Smith

Noong naghahanda ang 17-taong-gulang na si Parker J. para sa kanyang senior wrestling championship, nag-train siya para sa anumang maaaring gawin sa kanya ng kanyang mga kalaban. Pero kahit maraming taon na siyang nagpapalakas para sa wrestling, football, shot put, at pagtugtog ng accordion, ang pinakamahalagang paghahanda ni Parker ay walang kinalaman sa pisikal na kalamnan. Kinailangan ng espirituwal na lakas para maging panalo sa tournament na ito sa paningin ng Diyos.

mga kabataang lalaki na nagre-wrestling

Pakikipagbuno sa Paggawa ng Desisyon

“Lagi akong sumisigla kapag nadarama ko ang pagmamahal ng Diyos,” sabi ni Parker. Pero sa kung anong dahilan, hindi niya nadarama na napakalapit niya sa Diyos sa mga linggo na papalapit na ang tournament. Dati-rati, sabi niya, “talagang nakatulong sa akin ang pasasalamat sa Diyos na mapalakas ang aking patotoo, kaya hindi ko alam kung hindi lang ako nagpapasalamat na katulad noon o kung talagang medyo nilalayuan ako ng Diyos.”

Simple lang ang plano para sa linggo ng tournament: Sasakay ng bus ang team ni Parker sa Huwebes para makipagkumpitensya sa tournament sa Biyernes at Sabado. Sa kasamaang-palad, naging kumplikado ang mga bagay-bagay dahil sa isang snowstorm. Iniatras nang isang araw ang tournament, na ibig sabihin ay kailangang makipagkumpitensya sa Linggo ang mga wrestler na mananalo sa mga laban nila sa Sabado. At malaki ang tsansa ni Parker na manalo roon dahil sa kanyang galing at lakas.

Habang nakaupo sa bus kasama ang kanyang mga teammate, batid ni Parker na kailangan niyang pumili: mag-wrestling sa finals sa Linggo o igalang ang araw ng Sabbath. At dahil magtatapos siya sa pag-aaral sa taong ito, huling pagkakataon niya ito na mag-wrestling na kasama ng kanyang team.

“Talagang napakahirap na sandali para sa akin na gawin ang desisyong iyon. Hindi ko talaga nadama ang impluwensya ng Diyos noong mga linggong iyon bago ang tournament,” sabi niya.

Pero ang paggunita sa nakaraang mga karanasan sa Diyos ay nagbigay kay Parker ng lakas na kailangan niya para makapagdesisyon. “Bagama’t hindi ko nadama ang Kanyang impluwensya nitong huli, alam ko na nadama ko na ang Kanyang impluwensya noon. Nangangako ako linggu-linggo kapag tumatanggap ako ng sakramento na lagi ko Siyang aalalahanin, hindi lang kung kailan ko gusto. Kaya nagpasiya akong hindi mag-wrestling sa Linggo.”

Tunay na Tagumpay

Nagpakita si Parker sa Sabado ng umaga batid na hindi siya magrere-wrestling sa finals sa Linggo, kahit manalo siya sa lahat ng laro sa Sabado. Pero ang nakakagulat, hindi na siya nadismaya. “Payapa ang loob ko sa desisyon ko,” sabi niya. “Nakakatuwa, dahil sa buong season ay ramdam ko ang pressure na dapat akong manalo. Pero sa meet na iyon, masaya lang akong makasama ang mga taong mahal ko. Ginusto ko lang gawin ang lahat ng kaya ko.”

At iyon nga ang ginawa niya. Sulit ang pagpapraktis ni Parker, at nanalo siya sa bawat laban noong Sabadong iyon. Pero nang tanggihan niya ang laban sa araw ng Linggo, pakiramdam ni Parker ay higit na mahalaga ang napanalunan niya. “Maaalikabukan lang ang first-place medal sa istante ko,” sabi niya. “Pero ang kalinawan at kapayapaang natamo ko sa pagpili sa Diyos at pagkilala sa Kanyang impluwensya ay sulit na sulit talaga.”

mga award sa wrestling

Ang tunay na tagumpay ni Parker ay wala sa anumang medalya o tropeo. Iyon ay nasa pagpili sa Diyos at pagkilala sa Kanyang impluwensya.

Sabi ni Parker, “Natanto ko sa karanasang ito kung ano ang kaya kong gawin. Maraming kabataang hindi naniniwala sa kakayahan nilang gumawa ng mahihirap na pagpili. Naranasan ko na iyan. Pero mapipili ninyo palagi na gawin ang tama, kahit nagkamali kayo noon. Kilala kayo ng Diyos at naniniwala Siya sa inyo. Alam Niya na may kakayahan kayong gawin ito.”

binatilyo at lalaking magkayakap

Mga Pagpapala mula sa Sakripisyo

Hindi nagtagal matapos ang espirituwal na tagumpay ni Parker, natanggap niya ang kanyang tawag na magmisyon sa Romania. Alam niya na ang pagpiling sundin ang mga utos ng Diyos ay magkakaroon ng positibong impluwensya sa kanyang misyon at sa buong buhay niya. Sabi niya, “Alam ko na ngayon na ang pag-uukol ng isang araw sa isang linggo para sa Diyos ay nagpapala sa inyo nang triple, o nang apat na beses pa. Hindi naman iyon ‘Tinanggihan ko ang huling tournament na ito, kaya mapupunta ako sa langit.’ Iyon ay na ang kakayahan kong maglingkod, magsakripisyo, at mas mapalapit sa Diyos ay nadagdagan.”

binatilyo

Natutuwang maglingkod si Parker sa Panginoon bilang full-time missionary sa Romania.

Sa susunod na kailanganin ni Parker na makipagbuno sa isang mahalagang desisyon, mas handa na siya kaysa rati. “Iilang tao lang ang magkakaroon ng pagkakataong tanggihan ang huling match sa state wrestling championship,” pag-amin ni Parker. “Ang angkop na bahagi ay sakripisyo. Ang magawang basta talikuran ang isang bagay para sa Diyos at ilaan iyon sa Kanya ay nagbigay sa akin ng kapangyarihang hindi ko naranasan kailanman. Mas kilala ka ng Diyos kaysa kilala mo ang sarili mo.” Sabi Niya, “Tutulutan kayo ng Diyos na magdanas ng mga sitwasyong mahirap ngunit hindi kailanman imposibleng madaig sa tulong Niya.”