Para sa Lakas ng mga Kabataan
Subukan Ito!
Agosto 2024


Subukan Ito!

Paano mo malalaman na ang mga salita ng mga propeta at ng mga banal na kasulatan ay totoo at para sa iyo?

dalagitang minamarkahan ang napakalaking mga banal na kasulatan gamit ang napakalaking highlighter

Mga larawang-guhit ni Emily E. Jones

Tumatanggap tayo ng mahalagang patnubay mula sa mga propeta at sa mga banal na kasulatan. Pinagpapala nito ang ating buhay at tinutulungan tayong magpakabuti. Mahalagang malaman mo sa iyong sarili na ang itinuturo nila ay totoo.

Paano mo gagawin iyan?

Itinuro ni Alma na maaari tayong gumawa ng “pagsubok sa … salita … at [gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya” (Alma 32:27). Ang mga pagsubok ay ginagawa sa lahat ng oras at nagiging paraan ng pag-alam pa tungkol sa mundo sa ating paligid. Matutulungan din tayo ng mga ito na makahanap ng mga sagot sa mga espirituwal na tanong at mapalakas ang ating pananampalataya.

Narito ang isang espirituwal na pagsubok na maaari mong subukan!

Hanapin ang Tagapagligtas sa mga Banal na Kasulatan

Ilang taon na ang nakararaan, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga young adult ng Simbahan “na dagdagan ang kanilang patotoo” at “pag-aralan ang lahat ng makakaya nilang pag-aralan tungkol kay Jesucristo.” Hiniling niya sa kanila na mag-ukol ng ilang oras bawat linggo sa “pag-aaral ng lahat ng sinabi at ginawa ni Jesucristo na nasusulat sa ating pamantayang mga banal na kasulatan” gamit ang mga sipi sa banal na kasulatan sa ilalim ng heading na Jesucristo sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Noong panahong iyon, “binasa at ginuhitan [na ni Pangulong Nelson] ang bawat talatang bumabanggit kay Jesucristo, na nakalista sa ilalim ng main heading at ng 57 subtitle sa Topical Guide.” Pinag-aralan niya ang mahigit 2,200 banal na kasulatan! Inabot siya ng anim na linggo para makumpleto ang gawain. Nang tanungin si Pangulong Nelson ng asawa niyang si Wendy kung ano ang epekto ng pag-aaral ng lahat ng banal na kasulatang iyon sa kanya, sinabi niya, “Nagbago ako!”

Hiniling namin sa ilang kabataan na gawin din ang eksperimentong ito na magbasa hangga’t kaya nila ng tungkol sa Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan sa loob ng isang linggo. Pagkatapos ay tinanong namin sila kung ano ang natutuhan nila. Narito ang sinabi nila.

Ano ang Naging mga Resulta?

dalagita

“Nadama ko ang Espiritu sa pamamagitan ng mga patotoo at turo na ibinahagi tungkol kay Jesucristo. Gustung-gusto ko lalo na ang mga banal na kasulatan tungkol kay Cristo bilang ating Pastol. Inaalagaan Niya tayo. Habang nagbabasa ako tungkol sa Kanya, nadama ko ang Kanyang pagmamahal na nakapalibot sa akin. Nalaman ko na nadama ng ating Tagapagligtas ang mga tukso at pisikal na pagdurusa, tulad natin. Kapag nagsisikap tayong maging katulad Niya, OK lang na matukso at mapagod, dahil nadama rin naman iyon ng ating Tagapagligtas, pero hindi iyon nakapigil sa Kanya sa pagsasakatuparan ng gawain ng Kanyang Ama. Gusto kong alalahanin ito kapag pagod na pagod na akong magbasa ng mga banal na kasulatan. Gusto kong sundin ang mga turo ng ating Tagapagligtas dahil mahal ko Siya—hindi lang para magpatangay sa agos. Gusto kong maipakita sa uri ng pamumuhay ko na isa akong alagad ni Cristo.”

Eve S., 17, Alberta, Canada

binatilyo

“Nalaman ko na maaari tayong makaranas ng malalaking hamon, pero sa tulong ng ating Tagapagligtas, magagawa natin ang lahat ng bagay at mapapalakas tayo sa kabila ng mga hamon sa ating buhay. Matutulungan tayo ng Tagapagligtas na maghanda para sa mga problemang makakaharap natin balang-araw. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagpaunawa sa akin sa kahalagahan ng ating Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa plano ng Diyos. Ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagpapadama sa akin ng pagmamahal at nagpapaalala sa akin na mahalaga ako sa Tagapagligtas. Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo, nakatanggap ako ng patnubay para gumawa nang mas mabuti at ‘isipin ang kahariang selestiyal.’ Hihilingin ko sa mga kaibigan ko na samahan ako sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon para makapagbahagi kami sa isa’t isa ng natutuhan namin.”

Ambher L., 17, Nueva Ecija, Philippines

dalagita

“Habang nabubuhay si Jesucristo sa mundo, ginawa Niya nang may layunin ang pagbasbas at pagpapagaling niya sa mga tao. Habang nagbabasa at nagninilay ako tungkol sa Tagapagligtas, nakadama ako ng matinding kapayapaan. Nagawa kong lumayo sa mga stress at pagkabalisa sa buhay at makita ang mga bagay-bagay nang may ibang pananaw. Sa bago kong kaalaman tungkol sa Tagapagligtas, magdarasal ako para mahanap ang mga taong kailangan ni Jesus na tulungan at paglilingkuran ko sila tulad ng gagawin Niya.”

Josh H., 16, Florida, USA