Paano Ako Makauunawa?
Kapag masigasig, taos-puso, matibay, at taimtim na hinangad nating matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at itinuro ito sa isa’t isa, ang mga turo na ito ay magpapabago ng mga puso.
Mahal kong mga kapatid, napakasayang magkasama-sama tayong muli rito sa pangkalahatang kumperensya para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamahala ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Pinatototohanan ko sa inyo na magkakaroon tayo ng pribilehiyong marinig ang tinig ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga turo ng mga taong nagdarasal, kumakanta, at nagsasalita tungkol sa mga pangangailangan sa ating panahon sa kumperensyang ito.
Tulad ng nakatala sa aklat na Mga Gawa, itinuro ni Felipe na evangelista ang ebanghelyo sa isang taga-Ethiopia na isang bating na namamahala sa lahat ng kayamanang pag-aari ng reyna ng Ethiopia.1 Habang pabalik mula sa pagsamba sa Jerusalem, binasa niya ang aklat ni Isaias. Sa paghimok ng Espiritu, lumapit pang lalo si Felipe sa kanya at sinabi, “Nauunawa mo baga ang binabasa mo?
“At sinabi [ng bating], Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? …
“At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.”2
Ang itinanong nitong taga-Ethiopia ay isang paalala tungkol sa banal na utos sa ating lahat na hangaring matutuhan at ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isa’t isa.3 Sa katunayan, sa konteksto ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, tayo ay kung minsan ay tulad ng mga taga Etiopia—kailangan natin ang tulong ng isang tapat at inspiradong guro; at kung minsan ay tulad din tayo ni Felipe—kailangan nating turuan at palakasin ang iba sa kanilang pagbabalik-loob.
Ang dapat nating layunin sa paghahangad na matutuhan at ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo ay pag-ibayuhin ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang banal na plano ng kaligayahan at kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at magkaroon ng walang-kupas na pagbabalik-loob. Ang pagpapaibayong iyon ng pananampalataya at pagbabalik-loob ay tutulungan tayong gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, sa gayo’y lalakas ang ating hangaring tularan si Jesus at magkaroon ng tunay na espirituwal na pagbabago sa atin—sa madaling salita, ginagawa tayong panibagong nilalang, tulad ng itinuro ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto.4 Ang pagbabagong ito ay magbibigay sa atin ng mas masaya, mabunga, at malusog na buhay at tutulungan tayong magpanatili ng walang-hanggang pananaw. Hindi ba ito mismo ang nangyari sa bating na taga-Ethiopia nang malaman niya ang tungkol sa Tagapagligtas at magbalik-loob siya sa Kanyang ebanghelyo? Sabi sa banal na kasulatan, “ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.”5
Ang kautusan na pag-aralan at ituro ang ebanghelyo sa isa’t isa ay hindi bago; palagi itong inuulit mula pa noong simula ng kasaysayan ng tao.6 Sa isang partikular na okasyon, habang nasa kapatagan ng Moab si Moises at ang kanyang mga tao bago pumasok sa lupang pangako, hinikayat siya ng Panginoon na ipaalala sa kanyang mga tao ang responsibilidad nilang matutuhan ang mga batas at tipan na natanggap nila mula sa Panginoon at ituro ang mga ito sa kanilang mga inapo,7 na ang marami ay hindi pa personal na naranasan ang tumawid sa Dagat na Pula o ang pahayag na ibinigay sa Bundok ng Sinai.
