2024
Isang Plano ng Awa
Agosto 2024


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Alma 39–42

Isang Plano ng Awa

Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit

Ipinauunawa ng plano ng Ama sa Langit ang kahalagahan ng lahat ng bagay, lalo na ang pangangailangan nating bumaling sa Kanya at sa ating Tagapagligtas—upang makagawa nang mas mabuti at maging mas mabuti.

plano ng kaligtasan

Mga larawang-guhit ni Sarah Keele

May plano ang Ama sa Langit. Ang planong ito ay kadalasang tinatawag na plano ng kaligtasan dahil tungkol ito sa pagliligtas sa atin—ibig sabihin, pagdaig sa mga bagay na humahadlang sa atin na makabalik sa Ama sa Langit. Tinatawag din ito kung minsan na plano ng kaligayahan dahil ang layunin nito ay tulungan tayong maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit upang tumanggap tayo ng ganap na kagalakan.

Ang pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit ay maaaring magbigay sa atin ng walang-hanggang pananaw, na maaaring makatulong sa atin na magsisi at makagawa ng mas mabubuting pagpili. Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay sa atin ng magandang paglalarawan ng katotohanang ito sa kuwento ng anak ni Alma na si Corianton.

Ngunit bago iyan, narito ang pangunahing buod ng plano ng Ama sa Langit.

Ang Plano ng Ama sa Langit

Bago ang Buhay na Ito

Mga Espiritu: Lahat tayo ay mga espiritung anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit. Kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin.

Ang Plano: Ang Ama sa Langit ay naglaan ng plano para sa ating kaligayahan at pag-unlad. Ang planong ito ay inilahad sa ating lahat.

Jesucristo: Mahalaga si Jesucristo sa plano at hinirang na maging Tagapagligtas natin sa simula pa lang.

Kalayaan: Pinili nating tanggapin ang plano ng Ama sa Langit.

Paglikha: Sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang daigdig para matirhan natin.

Sa Buhay na Ito

Mortal na Buhay: Ang ating espiritu ay nananahan ngayon sa mga pisikal na katawan. Sa buhay na ito, nagtatamo tayo ng karanasan, natututo, at lumalago.

Kalayaan: Lahat ng tao ay isinilang na may Liwanag ni Cristo—ibig sabihin, konsiyensya o pangunahing pagkaunawa sa tama at mali. Binigyan din ng Ama sa Langit ang lahat ng tao ng kakayahang kumilos para sa kanilang sarili at pumili ng mabuti o masama.

Kasalanan at Kamatayan: Bawat isa sa atin ay nagkakasala, at bawat isa sa atin ay mamamatay.

Jesucristo: Dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, isinugo Niya si Jesucristo, na Kanyang Anak, para tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, namatay, at nabuhay na mag-uli. Dahil sa Kanya, tayo ay mabubuhay na mag-uli. Dahil sa Kanya, maaari tayong magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan.

Ang Ebanghelyo ni Jesucristo: Inihahayag ng Ama sa Langit ang Kanyang plano sa mga propeta. Ipinapangaral nila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kabilang dito ang pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas

Pagkatapos ng Buhay na Ito

Daigdig ng mga Espiritu: Kapag namatay tayo, patuloy na mabubuhay ang ating espiritu. Kabilang sa daigdig ng mga espiritu ang isang kalagayan ng paraiso (kapayapaan at kapahingahan ng mabubuti) at ng bilangguan ng mga espiritu.

Kalayaan: Ipinapangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu upang lahat ay magkaroon ng oportunidad na piliing tanggapin ito.

Pagkabuhay na Mag-uli: Dahil kay Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli. Magsasamang muli ang espiritu at katawan, at bawat tao ay mabubuhay nang walang-hanggan sa isang perpekto at nabuhay na mag-uling katawan.

Paghuhukom: Lahat ay dadalhin sa kinaroroonan ng Diyos para mahatulan. Si Jesucristo ang ating magiging hukom.

Mga Kaharian ng Kaluwalhatian: May iilang eksepsyon, lahat ng anak ng Diyos ay magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian. Ang tatlong kahariang ito ay ang mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. Kung tayo ay tapat, maaari tayong bumalik para mamuhay sa piling ng Diyos sa kahariang selestiyal at tumanggap ng ganap na kagalakan.

Ang Bisa ng Pag-unawa sa Plano: Ang Kuwento ni Corianton

Nagbigay sa atin ang propetang si Alma ng isang halimbawa kung paano nakakatulong ang mas magandang pag-unawa sa plano ng kaligtasan para tanggapin natin ang landas ng Diyos tungo sa kaligayahan, ang landas ng pagsisisi (tingnan sa Alma 39–42).

