Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paghahanda para sa Iyong mga Espirituwal na Pakikipaglaban
Tulad ni Kapitan Moroni, maaari kang tumanggap ng banal na tulong at kapangyarihan para sa mga hamong kinakaharap mo sa buhay.
Nang una kong mabasa ang Aklat ni Mormon, naakit ako sa pananampalataya, talino, at mga taktikang ginamit ni Kapitan Moroni. Siya ang naging pinuno ng lahat ng hukbo ng mga Nephita noong 25 taong gulang pa lang siya! Siya ay matalino, malakas, at lubos na tapat sa kalayaan at kapakanan ng kanyang mga tao (tingnan sa Alma 48:11–12).
Sa halip na purihin ang sarili niya sa tagumpay ng hukbo, sinabi ni Moroni sa isang pinuno ng natalong kaaway:
“Ibinigay kayo [ng Panginoon] sa aming mga kamay … dahil sa aming relihiyon at sa aming pananampalataya kay Cristo.” Sinabi rin ni Moroni, “Ang Diyos ay itataguyod, at aarugain, at pangangalagaan kami, hangga’t kami ay tapat sa kanya, at sa aming pananampalataya, at sa aming relihiyon” (Alma 44:3, 4).
Sa paglipas ng panahon, natanto ko na makakatulong sa atin ang halimbawa ni Moroni sa pagharap sa mga hamon ng ating modernong buhay. Lalabanan mo ang ilang espirituwal na pakikibaka sa iyong kabataan. Kapag nanampalataya ka kay Jesucristo, bibiyayaan ka Niya ng Kanyang kapangyarihan. Tutulungan ka Niyang maghanda at manalo sa mga pakikipaglaban na iyon. Pero para magawa Niya ito, kailangan mong maunawaan ang iyong layunin, gumawa ng mga estratehiya para magtagumpay, at maghanda para sa mga espirituwal na pakikipaglaban, tulad ng ginawa ni Moroni sa mga tunay na pakikipaglaban niya sa buhay. Kapag ginawa mo ito, susuportahan at iingatan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Unawain ang Iyong Layunin
Paulit-ulit na ipinaalala ni Moroni sa mga tao kung sino sila (mga tagapagmana ng Tipang Abraham), kung kanino sila (mga minamahal na anak ng Diyos), at ang adhikaing ipinaglaban nila (pamilya, pananampalataya, at kalayaan mula sa pang-aapi at pagkaalipin).
Nang hangarin ng ilang Nephita na gumamit ng awtoridad para sa personal na kapakinabangan, pinunit ni Moroni ang kanyang bata at isinulat sa isang piraso noon: “Sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak” (Alma 46:12). Itinaas niya ang bandilang ito, na tinawag niyang “bandila ng kalayaan” (Alma 46:13), sa dulo ng isang tagdan at ginamit ito upang ipaalala sa mga tao kung ano ang ipinaglalaban nila at para makiisa sila sa adhikain. Tayo man ay kailangang paalalahanan kung ano ang ipinaglalaban natin.
Ginawa ito ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004), dating miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, para sa akin. Noong 2004, binisita ko siya sa kanyang kuwarto sa ospital bago siya namatay. Napakabait niya sa lahat ng bumisita o tumulong sa kanya. Pumasok ang mga health care worker sa kuwarto niya at lumabas na umiiyak.
“Elder Maxwell, ang hirap nito talaga,” sabi ko.
“Ah, Dale,” tumawa siya nang mahina. “Tayo ay mga walang-hanggang nilalang na nabubuhay sa isang mortal na mundo. Wala tayo sa lugar na talagang dapat nating kalagyan, tulad ng isda na wala sa tubig. Magkakaroon lang ng katuturan ang lahat ng ito kapag mayroon tayong walang-hanggang pananaw.”
Huwag kalimutan kailanman ang iyong likas na kabanalan at walang-hanggang tadhana. Sa mga espirituwal na pakikibaka sa buhay, “ang ating pakiki[baka] ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga … naghahari … sa kadiliman … [at] laban sa … espirituwal [na] kasamaan” (Efeso 6:12). Ang tamang pagkaunawa sa plano ng Ama sa Langit para sa iyo ay maghihikayat sa iyo na patuloy na makipaglaban para sa iyong walang-hanggang kaligtasan at para sa iyong kalayaan mula sa espirituwal na pagkaalipin.