Ipinaalala ni Moises sa kanyang mga tao:
“Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo’y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang. …
“… Iyong [ituro] sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.”8
Nagtapos si Moises, na sinasabing, “Iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios.”9
Patuloy na itinuturo ng mga propeta ng Diyos na kailangan nating palakihin ang ating pamilya sa “pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon”10 at “sa liwanag at katotohanan.”11 Sinabi ni Pangulong Nelson kamakailan, “Sa panahong ito na laganap ang imoralidad at nakalululong na pornograpiya, sagradong responsibilidad ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng Diyos [at ni Jesucristo] sa kanilang buhay.”12
Mga kapatid, ang babala ng ating pinakamamahal na propeta ay isang dagdag na paalala sa ating indibiduwal na responsibilidad na hangaring matutuhan at ituro sa ating pamilya na may isang Ama sa Langit na nagmamahal sa atin at nagbuo ng isang banal na plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak; na si Jesucristo, ang Kanyang Anak, ang Manunubos ng sangkatauhan; at na ang kaligtasang iyan ay nagmumula sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan.13 Ang ating buhay ay kailangang sumandig sa bato na ating Manunubos, si Jesucristo, na maaaring makatulong sa atin bilang mga indibiduwal at pamilya na maukit sa ating puso ang sarili nating mga espirituwal na impresyon, na tutulong sa atin na makatagal sa ating pananampalataya.14
Maaalala ninyo na dalawang disipulo ni Juan Bautista ang sumunod kay Jesucristo matapos marinig ang patotoo ni Juan na si Jesucristo ang Cordero ng Diyos, ang Mesiyas. Tinanggap ng mabuting mga kalalakihang ito ang paanyaya ni Jesus na “Magsiparito kayo, at inyong makikita”15 at makasama niya sa araw na iyon. Nalaman nila na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sumunod sa Kanya habambuhay.
Gayundin, kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito kayo, at inyong makikita,” kailangan nating sumunod sa Kanya, magbasa ng mga banal na kasulatan, magalak dito, matutuhan ang Kanyang doktrina, at sikaping mamuhay na katulad Niya. At saka lang natin Siya makikilala pati na ang Kanyang tinig, batid na kapag lumapit at nanalig tayo sa Kanya, hinding-hindi na tayo magugutom o mauuhaw.16 Mahihiwatigan na natin ang katotohanan sa lahat ng oras, tulad ng nangyari sa dalawang disipulo na nanatili sa piling ni Jesus nang araw na iyon.
Mga kapatid, hindi iyan nagkakataon lang. Ang pag-ayon natin sa pinakamatataas na impluwensya ng kabanalan ay hindi isang simpleng bagay; nangangailangan ito ng pagtawag sa Diyos at pagkatuto kung paano gawing sentro ng ating buhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung gagawin natin ito, nangangako ako na ihahatid ng impluwensya ng Espiritu Santo ang katotohanan sa ating puso’t isipan at patototohanan ito,17 na itinuturo ang lahat ng bagay.18
Ang tanong ng taga-Ethiopia na, “Paanong [mauunawaan] ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman?” ay may espesyal na kahulugan sa konteksto ng ating pansariling responsibilidad na isabuhay ang natutuhan nating mga alituntunin ng ebanghelyo. Sa sitwasyon ng taga-Ethiopia, halimbawa, kumilos siya ayon sa katotohanang natutuhan niya kay Felipe. Pumayag siyang magpabinyag. Nalaman niya na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.19
Mga kapatid, kailangang makita sa ating mga kilos ang ating natututuhan at itinuturo. Kailangan nating ipakita sa kanila sa ating pamumuhay ang ating mga paniniwala. Ang pinakamagaling na guro ay isang magandang halimbawa. Ang pagtuturo ng isang bagay na talagang isinasabuhay natin ay makakagawa ng kaibhan sa puso ng ating mga tinuturuan. Kung gusto natin na masayang pakaingatan ng mga tao, kapamilya man o ibang tao, ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga buhay na apostol at propeta, kailangan nilang makita na nalulugod ang ating kaluluwa sa mga ito. Gayundin, kung nais nating malaman nila na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating panahon, kailangan nilang makita na nagtataas tayo ng kamay para sang-ayunan siya at matanto na sumusunod tayo sa kanyang inspiradong mga turo. Sabi nga sa isang bantog na Amerikano ang kasabihan, “Mas mahalaga ang ginagawa ng isang tao kaysa kanyang sinasabi.”
Itinatanong siguro ng ilan sa inyo sa sarili sa sandaling ito mismo, “Elder Soares, matagal ko nang ginagawa ang lahat ng ito at sinusundan ang huwarang ito bilang indibiduwal at bilang pamilya, pero sa kasamaang-palad, lumayo na sa Panginoon ang ilan kong mga kaibigan at mahal sa buhay. Ano ang dapat kong gawin?” Para sa inyo na nakadarama ngayon mismo ng kalungkutan, sakit, at siguro’y panghihinayang, dapat ninyong malaman na sila’y hindi pa lubos na nawawala dahil alam ng Diyos kung nasaan sila at binabantayan sila. Tandaan, mga anak din Niya sila!