Tinawag ang anak ni Alma na si Corianton na sumama sa kanyang ama para mangaral sa mga Zoramita. Pero hindi palaging kumikilos noon si Corianton ayon sa nararapat. Hindi siya nakinig na mabuti sa kanyang ama. Sumuway siya. Naging mayabang siya at hambog. At nagpatangay siya sa tukso at gumawa ng matinding kasalanang seksuwal.

May ilang tahasang salita si Alma para kay Corianton kung gaano katindi ang kanyang mga kasalanan at paano nakasama ang kanyang pag-uugali sa mga pagsisikap nilang pagsisihin ang mga Zoramita. Pero higit sa lahat, tinuruan ni Alma ang kanyang anak tungkol sa plano ng kaligtasan.

May ilang tanong si Corianton na bumagabag sa kanya na may kaugnayan sa ebanghelyo. Ang ilan sa kanyang maling pagkaunawa ay nagtulak sa kanya na pangatwiranan ang kanyang mga kasalanan. Nag-ukol ng oras si Alma na sagutin ang mga tanong ng kanyang anak sa pamamagitan ng pagpapaliwanag tungkol sa plano ng kaligtasan.

Nagtanong si Corianton tungkol sa:

  • Propesiya. Bakit napakatagal nang alam na paparito si Jesucristo bago iyon nangyari? Sinabi ni Alma na kailangang ipaalam nang maaga ang plano at na maaaring magsugo ng mga anghel ang Diyos para ipahayag ito anumang oras—bago o pagkatapos pumarito si Cristo. (Tingnan sa Alma 39:15–19.)

  • Pagkabuhay na Mag-uli. Kailan mabubuhay na mag-uli ang mga tao? Ano ang nasa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli? Ipinaliwanag ni Alma sa kanya na magsisimulang mabuhay na mag-uli ang mga tao pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Itinuro din ni Alma na sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, mapupunta ang mga espiritu ng mabubuti sa kalagayan ng kapayapaan at kapahingahan, na tinawag niyang paraiso. Mapupunta ang mga espiritu ng masasama sa isang lugar ng kadiliman at pagdurusa. (Tingnan sa Alma 40:1–15.)

  • Pagsisisi. Bakit tayo kailangang magsisi kung manunumbalik ang espiritu at katawan ng lahat sa pagkabuhay na mag-uli? Ipinaliwanag ni Alma sa kanya na lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at hahatulan ayon sa kanilang mga gawa. Kung gumawa sila ng mabuti at nagnais ng mabuti at pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan, manunumbalik sila sa kaligayahan. Kung gumawa sila ng masama at nagnais ng masama, hindi sila maaaring ipanumbalik sa kalagayan ding iyon ng kaligayahan, dahil hindi nila pinili iyon sa buhay na ito. (Tingnan sa Alma 41:1–15.)

  • Katarungan at awa. Bakit makatwirang parusahan ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan? Ipinaliwanag ni Alma na nahiwalay ang mga tao sa kinaroroonan ng Diyos dahil sa pisikal na kamatayan at sa kanilang mga kasalanan. At sila ay mahihiwalay magpakailanman kung wala si Jesucristo. Siya ang naghatid ng pagkabuhay na mag-uli, na dumaig sa pisikal na kamatayan. Siya rin ang nagbayad-sala para sa lahat ng ating mga kasalanan. Pero hindi maaaring sirain ng Kanyang nagbabayad-salang awa ang katarungan, kaya ibinibigay lamang ang awa sa mga nagsisisi. Ang pagsisisi ay ang kundisyong itinakda Niya upang matanggap natin ang awang makakamtan natin dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. (Tingnan sa Alma 42:1–28.)

Ano ang nangyari kay Corianton?

Muli siyang tinawag na mangaral. Tila nakinig siya sa mga salita ng kanyang ama tungkol sa plano ng kaligtasan. Nagsisi siya at naghangad na mamuhay nang matwid (tingnan sa Alma 63:2).

Paano Naman Tayo?

Kapag kailangan nating magsisi (na dapat gawin—maging tapat tayo—araw-araw), maaari nating isipin ang plano ng kaligtasan at pag-aralan ito. Tinawag ito ni Alma na “plano ng awa” (Alma 42:15). Inihahandog sa atin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo para sa ating mga kasalanan ang awang ito—kapag nagsisisi tayo. Kaya maaari siguro nating isipin ang plano bilang “plano ng pagsisisi.”

Nais ng ating Ama sa Langit na bumalik tayo sa Kanya, maging higit na katulad Niya, at tumanggap ng ganap na kagalakan tulad Niya. Iyan ang layunin ng Kanyang plano. Pinili nating tanggapin ang planong ito bago tayo isinilang. Maaari nating isakatuparan ang planong ito ngayon sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at paggawa at pagtupad ng mga tipan.