Para sa Lakas ng mga Kabataan
Busugin ang Iyong Kaluluwa sa Panalangin
Abril 2024


“Busugin ang Iyong Kaluluwa sa Panalangin,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Enos 1

Busugin ang Iyong Kaluluwa sa Panalangin

Ang pagpapala ng pakikipag-ugnayan sa iyong Ama sa Langit ay nariyan para sa iyo sa lahat ng dako at sa tuwina.

dalagitang nagdarasal

Nakaramdam ka na dati ng gutom. Ang pagkagutom ay paraan ng pagsasabi sa iyo ng iyong katawan na kailangan nito ng pagkain. At kapag gutom ka, alam mo ang kailangan mong gawin—kumain!

Ang iyong espiritu ay may mga paraan din para ipaalam sa iyo kapag kailangan mo ng espirituwal na pagkain. Tulad ng maraming uri ng pagkain na maaari mong kainin kapag gutom ka, marami kang magagawa para pawiin ang iyong espirituwal na pagkagutom. Maaari kang “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta (2 Nephi 32:3). Maaari kang magsimba nang regular at tumanggap ng sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9). Maaari kang maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak.

Pero may isang pinagmumulan ng espirituwal na pagkain na nariyan para sa iyo sa lahat ng oras, sa bawat sandali ng iyong buhay, anuman ang iyong sitwasyon. Maaari kang makipag-ugnayan palagi sa Ama sa Langit sa panalangin.

“Ang Aking Kaluluwa ay Nagutom”

Nang mangaso si Enos ng mga hayop sa gubat, naisip niya ang itinuro ng kanyang ama “hinggil sa buhay na walang hanggan, at sa kagalakan ng mga banal.” Ang mga turong ito ay “tumimo nang malalim sa [kanyang] puso” (Enos 1:3).

Sa espirituwal na kalagayang ito ng isipan, nakadama si Enos ng matinding pangangailangan: “Ang aking kaluluwa ay nagutom,” sabi niya (Enos 1:4; idinagdag ang diin).

Ano ang ginawa ni Enos nang madama niya ang espirituwal na pagkagutom na ito? “Ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha,” sabi niya, “at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa” (Enos 1:4).

Napakatindi ng espirituwal na pagkagutom ni Enos kaya nagdasal siya buong araw at gabi. Kalaunan, sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin at pinatawad ang kanyang mga kasalanan. Nadama ni Enos na napawi ang kanyang pagkakasala at nalaman niya ang tungkol sa kapangyarihan ng pananampalataya kay Jesucristo. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang kanyang buong kaluluwa para sa kanyang mga tao at kanyang mga kaaway. Gumawa siya ng mga tipan at tumanggap ng mga pangako mula sa Panginoon at nagpunta sa kanyang mga tao at nagbahagi ng kanyang narinig at nakita (tingnan sa Enos 1:4–19).

Hindi lahat ng panalangin ay sasagutin sa gayong kamangha-manghang paraan, pero ang karanasan mo sa panalangin ay maaari pa ring maging makabuluhan at makapagpabago ng buhay. Narito ang ilang mahahalagang aral na matututuhan mo mula sa matinding panalangin ni Enos:

  • Ang pagsisikap na lubos na ipamuhay ang ebanghelyo ay makakatulong sa iyo na madama ang iyong espirituwal na pagkagutom.

  • Ang iyong espirituwal na pagkagutom ay maaari at dapat mong ipagdasal para humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

  • Ang pagdarasal sa Ama sa Langit ay makakatulong na matugunan ang iyong espirituwal na pagkagutom—at iba pa!

  • Maaari kang magdasal kahit saan, kahit kailan.

  • Matutulungan ka ng panalangin na magsisi.

  • Mapapalakas ng panalangin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

  • Maaari kang makatanggap ng personal na patotoo na naririnig ka ng iyong Ama sa Langit at alam niya ang nangyayari sa iyo.

  • Ang patotoo at lakas na natatanggap mo sa pamamagitan ng panalangin ay makakatulong sa iyo na paglingkuran at palakasin ang iba.

