Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mga Antidote o Pangkontra sa mga Lason sa Relasyon
Abril 2024


“Mga Antidote o Pangkontra sa mga Lason sa Relasyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.

Mga Antidote o Pangkontra sa mga Lason sa Relasyon

Narito ang gagamitin para kontrahin ang mga bagay na lumalason sa ating mga relasyon.

Ang antidote ay isang gamot na pangkontra sa lason. Sa matalinghagang salita, ang antidote ay isang bagay na “panlunas” sa masamang pakiramdam o sitwasyon. Halimbawa, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang [antidote] sa pagtatalo.”1

Hindi lahat ng pisikal na lason ay may mga antidote o pangkontra. Pero sa pamamagitan ng Tagapagligtas, maaari tayong makahanap ng mga panlunas para sa ating mga personal na lason—kabilang na ang mga lumalason sa ating mga relasyon sa iba.

Huwag Maging Toxic!

Walang taong perpekto. Lahat tayo ay may mga sandali (o oras, o mga araw …) na hindi tayo katulad ni Cristo tulad ng alam natin na dapat tayong maging. Kailangan ay alam natin ang sarili nating sitwasyon at tiyakin na hindi natin nilalason ang mga tao sa ating paligid.

Narito ang ilang antidote o pangkontra sa ilang karaniwang lason:

Lason: Inggit

Bakit parang mas masaya/mas maraming ari-arian/mas maraming pagpapalang tinatanggap ang ibang mga tao kaysa sa akin?

binatilyong nagpapakita ng pasasalamat

Mga larawang-guhit ni Corey Egbert

Isang antidote: Pasasalamat.

Magpasalamat sa naibigay sa iyo ng Panginoon. Subukang sundin ang payo ng paboritong lumang himno: literal na bilangin ang iyong mga pagpapala! Bilangin mong isa-isa ang mga iyon. Magugulat ka kung gaano karami ang nagawa ng Panginoon para sa iyo.2

Lason: Galit.

Sadya man o hindi, may isang taong nagpagalit sa akin.

mga dalagitang magkayakap

Isang antidote o pangkontra: Pagpapatawad.

Ang pagpapatawad sa isa’t isa ay talagang isang kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:10). Ang bonus ay na kapag pinatawad natin ang iba, pinatatawad tayo ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:1). Bukod pa riyan, madalas ay hindi na tayo gaanong nagagalit kapag napatawad na natin ang iba.

Lason: Kayabangan.

Ayaw kong aminin na mali ako. Ayaw kong gampanan ang isang assignment dahil palagay ko hindi iyon angkop sa akin. Ayaw kong makisama sa mga batang iyon dahil hindi ko sila kabarkada.

dalagitang nagpapakita ng pagpapakumbaba

Isang antidote o pangkontra: Pagpapakumbaba.

Una sa lahat: kalimutan mo ang sarili mo. Tayo ay mga anak ng Diyos, at mahal Niya tayo—pero kasabay nito, lahat tayo ay di-perpektong mga mortal na “hindi nakahihigit sa alabok ng lupa” (Mosias 2:25). Binibigyan tayo ng Panginoon—lahat tayo—ng kahinaan upang tayo ay magpakumbaba (tingnan sa Eter 12:27). At mas mabuti palagi na kusang piliing magpakumbaba kaysa maghintay hanggang sa pilitin ka ng Diyos na magpakumbaba (tingnan sa Alma 32:15–16).

Paano Kung Toxic ang Isang Tao?

Pag-ibig sa kapwa ang antidote sa maraming bagay, hindi lamang sa pagtatalo. “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama” (Moroni 7:45). Dapat nating ipagdasal na magkaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa (tingnan sa Moroni 7:48) para mapatawad natin ang mga kahinaan ng ibang tao—tulad ng inaasam natin na ipagdarasal nila na magkaroon sila ng pag-ibig sa kapwa upang mapagpasensyahan nila ang sa atin. Hindi rin tayo dapat matakot na magtakda ng mga hangganan. Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na manatili ka sa isang toxic na relasyon o mapaminsalang sitwasyon.3