Para sa Lakas ng mga Kabataan
Nahihirapan akong makipag-ugnayan. Paano ako makikipagkaibigan sa mga tao?
Pebrero 2024


“Nahihirapan akong makipag-ugnayan. Paano ako makikipagkaibigan sa mga tao?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Mga Tanong at mga Sagot

“Nahihirapan akong makipag-ugnayan. Paano ako makikipagkaibigan sa mga tao?”

Ito ay Isang Proseso

binatilyo

“Nahirapan akong bumuo ng mabubuting ugnayan sa halos buong buhay ko! Ito ay isang proseso ng pagkatuto. Magpraktis sa pakikipag-usap sa isang indibiduwal o sa isang maliit na grupo. Magtanong at maging interesadong makilala ang iba. Lalapitan ka ng mga tao kapag nakita nila ang mga katangian ni Cristo sa iyo.”

Ethan C., 17, Michigan, USA

Makilahok sa mga aktibidad ng Simbahan

dalagita

“Para sa akin, napakahirap makipagkaibigan o makipag-usap sa iba, pero nakatulong sa akin ang pakikilahok sa mga aktibidad ng Simbahan. Ang pagpunta sa FSY at sa iba pang mga camp ay nakatulong sa akin na mas matuto at magbahagi sa iba kapwa sa espirituwal at sa pakikisalamuha.”

Caroline S., 14, Santiago, Chile

Humingi ng Tulong sa Panalangin

binatilyo

“Nang lumipat ako sa malayong lugar, gusto ko talagang magkaroon ng ilang kaibigan. Nanalangin ako para humingi ng tulong. Nang magsimba ako kinabukasan, malugod akong tinanggap ng lahat, at marami akong naging mga kaibigan. Magtiwala sa Diyos at manampalataya.”

Cache D., 13, Missouri, USA

Maging Isang Halimbawa

dalagita

“Mahirap magkaroon ng mga tunay na kaibigan. Pero kung ikaw ay may pasensya, nag-aayuno, nagdarasal, at laging bumabaling sa Panginoon, tutulungan ka Niyang maging isang tapat na halimbawa. Sa gayon ay makikita ng mga tao ang iyong liwanag at gugustuhing makasama ka.”

Raquel F., 17, Paraná, Brazil

Maupo, Makipag-usap, Magbahagi

dalagita

“Mas nakikilala ko ang mga tao sa pamamagitan ng pag-upo at pakikipag-usap sa kanila. Alamin kung ano ang paborito nilang kulay, anong mga pelikula ang gusto nilang panoorin, ano ang gusto nilang gawin, atbp. Magbahagi rin ng mga bagay tungkol sa iyong sarili. Ang batang iyon na baguhan sa klase ninyo ay maaaring maging matalik mong kaibigan kalaunan.”

Rachel S., 11, Utah, USA

Makinig

“Magtanong. Maraming taong gustong magsalita tungkol sa kanilang sarili. Natutuhan ko na kung makikinig ka at ipadarama mo sa ibang tao na mahalaga siya at nakatuon sa kanya ang iyong pansin, talagang nakakapagpatibay iyan ng mga relasyon.”

Eleanor B., 13, Kentucky, USA

Makakatulong si Cristo

“Laging tandaan na kaibigan mo si Jesucristo at gusto ka Niyang tulungan. Ipagdasal na magkaroon ka ng mga oportunidad at ng lakas-ng-loob na lumabas at higit na kilalanin ang isang tao.”

Connor F., 17, Utah, USA

Huwag Ipalagay

“Pakiramdam ko ayaw akong kausapin ng mga dalagitang mas matanda sa akin dahil mas bata ako. Pagkatapos ay nagpunta ako sa isang aktibidad at nalaman ko na gusto nga nila akong makasama. Kaya makipag-usap ka lang sa mga tao, dahil malamang na gusto ka nilang makausap.”

Lilly L., 12, California, USA