Sino ang May Kontrol sa Iyong Utak?
Pag-isipan ang lahat ng pumapasok sa utak mo araw-araw—mga pag-uusap, palabas sa TV, musika, video, teksto, tanawin, salita, tunog! Napakarami nito para isiping lahat. Kung hindi mo bibigyang-pansin ang pinag-uukulan ng oras ng utak mo, madaling makokontrol ng mga bagay na iyon ang buhay mo. Matutulungan ka ng mga tip na ito para manatiling may kontrol.
1. Magplanong Huwag Kumonekta
Mag-iskedyul ng oras araw-araw na huwag kumonekta sa teknolohiya at mga gambala. Maaari kang mag-ukol ng mapayapang oras sa labas o magpraktis na pumunta sa mga lugar nang hindi dala ang iyong mga device kapag hindi mo kailangan ang mga iyon. Ang paglalaan ng tahimik at inilaang oras nang walang teknolohiyang tumutunog sa tainga mo ay nagbibigay ng puwang para mapahinga ang iyong isipan, isipin ang isang bagay na hindi ka nagkaroon ng oras na isipin noon, at bumuo ng mga inspiradong ideya. Isipin kung ano ang sinasabi ng gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan tungkol sa paggamit ng teknolohiya: “Maaaring oras ninyo ang uubusin ng social media at ng iba pang teknolohiya nang wala kayong gaanong mapapakinabangan. Tumigil sandali sa pagkonekta sa virtual na mundo, at makipag-ugnayan sa mga tao sa tunay na buhay.”
2. Magpraktis na Magnilay-nilay
Nang dalawin ni Jesucristo ang mga Nephita, itinuro Niya sa kanila ang Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila na umuwi at pagnilayan (pag-isipan nang malalim) ang Kanyang mga salita at “maihanda ang [kanilang] isip” para sa iba pa Niyang mga salita (3 Nephi 17:3). Dapat din tayong mag-ukol ng oras na magnilay-nilay at magmuni-muni. Isipin kung ano ang nadarama mo nitong huli, ano ang pinasasalamatan mo, ano ang natutuhan mo kamakailan, o ano ang iyong mga mithiin. Ang pagninilay ay maaaring makatulong sa iyo na mapansin ang impluwensya ng Diyos sa iyong buhay.
3. Manalangin, at Pagkatapos ay Makinig
Ang ating isipan ay maaaring maging espirituwal na mga daluyan. Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At [pagkatapos ay] makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo.” Ang pagdarasal at pakikinig sa Espiritu pagkatapos ay maaaring makatulong sa iyo na makadama ng kapayapaan at patnubay ng langit sa kabila ng maraming impluwensya sa mundo.
4. Unahin ang Mabubuting Impluwensya
“Ang inyong isipan at espiritu ay lubos na naaapektuhan ng inyong binabasa, pinanonood, at pinakikinggan.” Suriin kung ano ang ipinapasok mo sa utak mo. Aling sources ang nakakatulong? Alin ang nag-aanyaya sa Espiritu? Kung nakakainis, nakakabalisa, nakakatamad, o nakikipagtalo ang mga bagay na pinag-uukulan mo ng oras, panahon na siguro para iwaksi ang mga impluwensyang iyon. Unahin ang mga bagay na nagpapasigla o na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Ang pagpili ng mabubuting impluwensya ay maaaring makatulong sa iyo na sundin si Jesucristo at matanggap ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala.