2024
Paggawa nang Mabuti sa Paris
Agosto 2024


Paggawa nang Mabuti sa Paris

Ipinapakita ng dalawang disipulong ito kung paano nila sinusunod ang Tagapagligtas.

dalagita

Mga larawang kuha ni Christina Smith

Sa napakaraming hamon at tao sa iba’t ibang panig ng mundo na nangangailangan ng tulong, naiisip ba ninyo kung may magagawa kayo para makatulong na talagang makakagawa ng kaibhan?

Noong Kanyang mortal na ministeryo, “naglibot [si Jesus] na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Bilang Kanyang disipulo, maaari ninyong tularan ang Kanyang halimbawa at gawin din ito. Oo! Marami kayong magagawa para makagawa ng kaibhan.

Iyan ang natuklasan ng magkapatid na sina Elodie, 14, at Micah, 12, mula sa Paris, France. Narito ang ilang paraan na tinutularan nila si Jesucristo at “[naglilibot] na gumagawa ng mabuti” sa paligid nila.

binatilyo

Pagtutuon sa mga Nangangailangan

“Ang isang disipulo ni Cristo ay palaging umaasa sa Tagapagligtas,” sabi ni Elodie. “Ang isang disipulo ni Cristo ay nagmamahal sa Kanya at nagpapasalamat para sa nagawa Niya para sa kanya. Ang isang disipulo ni Cristo ay sumusunod sa Kanyang mga yapak.”

Sinusunod ni Elodie ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (Doktrina at mga Tipan 58:27). “Nag-oorganisa kami ng mga kaibigan ko ng mga kaganapan para makalikom ng pondo para sa kapus-palad na mga tao o sa mga bansang naghihirap,” sabi ni Elodie. “Ang pera ay ibinibili ng mga damit, aklat, laruan, toiletries, at pagkain. Ipinababatid din namin sa mga taong maaaring hindi nakakaalam tungkol dito para malaman kung gusto nilang tumulong. Sinusubukan naming manindigan at tumulong sa ibang mga tao.”

magkakapatid na sama-samang naglalakad

Noong taglagas ng 2022, sinuportahan ni Elodie at ng kanyang mga kaibigan ang isang organisasyong pangkawanggawa sa France na tumutulong sa kababaihang nahihirapang maghanap ng trabaho o nangangailangan ng tulong sa pagsuporta sa kanilang pamilya. Nagdaraos sila ng fashion show para makapag-ipon ng pera. Nagbigay sila ng donasyon sa organisasyon sa pag-asang susuportahan nito ang kababaihang nangangailangan at makakagawa ito ng kaibhan sa kanilang buhay.

“Masaya ako na nababago ko ang isang maling bagay na nangyayari sa iba,” sabi ni Elodie. “Masaya ring makihalubilo sa mga tao para subukang alamin kung paano isali at tutulungan ang iba na makita na maaari silang makilahok at makagawa rin ng kaibhan.”

pamilyang naghahanda ng pagkain

Pagiging Kaibigan

“Ang isang disipulo ni Cristo ay pinananatili si Cristo sa sentro ng kanyang puso at buhay,” sabi ni Micah. “Sinisikap niyang maging katulad Niya.”

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Si Micah ay naglilingkod bilang ambassador sa kanyang paaralan. Ang isang ambassador ay tumutulong sa mga bagong estudyante. Inililibot niya sila sa paaralan, ipinapakita kung paano gumagana ang kurikulum, at tinutulungan ang mga bagong estudyante na makibagay.

“Tinulungan ko ang isa sa mga kaibigan ko noong bagong pasok siya sa paaralan namin,” sabi ni Micah. “Habang nanananghalian, tinanong niya ako tungkol sa paaralan, at sinagot ko ang mga iyon. Sinikap kong maging komportable siya. Magandang manindigan para sa mga kaibigang maaaring nalulungkot, namamanglaw, o nalulumbay. Ipinadarama nito sa akin na nagiging higit na katulad ako ni Jesucristo.”

binatilyong nakikipaglaro sa nakababatang kapatid na lalaki

Nang dumating ang panahon para mabinyagan si Micah ilang taon na ang nakararaan, tinanong ng kanyang ina kung sino ang gusto niyang anyayahan sa kanyang binyag. Pitong kaibigan ang inanyayahan ni Micah, at dumating silang lahat! “Masaya ako na sinuportahan ako ng lahat,” sabi niya.

Nang sumunod na ilang araw, tinanong ng mga kaibigan niya si Micah tungkol sa kanyang binyag at sa Simbahan. “Nagdala ako ng mga banal na kasulatan at nagkuwento tungkol sa Simbahan,” sabi ni Micah. “Talagang napakagandang sabihin sa kanila ang kahalagahan ng Simbahan sa akin at sa aking pamilya.”

dalagitang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Pagkasumpong ng Lakas na Gumawa ng Mabuti

Sa pag-alaala at pagsunod sa Tagapagligtas, nakasumpong ng lakas sina Elodie at Mikas na gumawa ng mabuti.

“Talagang nakatulong sa akin ang pag-asa kay Jesus,” sabi ni Elodie. “Dahil Siya ay nasa aking tabi, kaya kong ibahagi ang ebanghelyo, gumugol ng oras sa piling ng aking pamilya, bumuo ng mga relasyon, lumahok sa mga aktibidad ng mga kabataan, palaguin ang aking patotoo, maghandang magmisyon, at patuloy na tipunin ang Israel.”

dalagita

Nakasumpong din ng lakas si Micah sa pagiging disipulo ni Cristo. “Kung hindi ako sigurado kung ano ang gagawin sa ilang sitwasyon, itinatanong ko sa sarili ko kung ano kaya ang gagawin ng Tagapagligtas. Kung gagawin ito ng Tagapagligtas, dapat ko rin itong gawin,” sabi ni Micah. “Dati-rati, hiyang-hiya akong sabihin kahit kanino ang mga pinaniniwalaan ko. Naisip ko, ‘Ah, pagtatawanan nila ako.’ Ang pagsisimba, pagpunta sa templo, at pagtulong sa iba ay paraan para malaman ng mga kaibigan ko na kilala nila ang tunay kong pagkatao.”

Ipinapaalala sa atin ni Elodie na “ibinigay ni Jesucristo ang lahat ng Kanyang oras, lahat ng Kanyang pagsisikap, at lahat ng Kanyang pagmamahal sa iba.” Nakatulong kay Elodie ang pag-alaala rito sa maraming paraan. “Kapag nag-oorganisa kami ng mga kaibigan ko ng mga pagkakawanggawa, sinisikap naming tularan ang ginawa ni Jesus sa buong buhay Niya,” sabi niya. “Ginagawa namin ang gagawin Niya kung narito Siya. Ipinapaalala nito sa akin na ako ay isang disipulo ni Cristo.”

Si Jesucristo ang “lakas ng mga kabataan.’” Ang ibig sabihin niyan ay Siya ang inyong lakas. Palalakasin Niya kayo tulad ng ginawa Niya para kina Elodie at Micah. Sa piling Niya, “lahat ng mga bagay ay [inyong] magagawa” (Filipos 4:13) at makagagawa kayo ng “maraming kabutihan” para sa inyong mga kaibigan, kapamilya, at iba pa sa paligid ninyo.