Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paano Ako Mapapatawad, Mapapatawad ang Aking Sarili, at Mapapatawad ang Iba?
Agosto 2024


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Ako Mapapatawad, Mapapatawad ang Aking Sarili, at Mapapatawad ang Iba?

Kapag itinuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas, makikita natin ang mga sagot sa malalalim at mahahalagang alalahanin ng ating kaluluwa.

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University—Hawaii noong Ene. 29, 2023.

Magkakayakap sina Alma at ang mga anak ni Mosias

Gusto kong sagutin ang ilang tanong na ikinababahala ng mga kabataang disipulo ni Jesucristo.

Paano Ako Mapapatawad, Madarama na Karapat-dapat Ako, at Madarama ang Pagmamahal ng Diyos?

Maraming tao ang nahihirapang magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan, madamang karapat-dapat na tumanggap ng sakramento, at madama ang pagmamahal ng Diyos para sa atin kahit kapag nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat.

Ang alituntunin ng pagsisisi ay dumarating pagkatapos ng pananampalataya kay Jesucristo. Mahal tayo ng Diyos, kahit na nakalubog tayo sa kasalanan. Pinatatawad tayo kapag nagpapakumbaba tayo sa harap ng Diyos, humihingi ng payo sa angkop na mga lider ng Simbahan kung kailangan, at nagsisisi at tumatalikod sa ating mga kasalanan. Ang paggawa ng mga hakbang na ito ay mas naglalapit sa atin sa Tagapagligtas, na magpapalaya sa atin sa huli mula sa pagkakasala, kalungkutan, at espirituwal at pisikal na pagkaalipin.

Hindi natin alam kung bakit patuloy tayong nakokonsensya kung minsan kahit pinagsisihan na natin ang mga kasalanang nagawa natin. Sa halip na magkaroon ng haka-haka, kausapin ang iyong Ama sa Langit tungkol dito. Tanungin Siya nang deretsahan. Alam ko na sa paglipas ng panahon, ihahayag Niya sa inyo ang kailangan ninyo.

Sa sitwasyon ko, may ilang alaala pa rin ako tungkol sa ilan sa nakaraan kong mga pagkakamali. Nang ipagdasal ko iyon, sinabi sa akin ng Panginoon na napatawad na ako, at hindi na ako dapat mag-alala tungkol sa mga bagay na iyon. Gayunman, nadarama ko rin na ang mga alaalang iyon ay isang babala para sikapin kong huwag nang magawang muli ang mga pagkakamaling iyon. Kaya, ang mga alaala na iyon ay hindi ganap na negatibo. Nakikita ko ang mga iyon sa buhay ko bilang pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa akin habang patuloy Niya akong binabalaan na iwasang tahaking muli ang landas na iyon.

Habang patuloy tayong nagsisikap na gawin ang lahat ng ating makakaya, na ipinapakita sa ating mga gawa ang hangaring linisin ang loob ng sisidlan malamang na maglaho ang pakiramdam ng pagkakonsiyensya at ang panghihina-ng-loob. Sa paglipas ng panahon, ang ating karanasan ay maaaring maging katulad ng kay Alma, na nagpatotoo na matapos magsisi “natatandaan pa rin niya ang kanyang mga kasalanan, ngunit ang alaala ng kanyang mga kasalanan ay hindi na nakabagabag at nagpahirap sa kanya, dahil alam niyang napatawad na siya.”

Paano Ko Mapapatawad ang mga Taong Nakasakit sa Akin?

Ang nakatutuwang pag-aalala na ipinahayag ng mga kabataan ay may kaugnayan sa pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin at gumawa ng masasamang bagay sa atin.

Sa pag-aaral natin ng salita ng Diyos, nalaman natin na ang pagpapatawad sa iba ay naghahatid ng malalaking espirituwal na pagpapala, kabilang na ang kapayapaan at pag-asa. Ang pinakamahalaga marahil sa mga pagpapalang ito ay na kapag pinatawad natin ang iba, mapapatawad din tayo sa ating sariling mga kasalanan. Itinuturo sa atin ng Panginoon na ang pagpapatawad ay isang utos sa lahat ng tao at na tayo ay “kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.” Gayunman, maaaring mahirap pa rin ito.

