Brazilian Lemonade at ang mga Kalamansi ng Buhay
Madalas ay hindi nangyayari ang inaasam ng isang tao sa kanyang buhay. Ano ang ginagawa mo kapag nagkagayon?
Fresh Brazilian Lemonade, sabi sa karatula sa palengke sa labas. Pagkatapos ng masarap at makremang pagsipsip, kinailangan ko nang umuwi at gumawa ng sarili kong maiinom.
Akala ko alam ko kung ano ang aasahan: asukal, tubig, yelo, at siyempre mga lemon, hindi ba? (Tutal, sa Ingles, ang pangalan ng inumin ay may lemon na kasama.)
Pero nang mag-google ako ng isang Brazilian recipe, nagulat akong makakita ng mga kalamansi sa halip na mga lemon na inasahan ko. Hindi iyon ang nakasanayan ko!
Isang Resipe sa Buhay
Ayos lang ang mga di-inaasahang sangkap sa isang resipe, pero paano kung may biglang mangyari sa buhay mo na di-inaasahan o hindi pa nga kasiya-siya? Isipin mo ito: ginagawa mo ang lahat para makagawa ka ng mabubuting pasiya, at maayos ang mga bagay-bagay. Iniisip mo na baka may mga sangkap ang resipe para sa buhay mo na kagaya nito:
-
Mga pagpapala
-
Mga kaibigang panghabambuhay
-
Isang mapagmahal na pamilya
-
Maglingkod sa kahanga-hangang misyon
-
Matanggap sa pangarap mong trabaho
Pero habang nagpapatuloy ka sa buhay, nakikita mo ring nakahalo ang mga sangkap na ito:
-
Mga pagsubok
-
Mga pagkakaibigang nagtatapos nang di-inaasahan
-
Pamilyang nahihirapan
-
Isang talagang napakahirap na misyon
-
Mga panalanging hindi nasasagot
May ginawa ka bang mali? Nasira ba ang buhay mo? Dapat mo bang itapon ang resipe (at ang pananampalataya mo habang may ginagawa kang iba) dahil hindi umaayon ang mga bagay-bagay sa inasahan mo?
Magtiwala Ka sa Diyos
Siyempre hindi! Matuto mula sa 2,000 mga kabataang mandirigma. Bagama’t sila at ang kanilang mga pamilya ay namuhay nang matwid, naharap pa rin sila sa digmaan, nawalay sa kanilang pamilya, at nangasugatan nang malulubha. Hindi siguro ito ang inasahan ng magigiting na binatilyong ito.
Pero sa kabila niyon, sinabi pa rin nila, “Kasama natin ang ating Diyos” (Alma 56:46). Nang isuko nila ang kanilang mga inaasahan, nagtiwala sila sa Diyos, at sumulong sila nang may pananampalataya, ginawa Niyang mga pagpapala ang mga di-inaasahang “kalamansi” sa kanilang buhay. At gagawin din Niya iyon para sa iyo.
Kaya sa susunod na mangailangan ng mga kalamansi ang resipe ng buhay mo kung kailan inakala mo na may mga lemon, huwag sumuko. Tulad ng itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith, “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan at para sa iyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7). Anuman ang mangyari, habang nasa tabi mo ang Diyos, maaari pa ring maging masarap ang buhay. (Magiging kasingsarap siguro iyon ng Brazilian lemonade.)