Para sa Lakas ng mga Kabataan
Nagsisikap na Ipamuhay ang Ebanghelyo nang Wala si Jesucristo?
Pebrero 2024


“Nagsisikap na Ipamuhay ang Ebanghelyo nang Wala si Jesucristo?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Nagsisikap na Ipamuhay ang Ebanghelyo nang Wala si Jesucristo?

Pakiramdam ko ay wala akong natututuhan sa simbahan hanggang sa matanto ko na hindi ang simbahan ang problema—iyon ay ang katotohanan na hindi ako nakatuon sa Tagapagligtas.

ipinintang larawan nina Jesucristo at Pedro na naglalakad sa ibabaw ng tubig, na ginupit ang larawan ni Jesucristo

Kamay ng Kaligtasan, Ni Michael Malm

Noong high school ako, halos palagi kong nadarama na malayo ako sa Diyos at kay Jesucristo. Tila lahat ng nakapaligid sa akin ay mas espirituwal at nakaranas ng lahat ng espirituwal na bagay na ito.

Hindi ko malaman kung ano ang ginagawa kong mali. Nagsimba ako, nagbasa ng mga banal na kasulatan, nagdasal, at nagpunta sa templo nang magplano ang ward ko ng mga temple trip. Pero parang may kulang pa rin sa akin.

Noong nasa misyon na ako, noon ko natanto kung ano ang kulang sa palaisipang iyon: si Jesucristo.

Matagal na akong nakatuon sa paggawa ng mga bagay-bagay sa halip na magtuon sa Tagapagligtas at maging Kanyang tapat na alagad.

Para malinaw, mainam ang mabubuting gawi. Inilalapit tayo ng pagsunod sa mga kautusan kay Jesucristo. Pero kung minsa’y masyado tayong nakatuon sa “mga gawain sa simbahan” kaya inaalis natin ang Tagapagligtas sa mismong mga aktibidad na nilayon para ilapit tayo sa Kanya. Dahil dito ay nakadarama tayo ng espirituwal na kahungkagan.

Nasa Simbahan, pero Malayo ang Isip kay Cristo

Kamakailan ay sinabi sa akin ng ilang kaibigan ko na tumalikod sa Simbahan na hindi sila kailanman naging mas masaya at mas payapa. Nakakalito iyon sa akin! Kung ito ang Simbahan ni Cristo, paano nangyari iyon?

Nang mapakinggan ko ang mga karanasan at alalahanin ng mga kaibigan ko, natanto ko na hindi pagtalikod sa Simbahan ang naghatid sa kanila ng kapayapaan; iyon ay ang pagtalikod sa mga bagay na dapat gawin na nadama nila na kailangan nilang patuloy na gawin. Nang talikuran nila ang Simbahan, tinalikuran din nila ang mga espirituwal na bagay na kailangan nilang gawin.

Pero hindi iyan ang nasasaisip ng Tagapagligtas nang itatag Niya ang Kanyang Simbahan at ibigay ang Kanyang mga utos.

Itinurong minsan ni Elder Donald L. Hallstrom ng Pitumpu: “Iniisip ng ilan na ang pagiging aktibo sa Simbahan ang [pinakadakilang] mithiin. Nakababahala iyan. Posibleng maging aktibo sa Simbahan at hindi gaanong aktibo sa ebanghelyo. Bibigyang-diin ko ito: ang pagiging aktibo sa Simbahan ay kanais-nais na mithiin; subalit, hindi ito sapat.”1

Posibleng gawin ang mga tamang bagay ngunit lubusang makaligtaan kung bakit ginagawa ang mga ito.

Ang Panganib ng Hindi Pagtutuon kay Cristo

May mahalagang pananaw si Sister Tracy Y. Browning, Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency, tungkol sa mga Israelita sa Bagong Tipan: “Tulad natin ngayon, ang mga tao ng Diyos noon ay inanyayahang tingnan ang kanilang buhay sa paraan ng pagtingin Niya sa kanilang buhay upang makita pang lalo ang mga pagpapala at patnubay Niya sa kanilang buhay. Ngunit nang sumapit ang ministeryo ng Tagapagligtas, nalimutan ng mga Israelita si Cristo sa kanilang mga ginagawa. …

“… Naniwala ang mga anak ni Israel, sa kalagayang ito, na ang mga kaugalian at ritwal ng batas ang landas patungo sa personal na kaligtasan at kahit paano ay nilimitahan ang batas ni Moises sa isang grupo ng mga sistema sa pamamahala sa buhay ng mga tao. Kinailangan dito na ibalik ng Tagapagligtas ang pokus at kalinawan sa Kanyang ebanghelyo.”2

Kung minsan ay hindi ginagambala ni Satanas ang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo upang makagawa sila ng mabibigat na kasalanan. Sa halip ay kinukuha niya ang mga bagay mismo na iniisip nating mabuti at kinukumbinsi tayo na tingnan ang mga iyon sa maling paraan.

Tulad ng itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung minsan nagsisimulang magtuon ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw … sa ‘mga kalakip’ na alituntunin sa halip na sa mga pangunahing alituntunin. Ibig sabihin, tinutukso tayo ni Satanas upang malihis mula sa simple at malinaw na mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo.”3

Sa halip na maghatid sa atin ng kapayapaan, ang ating mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ay maaaring magresulta kung minsan sa kaunting stress at kabiguan. Ito mismo ang nais ni Satanas na madama natin tungkol sa ebanghelyo. Kung hindi niya tayo magaganyak na magkasala, kukumbinsiin niya tayo na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay napakahirap, nakakapagod, at higit pa sa matagumpay nating magagawa.

Jesucristo

Pagtutuon ng Ating Patotoo kay Cristo

Noong nasa high school ako, akala ko hindi sapat ang ginagawa ko. Ang takot na iyon ng kakulangan ang dahilan kaya hindi ko nadama na kasing-espirituwal ako ng mga nasa paligid ko.

Bagama’t ang ating mga kilos ay maaaring tanda ng ating pagbabalik-loob, hindi natin maaaring tulutan ang ating mga panlabas na aktibidad na ipakita nang lubusan ang ating espirituwalidad. Kung gagawin natin iyon, maaaring sinisimulan nating pasanin ang bigat ng ating kaligtasan sa sarili nating mga balikat sa halip na umasa tayo kay Jesucristo.

Hinimok tayo ni Pangulong Nelson na magtuon “sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.” 4 Ito ang magdadala sa atin mula sa mga espirituwal na checklist tungo sa payapa at masayang pagbabalik-loob sa Kanyang Simbahan. “Walang higit na makapag-aanyaya pa sa Espiritu kaysa sa pagtutuon kay Jesucristo.”5