Kung minsa’y hinahayaan nating pahinain ang ating loob ng kapalaluan, takot, galit, o kapaitan at hadlangan ang kakayahan nating makadama ng pag-asa. Pero ang lakas-ng-loob na magpatawad ay dumarating sa mga taong sumasampalataya at nagtitiwala sa Panginoon. Ang ibig sabihin ng magpatawad ay huwag nang manisi sa isang nakaraang sakit. Ito ay ang bitawan din ang isang mabigat na pasanin. Ito ay ang sumulong sa buhay.

Tungkol sa paglimot, mahalagang tandaan na “ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan ng paglimot sa pagkakasala o pagkukunwaring hindi ito nangyari kailanman. Ito ay hindi nangangahulugan na pahihintulutan mo na magpatuloy ang [nakasasakit na ugali o asal]. Hindi ito nangangahulugan na posible na maghilom ang lahat ng relasyon. At hindi ito nangangahulugang hindi pananagutin ang nagkasala sa kanyang mga ginawa. Ang ibig sabihin nito ay matutulungan ka ng Tagapagligtas na bumitaw.”

Narito ang ilang mungkahing makakatulong sa prosesong ito:

  • Ipagdasal na maging magpagpakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay kabaligtaran ng kapalaluan, na siyang pangunahing balakid sa pagsisikap nating magpatawad. Itinutuon tayo ng kapalaluan sa damdamin ng pagkapoot sa iba. Nagiging sanhi rin ito ng pagbalewala sa sarili nating mga kahinaan, pagkakamali, at kasalanan. Pero nangangako ang Panginoon, “Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.” Ayon sa ating pagpapakumbaba at pananampalataya, tutulungan tayo ng Panginoon na maging higit na katulad Niya at tunay na magpatawad na tulad Niya.

  • Magpasalamat. Ang pagpapahayag ng pasasalamat ay nag-aanyaya sa Espiritu nang mas lubusan sa ating buhay, na maaaring magpalambot at magpabago sa ating puso. Isiping isulat sa journal ang mga bagay na pinasasalamatan mo. Maghanap ng mga pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos bawat araw. Kapag sinikap ninyong magkaroon ng pasasalamat, makikita ninyo na maaari pa ninyong matukoy ang mga dahilan para pasalamatan ang inyong mga pagsubok.

  • Magtiyaga. Ang pagpapatawad kapag lubha kayong nasasaktan ay maaaring mangailangan ng ilang panahon. Maaari kayong magbigay ng puwang sa inyong puso para magpatawad sa pamamagitan ng tapat na panalangin, pag-aaral, at pagninilay. Ang magpakabusog sa mga salita ni Cristo araw-araw ay makakatulong din sa inyo na mas mapalapit sa Kanya at maghahatid ng malaking kapangyarihang magpagaling sa inyong buhay.

  • Kalimutan ang nakaraan. Ang kasaysayan ay kasaysayan at hindi ito mababago. Pero maitutuon ninyo ang inyong lakas sa ngayon, sapagkat ngayon, mayroon kayong kapangyarihang piliin na magpatawad. Ipaubaya ang inyong pasanin sa Panginoon. Tandaan na bukod sa pagdadala sa Kanyang sarili ng mga kasalanan ng sanlibutan, inako ni Cristo ang ating mga pasakit at karamdaman. Kung tutulutan ninyo Siya, mapapagaan Niya ang inyong pasanin.

Ang pagkakaroon ng lakas na magpatawad ay maaaring mahirap, pero ginagawa itong posible ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Totoo na, kapag binuksan natin ang ating puso para patawarin ang iba, bibiyayaan tayo ng kapayapaan. Inaanyayahan ko kayong tanggapin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng pagpapatawad.

Kapag itinuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas, makikita natin ang mga sagot sa malalalim at mahahalagang alalahanin ng ating kaluluwa. Pinupuspos ng nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ng kapayapaan, liwanag, pag-unawa, kagalakan, at pagmamahal ang ating kaluluwa.