Isang Makapangyarihang Relasyon
Ang tipan ay higit pa sa isang kontrata; ito ay isang relasyon.
May larawan pa rin ako ng mga berdeng silyang inupuan nina Elder Pistone at Elder Morasco nang tinuruan nila ang pamilya ko sa aming tahanan sa Argentina. Nagturo sila nang may napakalaking espirituwal na kapangyarihan kaya tumatakbo ang ate ko na 10 taong gulang at ako (edad 9) para hipuin ang mga silya pagkaalis nila, na umaasang mahawahan kami ng kapangyarihang iyon.
Hindi nagtagal ay nalaman ko na hindi nagmula sa mga silya ang kapangyarihan kundi sa pakikipagtipan sa Diyos at kay Jesucristo.
Ang Karanasan Ko sa Binyag
Ginawa ko ang aking unang tipan noong Nobyembre 13, 1977. Wala akong gaanong maalala tungkol sa aking binyag, pero naaalala ko na tinulungan ako ni Elder Pistone na lumusong sa tubig at kinumpirma ako ni Elder Morasco habang basa pa ang buhok ko. Naaalala ko rin ang kagalakang nadama ko nang yakapin at hagkan ako ng mga bagong kaibigan sa ward sa paraan ng mga taga-Argentina at ang matinding hangaring nadama ko na maging tapat na anak ng Ama sa Langit.
Kalaunan natanto ko na ang kagalakang nadama ko ay nagmula sa kaloob na Espiritu Santo. Nalaman ko na kapag tapat kong tinutupad ang aking mga tipan sa Diyos, mapapasaakin ang Espiritu. Ang Espiritu Santo ay isa lamang sa makapangyarihang mga pagpapalang nagmumula sa pakikipagtipan sa Diyos at kay Jesucristo.
Ngayon, kahit may pagkukulang sa aking mga motibo, iniisip, at pagkilos, umaasa akong patuloy na magsisikap. Bakit? Dahil ginagawang posible ng pagtanggap ng sakramento na mapanibago ko ang aking mga tipan at makagawa ako ng mga bagong tipan bawat linggo. Labis akong nagpapasalamat para sa pagpapalang iyan.
Isang Magiliw na Pakikipagtipan
Madalas nating marinig na ang mga tipan ay mga pangako sa pagitan natin at ng Diyos. Bagama’t totoo iyan, hindi lang iyon tungkol dito. Ang totoo, “ang pagtupad ng tipan ay hindi isang transaksyon na walang kahalong damdamin kundi isang magiliw na relasyon.”
Kaya paano ka makikipagtipan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas? Sakdal na ang pagmamahal Nila sa iyo at nais ka Nilang pagpalain (tingnan sa 3 Nephi 14:11). Pero ang anumang relasyon sa pagitan ng dalawang tao ay nangangailangan ng panahon at pagmamahal mula sa magkabilang panig.
Gusto mo bang mag-ukol ng mas maraming panahon sa Kanila? Kapag ginawa mo ang mga bagay na gagawin Nila, lumalakad kang kasama Nila! Maaaring kasingsimple iyan ng pakikinig sa isang kaibigan sa mahirap na panahon, pag-uukol ng oras na makipaglaro sa isang kapatid, o pagsasali sa isang tao na ang pakiramdam ay hindi siya kabilang. Kamakailan, gumugol ako ng oras na makasama ang Diyos sa pamamagitan ng pagrerekord ng mga voice message at pagpapadala ng mga text sa isang kaibigan sa Argentina na nalulungkot. Nagpasiya rin ako na palaging panatilihing aktibo ang aking temple recommend para makapag-ukol ako ng panahon sa piling ng Panginoon sa Kanyang banal na bahay. Maaari mong ipagdasal na bigyan ka ng mga ideya na tutulong sa iyo na makagugol ng panahon sa Ama sa Langit at sa iyong Tagapagligtas.
Gusto mo bang ipakita sa Kanila na mahal mo Sila? Ituring ang mga kautusang ipinangako mong sundin sa tipan bilang isang paraan para ipahayag ang iyong pagmamahal, hindi bilang listahan ng mga tuntunin. Halimbawa, para masunod ang Word of Wisdom, pinag-aralan ko kung paano magluto ng masusustansyang pagkain. Ngayo’y tinuturuan ko ang mga anak kong babae na gayon din ang gawin. Kapag handa kang sundin ang mga utos ng Diyos, lalago ang iyong pagmamahal sa Kanya at sa Tagapagligtas.
Ang ating pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tutulong sa atin na higit Silang makilala at magkaroon ng higit na access sa Kanilang kapangyarihan sa ating buhay—nang higit sa anupamang bagay na maibibigay ng mga berdeng silya. At binabago tayo ng kapangyarihang iyan magpakailanman!