Estratehiya para sa Tagumpay
Sa maraming labanan, madiskarteng gumawa ng mga plano si Moroni para matiyak ang tagumpay. Epektibo niyang ginamit ang kanyang resources para tuklasin ang mga aktibidad at layon ng kanyang mga kaaway at para patatagin at protektahan ang mga lungsod. Humingi siya ng patnubay mula sa propetang si Alma at ginamit ito sa kanyang pamamaraan sa paglaban. Hindi kailanman nakuntento si Moroni sa mga nakaraang tagumpay. Patuloy niyang pinagbuti ang kanyang mga estratehiya. Nakatulong ito sa kanyang mga hukbo na magtagumpay laban sa kanilang mga kaaway.
Maaari mo ring gamitin ang mga pamamaraang ito sa mga espirituwal na pakikibaka. Sinisikap ni Satanas na ilihis ka sa iyong layunin. Kung magpapatangay ka kahit sa maliliit na tukso, “unti-unti [kang malalason]” (Alma 47:18), ang pinaka-epektibong estratehiyang ginamit ng mga kapangyarihan ng kasamaan na maaaring humantong sa espirituwal na kamatayan. Kapag naharap ka sa tukso, itanong sa iyong sarili:
-
“Paano maihahambing ang pagkilos na ito sa inihayag na salita ng Diyos?”
-
“Ano ang mga ibubunga ng ganitong pagkilos?”
-
“Matutulungan ba ako ng ganitong pagkilos na maisakatuparan ang layunin ko sa mundo?”
Mapapalakas mo ang iyong sarili laban sa mga tukso ni Satanas sa pagsunod sa patnubay ng ating propeta sa mga huling araw. Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Ang paggawa ng estratehiya kung paano mo haharapin ang mga tukso ay tutulong sa iyo na gumawa ng mas tamang mga pagpili. Ang mga nakaplanong estratehiya ay tutulong sa iyo na iwasang magambala mula sa iyong walang-hanggang layunin.
Halimbawa, maaaring gamitin ang teknolohiya sa mabuti at masama, na kapwa kapaki-pakinabang at nakapipinsala, depende sa paggamit natin nito. Ang resources na “Taking Charge of Technology [Pamamahala sa Teknolohiya]” at Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili ay makakatulong sa iyo na gumawa ng matatalinong pagpili tungkol sa iyong mga device. Ipinapaalala ng mga ito sa iyo ang iyong layunin, itinuturo ka kay Jesucristo, at tinutulungan kang anyayahan ang Espiritu Santo sa iyong buhay. Ang pagpaplano kung paano, kailan, at saan mo ginagamit ang teknolohiya ay magpapatibay sa iyo laban sa mga paggambala ni Satanas.
Maghanda na Ngayon
Naghanda si Moroni para sa darating na mga pakikidigma sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanyang mga tao ng mga baluti sa dibdib, kalasag, helmet, at makakapal na kasuotan. Pinaligiran din niya ng mga muog ang mga lungsod, at nagbunton ng mga tagaytay na lupa sa paligid ng mga iyon.
Para sa mga espirituwal na pakikipaglaban sa ngayon, naghahanda ka sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Personal kang nagdarasal, nag-aayuno, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kumikilos ka nang may pananampalataya, habang tumutugon sa espirituwal na patnubay na natatanggap mo. Pinalalakas mo ang iyong pamilya. Dumadalo ka sa simbahan at tapat na naghahanda para at karapat-dapat na tumanggap ng sakramento. Habang umuunlad ka sa ebanghelyo, gagawa at tutupad ka ng mga tipan sa Diyos na maghahatid ng kapangyarihan ni Jesucristo sa iyong buhay.
Sa paggawa ng mga bagay na ito, matatanto mo na hindi ka nag-iisa sa iyong mga pakikibaka. Magiging higit na totoo sa iyo ang Tagapagligtas, tulad ng pagiging totoo Niya kay Moroni. Matatag siya sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo at batid niya na makakaasa siya na papatnubayan at ililigtas siya ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 48:16). Magagawa mo rin ito.
Umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Ginawang dahilan ni Moroni ang lahat ng kaligayahan ng kanyang mga tao sa pagiging tapat nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos at sa kanilang relihiyon. Kapag nauunawaan mo ang iyong layunin, gumagawa ka ng estratehiya para magtagumpay, at naghahanda ka para sa mga espirituwal na pakikibaka, matatanto mo na dumarating ang kagalakan dahil sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano, at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Tulad ni Moroni, alam ko na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay naghahatid ng lubos na kalayaan mula sa pagkaalipin—kalayaan mula sa kamatayan at kasalanan. Bibiyayaan ka Nila ng Kanilang banal na tulong at kapangyarihan kapag umasa ka sa Kanila sa lahat ng bagay.