Para sa Lakas ng mga Kabataan
Talaga?
Abril 2024


“Talaga?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Jacob 4

Talaga?

Oo. Talaga. Itinuro ng propetang si Jacob ang susi sa pag-unawa sa pinakadakilang katotohanan.

ulo ng tao

“Mali ka.” “Magpakatotoo ka.” “Maging praktikal ka.” Kung minsa’y nagsasalita ng ganitong mga bagay ang mga tao kapag iniisip nila na walang muwang o kaya ay nangangarap ang isang tao.

At totoo ito—ang pagbabalewala sa realidad ay maaaring maging tunay na problema. (Ayaw mong isipin ng mga tao, halimbawa, na ang batas ng gravity ay hindi angkop sa kanila. Maaaring masama ang kahantungan niyan.)

Pero ang realidad ay malaki—mas malaki kaysa nalalaman ng maraming tao. Sa katunayan, ang pinakamalaki at pinakamahalagang bahagi ng realidad ay higit pa sa buhay na ito lamang at sa pisikal na mundong nakikita natin gamit ang ating limang pandamdam. Maaari lamang itong espirituwal na mahiwatigan.

Itinuro ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol sa mas malaking realidad na ito at kung paano natin malalaman at mauunawaan ito.

Bakit Hindi?

Nagturo si Jacob sa kanyang mga tao tungkol sa pinakadakilang realidad na umiiral: si Jesucristo at ang Kanyang papel sa plano ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay sinabi ni Jacob, “Huwag mamanghang sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito; sapagkat bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya, tulad ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, at ng susunod na daigdig?” (Jacob 4:12).

Sa pahayag na ito, itinuro ni Jacob ang ilang mahahalagang katotohanan:

  • Mayroong higit pa sa buhay na ito—may pagkabuhay na mag-uli.

  • Mayroong higit pa sa mundong ito—may “daigdig na darating.”

  • Ang pinakamahalaga, ginawang posible ni Jesucristo ang lahat ng ito para sa atin sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

  • Maaari tayong magtamo ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito.

Malalaking realidad ang mga iyon. At tulad ng sabi ni Jacob, bakit hindi tayo mangusap tungkol sa mga iyon?

Pagkatapos ay sinabi ni Jacob kung paano niya nalaman ang mga bagay na iyon at malinaw na nagsalita tungkol sa mga iyon.

“Ang mga Bagay Kung Ano Talaga ang mga Ito”

Itinuro ni Jacob: “Ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13).

Tanging sa Banal na Espiritu natin malalaman ang katotohanan—“ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito,” ang buong realidad. Paano natin gagawin iyan?

Ang totoo ay na karamihan sa pagkaunawa ng tao sa realidad—kapwa pisikal at espirituwal—ay nakabatay sa tiwala.

Nagtitiwala tayo na bibigyan tayo ng ating limang pandamdam ng tuwirang karanasan sa pisikal na realidad. Nagtitiwala rin tayo sa iba pang pinagmumulan nito—mga magulang, guro, aklat, artikulo, website, retrato, mapa, video—lahat ng klase ng bagay. Sa paglipas ng panahon, inaalam natin ang katotohanan sa pagdanas mismo ng mga bagay-bagay, o nakikita natin na tumitibay ang mga katotohanan.

Tulad ng natuto tayong magtiwala sa ating limang pandamdam, matututo tayong magtiwala sa kakayahan nating mahiwatigan ang mga espirituwal na bagay.

At kailangang matuto tayong magtiwala sa ilang iba pang pinagmumulan ng mga espirituwal na bagay. Kailangang manampalataya tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at magtiwala sa Kanila at sa Kanilang pagmamahal. Kailangang magtiwala tayo sa Espiritu Santo. Kailangang magtiwala tayo sa mga propeta, sa mga banal na kasulatan, at sa iba pang mga mapagkukunan ng inihayag na katotohanan. At kailangang magtiwala tayo sa patotoo ng iba.

Kapag nananampalataya at nagtitiwala tayo, maaaring magkaroon tayo mismo ng mga espirituwal na karanasan at makakita ng mga espirituwal na katotohanang tumitibay sa paglipas ng panahon. Makikita natin ang mas malaking realidad na binanggit ni Jacob:

Si Jesucristo ay totoo. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay totoo. Ang Kanyang Pagkabuhay na Muli ay totoo. Ang ating pagkabuhay na muli ay totoo rin. Ang buhay na ito ay totoo. At ang kabilang-buhay ay totoo. Ang plano ng Ama sa Langit ay totoo. Ito ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito at talagang mangyayari. Ang pagtanggap sa realidad na ito ay maaaring magpabago sa ating buhay magpakailanman.