Para sa Lakas ng mga Kabataan
Kapag Nabali ang Busog o Pana
Pebrero 2024


“Kapag Nabali ang Busog o Pana,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

1 Nephi 16:9–32

Kapag Nabali ang Busog o Pana

Kapag naharap ka sa mga sagabal, ano ang gagawin mo? May sagot si Nephi.

Nephi

Nangyayari ang mga bagay-bagay. Totoong nangyayari iyan sa buhay.

Araw-araw ay may mga aksidente, mga pangyayaring nagkataon lang, mga random na pangyayari—mga bagay na basta na lang nangyayari. (Siguro naglalakad ka at may isang pambihirang kakaibang ibon na lumipad sa ibabaw mo. Ayos.)

Pero kung minsa’y nangyayari ang masasamang bagay, at kapag nangyari iyon, parang mas makabuluhan iyon at di-gaanong random. (Siguro naglalakad ka at may isang pambihirang kakaibang ibon na dumapo sa mukha mo at nagulantang ka, kaya nahulog ka sa kanal. Hindi ayos.)

Paano ka tutugon kapag may masamang nangyari sa iyo?

Ang isang magandang halimbawa kung paano tumugon sa mahihirap na pangyayari ay nagmumula kay Nephi sa Aklat ni Mormon.

Mahirap na nga ang mga Bagay-bagay Noon, at Pagkatapos …

Noong nasa ilang ang pamilya ni Nephi, mahirap ang mga bagay-bagay, ngunit tinulungan sila ng Panginoon. Binigyan pa Niya sila ng isang kompas (ang Liahona) para gabayan sila (tingnan sa 1 Nephi 16:10; tingnan din sa Alma 37:38–46). Ngunit nasa ilang pa rin sila, kaya hindi talaga naging madali ang buhay. Kinailangan nilang mangaso para sa kanilang pagkain, halimbawa.

Ang trabahong mangaso ay napunta kay Nephi at sa kanyang mga kapatid. At naging maayos naman sila—sandali.

Kaya lang … tok!

Nabali ang busog o pana ni Nephi. Masama ito, dahil espesyal ang busog o pana ni Nephi. Ito ay “yari sa mainam na bakal” (1 Nephi 16:18). At “nawalan [na ng] igkas” ang mga busog ng kanyang mga kapatid (1 Nephi 16:21), kaya malamang na hindi makaabot sa malayo o wala nang puwersa ang mga palaso nila. Dahil dito, “hindi [sila] nakakuha ng makakain” (1 Nephi 16:18).

Walang pagkain. Hindi maganda iyon. At mukhang hindi ito kasalanan ng sinuman. Nangyari lang iyon. Maaaring may mga paliwanag (masyadong mainit at maalinsangan nang maglakbay sila, halimbawa). Pero anuman ang dahilan, naroon pa rin ang problema: walang pagkain.

Pagtatampo kumpara sa Paglutas

Maiintindihan na ang kawalang ito ng pagkain ay nangahulugan na marami sa pamilya ang “lubhang nahirapan” (1 Nephi 16:19). At nagsimulang magreklamo ang ilan sa kanila. Maging ang ama ni Nephi na si Lehi ay “nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon niyang Diyos” (1 Nephi 16:20).

Gutom din siguro si Nephi na tulad ng iba, pero iba ang naging reaksyon niya:

“Ako, si Nephi, ay gumawa mula sa kahoy ng isang busog, at mula sa isang tuwid na patpat, ng isang palaso; kaya nga, nasandatahan ako ng busog at palaso, kasama ng tirador at mga bato. At sinabi ko sa aking ama: Saan po ako patutungo upang makakuha ng pagkain?” (1 Nephi 16:23).

Sa halip na bumulung-bulong, naghanap ng solusyon si Nephi. At bagama’t si Lehi mismo ay nagreklamo, ama pa rin siya ni Nephi at isang propeta, kaya humingi ng patnubay si Nephi sa kanya.

Kapag Nabali ang Iyong Busog

Sa tulong ng Panginoon, nakakuha si Nephi ng pagkain para sa lahat. Problema talaga ang pagkabali ng kanyang busog. Ngunit nakahanap siya ng paraan para malutas iyon.

Kaya, ano ang gagawin mo kapag nabali ang iyong busog? Kapag hindi umuubra ang mga plano? Kapag may nasira? O kapag pinahihirap ng nagtatagal na mga epekto ng pandemya ang buhay?

Narito ang limang aral na mapupulot mo mula sa kuwento tungkol sa nabaling busog ni Nephi:

  1. Hindi mo maaaring asahan ang Panginoon na basta lutasin na lang ang mga problema mo para sa iyo. Binigyan ng Panginoon ng manna mula sa langit ang mga Israelita nang mangailangan sila ng pagkain sa ilang. Pero hindi Niya iyon ginawa para sa pamilya ni Lehi sa ilang, kahit nang mabali o mawalan ng silbi ang kanilang mga busog. Karaniwa’y kailangang mayroon kang gawin para malutas ang mga problema mo habang humihingi ka pa rin ng patnubay at tulong sa Panginoon.

  2. Hindi nakakatulong ang pagtatampo at pagrereklamo. Tulad ng sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sikaping huwag magreklamo at dumaing sa tuwina. … Lalo lang nating palalalain ang sitwasyon kapag nagreklamo tayo tungkol dito.”1

  3. Palagi kang may positibong bagay na magagawa. Hindi tulad ng Liahona, ang bagong busog o pana ni Nephi ay hindi mahimalang lumitaw isang araw. Kaya ginawa ni Nephi ang makakaya niya. At pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga pagsisikap at tinulungan siyang magtagumpay. Tandaan, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap.”2

  4. Ang iyong mga kasanayan, kaalaman, at kahandaang gawin ang mahihirap na bagay ay makakatulong sa paglutas ng mga problema. Maaaring hindi gayon kadaling gumawa ng busog o pana. (Kung naging madali iyon, baka pati sina Laman at Lemuel ay nakagawa rin niyon.) Para magawa iyon, kinailangan ni Nephi na gamitin ang mga kasanayan at kaalamang taglay na niya—at siguro’y pag-aralan pa ang ilang bagong bagay. Kinailangan din niyang magkaroon ng determinasyon na tapusin iyon. Ang mga problemang kinakaharap mo ay hindi palaging madaling nalulutas. Habang nagtatamo ka ng mga kasanayan at kaalaman at nagiging mas handang gawin ang mahihirap na bagay, inihahanda mo ang iyong sarili na lutasin ang mga problema para sa iyong sarili at sa iba.

  5. Dapat kang humingi ng tulong sa Panginoon. Batay sa nakaraang karanasan, alam ni Nephi na matutulungan ng Panginoon ang kanyang pamilya na makahanap ng pagkain (1 Nephi 16:14–16). Kaya hiniling niya sa kanyang ama na humingi ng patnubay sa Panginoon. Dapat kang humingi ng tulong sa Panginoon. Bagama’t maaaring hindi Niya ibigay sa iyo ang lahat ng detalye, maaari ka Niyang gabayan at pagpalain sa iyong mga pagsisikap.

Muli, nangyayari ang mga bagay-bagay. Pero sa susunod na mangyari iyon, alalahanin si Nephi at ang kanyang busog o pana. Palagi kang may magagawa, at mapagpapala ka ng Panginoon.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2007 (Ensign o Liahona, Mayo 2007, 18).

  2. Russell M. Nelson, sa Joy D. Jones, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2020 (Ensign o Liahona, Mayo 2020, 16).