Ang Aking Karanasan sa Kapangyarihan ng Panalangin

Noong halos 16 anyos ako, hinilingan ako ng aking inspiradong bishop na magturo sa aming youth Sunday School class tungkol sa pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo sa pamamagitan ng panalangin. Nang lumaki na ako, nakapag-ukol ako ng oras na pag-aralan ang Aklat ni Mormon at palagi kong naramdaman na ang Simbahan ay totoo. Noon pa ako naniniwala sa Tagapagligtas na si Jesucristo, pero hindi ko sineryoso ang pangako ni Moroni, na nasa Moroni 10:4–5, at ipinagdasal ko kung totoo ang ebanghelyo. Naaalala ko na nadama ko na kung magtuturo ako tungkol sa pagtatamo ng patotoo sa pamamagitan ng panalangin, dapat kong ipagdasal na magkaroon din ako ng patotoo. Nagutom ang aking kaluluwa—marahil ay sa paraang naiiba kay Enos, pero ramdam ko pa rin ang espirituwal na pangangailangan.

Habang inihahanda ko ang lesson, lumuhod ako at taos-pusong nagdasal. Nang tanungin ko ang Panginoon kung totoo ang ebanghelyo, nagkaroon ako ng napakagandang pakiramdam—ang marahan at banayad na tinig na iyon na nagpapatunay sa akin na ito ay totoo at dapat kong ituloy ang aking ginagawa.

Napakatindi ng damdamin kaya hindi ko puwedeng balewalain ang sagot na iyon at sabihing hindi ko alam. Napakasaya ko! Nang sumunod na Linggo, tumayo ako sa harap ng aking mga kaklase at nagpatotoo na sasagutin ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin kung mayroon silang pananampalataya.

Si Ulisses Soares noong binatilyo siya

Si Elder Soares noong binatilyo siya

Nanatili sa akin ang patotoong ito. Natulungan ako nitong gumawa ng mga desisyon, lalo na sa mahihirap na sandali. Nagawa kong magpatotoo sa mga tao, nang buong paniniwala, na maaari silang makatanggap ng mga sagot mula sa Ama sa Langit kung magdarasal sila nang may pananampalataya. Totoo ito para sa akin bilang guro sa youth Sunday School class na iyon, bilang missionary, at kahit ngayon bilang Apostol.

Kailan Dapat Magdasal at Ano ang Dapat Ipagdasal

Siyempre pa, hindi ka lang nagdarasal kapag may nadarama kang isang partikular na matinding espirituwal na pangangailangan. Kaya, kailan ka dapat magdasal? At ano ang dapat mong ipagdasal? Ang maikling sagot ay: kahit kailan at para sa kahit ano.

binatilyong nagdarasal

Laging handa ang iyong Ama sa Langit na makinig sa iyo at nais Niyang magdasal ka sa Kanya nang regular at madalas. Dapat kang “makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain” (Alma 37:37) at magdasal sa umaga, tanghali, at gabi. Dapat kang magdasal sa bahay, sa trabaho, sa paaralan—saan ka man naroroon at para sa anumang adhikain mo (tingnan sa Alma 34:17–26). Dapat kang magdasal na kasama ang iyong pamilya (tingnan sa 3 Nephi 18:21), kapwa “sa madla at sa pansarili” (Doktrina at mga Tipan 81:3), sa iyong puso kapag hindi ka pormal na nagdarasal (tingnan sa Alma 34:27), at palagi sa Ama sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:19–20).

binatilyong nagdarasal

Paglapit sa Iyong Ama sa Langit

Ang isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ay nagtuturo kung paano tayo dapat lumapit sa Ama sa Langit kapag nagdarasal tayo: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10). Kapag ikaw ay mapagpakumbaba at masunurin, papatnubayan ka ng Ama sa Langit. Aakayin ka Niya sa kamay. Kanyang sasagutin ang iyong mga dalangin ayon sa Kanyang sariling kalooban, paraan, panahon, at ganap na kaalaman kung ano ang mabuti para sa iyo.

Ang iyong regular at madalas na mga panalangin ay mahalaga sa espirituwal na pagkain ng iyong kaluluwa. Ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin ay nariyan at magagawa sa lahat ng dako at sa tuwina. Dalangin ko na maalala mo ito at maitangi ang pagkakataong lumapit sa luklukan ng Diyos at tumanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya.

dalagitang nagdarasal