Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagbabahagi ng Liwanag ng Tagapagligtas: Sa Likod ng Kamera
Abril 2024


“Pagbabahagi ng Liwanag ng Tagapagligtas: Sa Likod ng Kamera,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.

Pagbabahagi ng Liwanag ng Tagapagligtas: Sa Likod ng Kamera

Pakinggan ang mga kuwento ng pagiging disipulo sa likod ng 2024 Youth Theme music video!

lalaking kinukuhanan ng video ang binatilyong naggigitara

Ang youth theme music video ngayong taon ay tungkol sa pagiging disipulo ni Cristo (tingnan sa 3 Nephi 5:13). At ang mga kabataang nakilahok ay hindi naroon para lamang umarte; natutuhan din nila ang kahulugan ng maging disipulo. Narito ang mga paraan kung paano nakikita at ibinabahagi ng ilan sa kanila ang liwanag ng Tagapagligtas sa araw-araw.

mga kabataang babae; kamera na kinukuhanan ng video ang binatilyo

Jordan, edad 18, Germany

binatilyo

Ang video na ito ay malaking oportunidad para ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Mahilig ako talaga sa musika, at gumugol ako ng ilang linggo sa pagpapraktis ng kantang “Disipulo ni Cristo” sa gitara. Tinutugtog ko ito, at hindi ako makatigil.

Sana’y seryosohin ng mga nanonood ng video ang mensahe at sikaping maging tunay na mga disipulo ni Cristo. Talagang hindi ito madali, pero maaari kang maging disipulo ni Cristo sa mga bagay na ginagawa mo, sa mga kilos mo. Iyan ang natutuhan ko sa karanasang ito—na dapat akong maging higit na katulad ni Cristo at sumunod sa Kanya.

Malakas ang aking patotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at na nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan. Malaki ang pasasalamat ko para sa Kanyang Pagbabayad-sala. Binigyan Niya ako ng pagkakataong magsisi, mapatawad, at kalaunan ay makabalik sa Kanya at sa Ama sa Langit. Ito ang pinakadakilang kaloob na naibigay sa atin ng Diyos.

lalaking may hawak na film camera; kamay ng batang lalaki sa gitara

Ark, edad 16, Finland

binatilyo

Kapag pinanood ng mga tao ang video na ito, sana’y maalala nila ang pagmamahal ni Jesucristo at kung gaano Siya kamaawain. Ang pagiging disipulo ni Cristo ay mahalaga, lalo na para sa mga kabataang tulad natin, dahil mabibigyan tayo nito ng hangaring magmisyon. Ang pagmimisyon ay magandang oportunidad para maibahagi sa ibang tao ang liwanag ng Tagapagligtas na nasa atin. Pinalalakas natin ang ating sarili at natututo tayo habang daan.

mga bahay sa tabi ng ilog

Carolina, edad 15, Sweden

dalagita

Nang magsimula kaming magsapelikula, naisip ko na, “Ano na nga ba ang gagawin ko? Hindi ako marunong umarte.” Pero talagang napakasayang karanasan niyon. Nadama ko talaga ang pagmamahal ng Diyos habang ginagawa ang pelikula. Sa video, isa akong batang babaeng nahihirapan pero humingi ako ng tulong sa isang bagong kaibigan.

Nagkaroon na rin ako ng mahihirap na sandali sa tunay na buhay. Noong 2021, naputulan ako ng litid sa tuhod [ACL o anterior cruciate ligament] sa gymnastics. Nanlumo ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Naaalala ko na nakaupo ako sa simbahan bago ako inoperahan. May nagsasalita, pero hindi ako nakikinig hanggang sa banggitin niya ang isang talata: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Nakatulong sa akin ang sandaling iyon dahil alam ko na kailangan kong magdasal at mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang matanggap ko ang Kanilang lakas.

Palagi mong kasama ang Diyos kahit sa mahihirap na sandali. Kung minsa’y kailangan mo lang na iunat ang kamay mo, at aalalayan ka Niya. Basta hanapin mo lang Siya.

lalaking kinukuhanan ng video ang mga dalagitang nakaupo sa bangko

Meleah, edad 16, Sweden

dalagita

Sa video, may nakikita akong isang batang babae na mag-isang nakaupo sa bangko na malungkot at nalulumbay, at susubukan kong pasayahin siya. Maraming beses, lalo na kapag tinedyer ka na, kung saan malulungkot ka at parang wala talagang nakakaunawa sa iyo.

Pero nauunawaan ka ng Diyos. Matutulungan ka Niyang pagdaanan ang mga oras na iyon at magsusugo ng mga tao para tulungan kang malampasan iyon. Nabiyayaan Niya ako ng pamilya at mga kaibigan. Kailangan mo lang magtiwala sa mabubuting tao sa paligid mo at magtiwala sa Diyos, dahil magiging maayos ang lahat.

Palagay ko ang mahalagang mensahe ng video na ito ay na kailangang maging matapang tayo at suportahan natin ang isa’t isa kapag nagdaraan tayo sa mahihirap na panahon. Para maging disipulo ni Jesucristo, nais kong tulungan ang mga tao sa paligid ko at ibahagi sa kanila ang liwanag na nasa aking kalooban.

kamera na kinukuhanan ng video ang mga dalagita

Patricia, edad 11, Sweden

dalagita

Maganda ang pakiramdam na maging bahagi ng isang bagay na higit pa sa akin sa paggawa ng video na ito. Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay napakalaking bagay. Naglilingkod ka sa Diyos, at iyan lang ang gusto ko. Ito ang pinakamagandang bagay na alam ko.

Aatos, edad 18, Finland

binatilyo

Napakagandang makita ang lahat ng tagpo sa likod ng kamera sa video na ito, tulad ng, “Ah, ganyan pala ang pagpihit ng kamera.” Pagdating sa pagiging disipulo ni Jesucristo, itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na kailangan nating maging mga tagapamayapa at tiyakin na ang ating mga kilos ay katulad ng kay Cristo.1 Kung may makita kang isang tao na masama ang pakiramdam, tulungan mo siya. Bahagi iyan ng pagiging disipulo ni Jesucristo.

lalaking kinukuhanan ng video ang binatilyong gumagamit ng cell phone sa kanyang higaan

Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2023 (Liahona, Mayo 2023, 98–101).