Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paniniwala kay Cristo Bago Siya Pumaritong Muli
Abril 2024


“Paniniwala kay Cristo Bago Siya Pumaritong Muli,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Jarom

Paniniwala kay Cristo Bago Siya Pumaritong Muli

May pananampalataya ang mga Nephita bago naparito ang Tagapagligtas, at maaari tayong manampalataya bago Siya pumaritong muli.

Larawan
si Jesucristo nang dumalaw sa mga Nephita

Naisip mo na ba kung ano kaya ang pakiramdam ng maniwala sa Tagapagligtas bago Siya naparito sa lupa? Kinailangang gawin iyan ng mga sinaunang Nephita—“umasa sa Mesiyas, at maniwalang siya ay paparito na para bagang pumarito na siya” (Jarom 1:11).

Sa panahong ito, mayroon tayong mga talaan sa banal na kasulatan at kasaysayan na nagpapatotoo na si Jesucristo ay nabuhay, namatay, at muling nagbangon. Naniniwala tayo sa isang Tagapagligtas na naparito na. Ngunit naniniwala rin tayo sa isang Tagapagligtas na paparitong muli.

Bago Pumarito si Jesucristo, Nanampalataya ang mga Nephita na:

Larawan
si Haring Benjamin at ang kanyang asawa na nagdarasal

Mapatawad sa kanilang mga kasalanan.

“Sinumang maniniwala na si Cristo ay paparito, sila rin ay makatatanggap ng kapatawaran [sa] kanilang kasalanan, at magsasaya sa labis na kagalakan, na parang Siya ay pumaroon na sa kanila” (Mosias 3:13; idinagdag ang diin).

Larawan
Enos

Patawarin ang kanilang sarili.

“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na. … Kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis. At aking sinabi: Panginoon, paano ito nangyari? At sinabi niya sa akin: Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita. At maraming taon ang lilipas bago niya ipakikita ang kanyang sarili sa laman; … ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo” (Enos 1:5–8; idinagdag ang diin).

Larawan
si Jacob na nangangaral

Magsagawa ng mga himala.

“Alam namin ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon pa bago ang kanyang pagparito. … Kung kaya nga’t tunay na nakapag-uutos kami sa pangalan ni Jesus at sinusunod kami maging ng mga punungkahoy, o ng mga bundok, o ng mga alon sa dagat” (Jacob 4:4, 6; idinagdag ang diin).

Larawan
si Moroni na nagsusulat sa mga lamina

Tumanggap ng paghahayag.

“Marami na ang pananampalataya ay napakalakas, maging bago pa pumarito si Cristo, na hindi maaaring pagbawalan mula sa loob ng tabing, kundi tunay na namalas ng kanilang mga mata ang mga bagay na namasdan nila sa pamamagitan ng mata” (Eter 12:19; idinagdag ang diin).

Bago Pumaritong Muli si Jesucristo, Maaari Tayong Manampalataya na:

Mapatawad, patawarin ang ating sarili, magsagawa ng mga himala, at tumanggap ng paghahayag (tulad ng mga Nephita).

Larawan
binatilyong kumakanta sa simbahan

Ihanda ang ating sarili para sa Kanyang pagparito.

Habang sinisikap nating tuparin ang ating mga tipan, naghahanda tayong mamuhay sa kahariang selestiyal. “Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32).

Larawan
mga kabataan sa harap ng templo

Ihanda ang mundo para sa Kanyang pagparito.

Inanyayahan na tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na maging bahagi ng “pinakadakilang gawain sa mundo”—ang pagtitipon ng Israel. “Inireserba ng [ating] Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na [espiritu]—[marahil,] masasabi kong, ang pinakamahusay [Niyang] pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritu—ang pinakamahuhusay na manlalaro[, ang mga bayaning iyon]—ay kayo!”1

Larawan
mga dalagitang magkayakap

Magkaroon ng pag-asa sa mahihirap na panahon.

Kapag pumaritong muli ang Tagapagligtas, ang mga matwid ay mamumuhay nang payapa. Maghahari ang Tagapagligtas, at malulunasan ang kawalang-katarungan. “Sapagkat ang Panginoon ay nasa gitna nila, at ang kanyang kaluwalhatian ay mapapasakanila, at siya ay kanilang magiging hari at kanilang tagapagbigay ng batas” (Doktrina at mga Tipan 45:59).

Larawan
dalagita

Magtiwala sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli. Magkakaroon tayo ng perpekto at imortal na katawan. Maaari nating makitang muli ang mga mahal natin sa buhay na pumanaw na. “Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan, maging kagaya natin ngayon sa sandaling ito” (Alma 11:43).

Larawan
si Jesucristo nang magpakita sa mga Nephita

Nanampalataya ang mga sinaunang Nephita sa Tagapagligtas bago Siya naparito. Maaari tayong manampalataya na ang Tagapagligtas ay paparitong muli—kung kailan “makikita [natin Siya] sa mga alapaap ng langit, nadaramitan ng kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Doktrina at mga Tipan 45:44; tingnan din sa Mga Gawa 1:11). Paano mababago ng pagkaalam na Siya ay paparitong muli ang gagawin mo ngayon?

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

Print