“Maliliit at mga Karaniwang Pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.
Maliliit at mga Karaniwang Pagpili
Ang pagiging tinedyer ay hindi isang praktis sa pagtanda. Ang mga pagpiling ginagawa mo ngayon ang nagpapasiya kung anong klaseng tao ang kahihinatnan mo.
Bago nagkaroon ng mga ilaw na de-kuryente, kung minsa’y gumugol ng ilang linggo bawat taon ang mga tao sa pagsawsaw ng makakapal na mitsa sa wax, palalamigin ang mga iyon sandali, at muling isasawsaw ang mga iyon—nang daan-daang beses. Tuwing isasawsaw ang kandila sa wax, mas makapal na iyon kapag hinango kaysa noong isawsaw iyon. Maaaring tila mabagal ang proseso, pero sa paisa-isang patong, nahubog ang mga kandila ayon sa nararapat na disensyo nito—malakas para maghatid ng liwanag sa lahat.
Kung minsa’y maaaring para kang naghihintay na maranasan ang buhay, pero ang mabubuting desisyong ginagawa mo ngayon ay nagdaragdag ng mga patong ng lakas sa taong kahihinatnan mo. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Huwag maghintay na maranasan ang buhay. Hindi ito isang ensayo; hindi ito isang dry run; hindi ito isang praktis bago sumapit ang tunay na pagtatanghal. Ito na iyon. Nararanasan na natin ang buhay. Huwag nang maghintay. Namnamin ang bawat sandali.”1 Hindi natin kailangang hintaying lumakas tayo sa pagdadala ng Liwanag ni Cristo.
Nagbabago Tayo Kung Piliin Natin, Hindi Dahil sa Nagkataon Lang
Nang hindi maunawaan ni Nephi ang mga turo ng kanyang ama, puwede sana siyang madismaya, pero sa halip ay hiniling niya sa Diyos na turuan siya (tingnan sa 1 Nephi 10:17). Nang mabali ang kanyang busog o pana, puwede sana siyang tumigil na lang, pero nagpakumbaba siya at sa halip ay gumawa ng bagong busog o pana (tingnan sa 1 Nephi 16:18–23).
Nang makarating ang kanyang pamilya sa may dalampasigan at inutusan ng Diyos si Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat, puwede sana siyang magalit, dahil inutusan siya ng Diyos na gumawa ng isa pang mahirap na bagay. Sa halip, nagtanong siya sa Diyos kung paano iyon gagawin at nagsimulang kumilos (tingnan sa 1 Nephi 17:9–11). Sa bawat pagkakataon, puwede niyang piliing lumayo sa Diyos o magdagdag ng isa pang patong ng lakas.
Hindi tayo maaaring umasa na balang-araw ay magiging malalakas at maniningning na kandila ng pananampalataya tayo maliban kung hahayaan nating palakasin tayo ng ating mga pagpili sa araw-araw. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsisisi araw-araw, pagdarasal sa tuwina—maaaring tila walang kabuluhan ang mga ito sa pakikipaglaban kay Satanas, pero ang mga karaniwang pagpapakitang ito ng pananampalataya ay nagdaragdag ng mga patong sa ating lakas na piliin ang tama anuman ang ibato sa atin ni Satanas!
Kaya ano ang pinipili mo? Pinipili mo bang magdagdag ng mga patong sa iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, o iniisip mo na kaya mong harapin si Satanas nang wala ito? Sinisikap mo bang piliin ang kabutihan sa halip na piliin ang paghihimagsik?
Paisa-isang Patong
Isinulat ni propetang Alma na, “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Hinikayat tayo ni Sister Marjorie Pay Hinckley, asawa ng Pangulo ng Simbahan na si Gordon B. Hinckley: “Kapag ginunita natin ang mga dekada ng buhay, makikita natin na ang mga bagay na tila walang kabuluhan na paulit-ulit nating ginagawa ang talagang humahabi sa huwaran ng ating buhay. At kung mabuti ang maliliit at mga karaniwang bagay na iyon, sa huli ay mamumuhay tayo nang masaya—at napakagandang bagay niyan!”2
Sa ating mga pagpili, tayo, tulad ng kandila, ay maaaring mas mapalakas nang paisa-isang patong sa mga kamay ng ating Tagapaglikha. Ano ang pipiliin mo?