“Hindi Kailangang Maasiwa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.
Hindi Kailangang Maasiwa
Hindi miyembro ng Simbahan si Hannah noon. Miyembro si Natalie. At nagtulungan sila na mas mapalapit kay Jesucristo.
Ang Kuwento ni Hannah
Nakilala ko si Natalie sa unang araw ng grade six. Napansin ko na hindi siya nakikibarkada tuwing Linggo at dala niya ang kanyang mga banal na kasulatan sa paaralan. Isang araw nasa karnabal kami ni Natalie, at sinabi ko, “Gusto kong sumapi sa Simbahan mo.” Hindi ko tiyak kung ano ang iniisip ni Natalie sa oras na iyon, dahil bigla ko na lang sinabi iyon. Pero mula noon nagsimula na siyang magbahagi ng iba pa sa akin tungkol sa kanyang relihiyon.
Kalaunan noong taong iyon, sumama ako kay Natalie sa isang youth conference. Ang isa sa mga huling aktibidad sa youth conference ay ang testimony meeting. Nagbahagi si Natalie ng isang espesyal na patotoo na nagganyak sa akin na gustuhing malaman pa ang iba.
Nang pag-aralan ko ang ebanghelyo, ipinagdasal ko sa Ama sa Langit na magtamo ako ng patotoo. Hindi nagtagal, nalaman ko na totoo ang natututuhan ko. Noong summer na iyon, naging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Kalaunan, tinanong ako ng isang kaibigan kung ano ang binyag. Ibinahagi ko sa kanya ang mga bagay na gustung-gusto ko tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang kaligayahang natagpuan ko sa Tagapagligtas. Mahilig ang kaibigan ko sa soccer, kaya kinausap ko ang aking class presidency na magplano ng isang aktibidad sa soccer para maanyayahan siya. At pinag-aralan namin ni Natalie ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng FaceTime.
Noong una, parang isang malaking responsibilidad ang pagtulong sa kaibigan ko—na sinasabi ang mga tamang bagay para maunawaan niya o inaanyayahan siya sa mga tamang aktibidad. Pero natanto ko na hindi ito tungkol sa pag-convert kundi tungkol sa pagmamahal. Kung mayroon kang mabubuting intensyon at matwid na mga hangarin, anumang ginagawa mo para makilahok sa gawain ng Ama sa Langit ay ituturing na isang tagumpay. Habang sinisikap mong mahalin ang iyong mga kaibigan sa paraan ng Tagapagligtas, inaanyayahan mo silang lumapit sa Kanya.
Ang Kuwento ni Natalie
Nang lumipat ako sa isang bagong paaralan noong grade six, isang batang babaeng nagngangalang Hannah ang nakasama ko sa tanghalian at ipinakilala niya ako sa mga bagong kaibigan. Pero hindi ko natanto na, kasabay nito, tinutulungan ko siyang malaman ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Isang araw nagkasama kami ni Hannah sa isang karnabal. Bigla na lang niyang sinabi sa akin na gusto niyang sumapi sa Simbahan. Hindi lang ako nagulat. Ang una kong naisip ay, “Hindi ko sigurado kung alam niya kung gaano kalaking responsibilidad ito.”
Hindi ko tiyak kung ano ang gagawin, pero sabi ng mga magulang ko, “Interesado siya sa ebanghelyo. Dapat mo siyang anyayahan sa ward camp.” Naisip ko na baka mabigla si Hannah sa paggugol ng buong linggo na kasama namin at magkaroon ng mga bagong kakilala. Pero sinunod ko ang payo nila at inanyayahan ko siya sa camp at sa youth conference.
Sa testimony meeting sa youth conference, nadama ko na kailangang marinig ni Hannah ang aking patotoo, kahit takot talaga akong magsalita sa harap ng maraming tao. Alam ni Hannah na takot ako, at humanga siya na handa akong magbahagi dahil naniniwala ako sa ebanghelyo.
Masyado akong mapag-isip, kaya tuwing iisipin kong anyayahan si Hannah sa mga bagay-bagay, iniisip ko, “Baka isipin niya na pinipilit ko siyang sumapi sa Simbahan.” Pero alam ko na hindi makatwiran ang takot na ito. Gusto ng mga tao na inaanyayahan sila. Sa paglipas ng panahon, naging mas komportable akong ibahagi ang nararamdaman ko. Natutuhan ko na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay tungkol sa pagmamahal.
Napakalaki ng kagalakan sa pagbabahagi ng mga bagay na pinakamamahal at pinahahalagahan mo. Hindi lamang nabago ng pagsapi ni Hannah ang kanyang buhay; nabago rin nito ang buhay ko at napalakas ang aking patotoo. Nakita ko ang kaibhang ginawa ng Tagapagligtas para kay Hannah, at nakatulong ito na malaman ko ang kaibhang ginagawa Niya para sa akin.
Ang mga awtor ay mula sa Hawaii, USA.