Mahirap unawain ang lahat ng dahilan kung bakit tinatahak ng ilang tao ang ibang landas. Ang pinakamagandang magagawa natin sa mga sitwasyong ito ay mahalin at yakapin lang sila, ipagdasal ang kanilang kapakanan, at humingi ng tulong sa Panginoon na malaman kung ano ang gagawin at sasabihin. Taos-pusong magalak na kasama nila sa kanilang mga tagumpay; kaibiganin sila at hanapin ang mabuti sa kanila. Hindi natin sila dapat kaagad na sukuan kundi pag-ingatan ang ating mga relasyon sa kanila. Huwag silang iwaksi o husgahan kailanman. Mahalin lang sila! Itinuturo sa atin ng talinghaga tungkol sa alibughang anak na kapag natatauhan ang mga anak, kadalasa’y gusto nilang umuwi. Kapag nangyari iyan sa mga mahal natin sa buhay, puspusin ng habag ang inyong puso, lapitan sila, yakapin sila, at hagkan sila, tulad ng ginawa ng ama ng alibughang anak.20
Sa huli, patuloy na mamuhay nang marapat, maging mabuting halimbawa sa kanila ng inyong pinaniniwalaan, at lumapit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam Niya at nauunawaan ang ating matitinding kalungkutan at pasakit, at pagpapalain Niya ang inyong mga pagsisikap at dedikasyon sa inyong mga mahal sa buhay hindi man sa buhay na ito, sa kabilang buhay. Tandaan lagi, mga kapatid, na ang pag-asa ay isang mahalagang bahagi ng plano ng ebanghelyo.
Sa maraming taon ng paglilingkod ko sa Simbahan, nakita ko na ang matatapat na miyembro na patuloy na iniaangkop ang mga alituntuning ito sa kanilang buhay. Ito ang nangyari sa isang nag-iisang magulang na tatawagin kong “Mary.” Ang malungkot, nagdaan si Mary sa nakapanlulumong diborsyo. Sa panahong iyon, kinilala ni Mary na ang magiging pinakamahalaga niyang mga desisyon na patungkol sa kanyang pamilya ay espirituwal. Patuloy bang magiging mahalaga sa kanya ang pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, pag-aayuno, at pagsisimba at pagdalo sa templo?
Noon pa ma’y tapat na sa pananampalataya si Mary, at sa kritikal na sandaling iyon, nagpasiya siyang kumapit sa alam na niyang totoo. Nakatagpo siya ng lakas sa “Ang Mag-anak:Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na kabilang sa marami pang kahanga-hangang alituntunin, ay nagtuturo na ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” at turuan silang laging sundin ang mga kautusan ng Diyos.21 Patuloy siyang naghanap ng mga sagot mula sa Panginoon at ibinahagi ang mga ito sa kanyang apat na anak kapag magkakasama sila. Madalas nilang pag-usapan ang ebanghelyo at ibahagi ang kanilang mga karanasan at patotoo sa isa’t isa.
Sa kabila ng mga kalungkutang pinagdaanan nila, nagkaroon ng pagmamahal ang kanyang mga anak sa ebanghelyo ni Cristo at ng hangaring maglingkod at ibahagi ito sa iba. Tatlo sa kanila ang tapat na naglingkod sa full-time mission, at ang bunso ay ngayon nasa South America. Ikinuwento ng kanyang panganay na babae, na nag-asawa na at matibay ang pananampalataya, “Hindi ko nadama kailanman na mag-isa kaming pinalaki ng aking ina dahil lagi naming kasama ang Panginoon sa aming tahanan. Nang magpatotoo siya sa amin tungkol sa Kanya, sinimulan ng bawat isa sa amin na idulog sa Kanya ang sarili naming mga tanong. Labis akong nagpapasalamat na ipinakita niya sa amin kung paano isabuhay ang ebanghelyo.”
Nagawa ng butihing inang ito na maging sentro ng espirituwal na pagkatuto ang kanyang tahanan. Katulad ng tanong ng taga-Ethiopia, itinanong ni Mary nang ilang beses sa kanyang sarili, “Paano matututo ang aking mga anak maliban kung gabayan sila ng isang ina?”
Mahal kong mga kasamahan sa ebanghelyo, pinatototohanan ko sa inyo na kapag masigasig, taos-puso, matibay, at taimtim na hinangad nating matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at itinuro ito sa isa’t isa nang may tunay na layunin at sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, ang mga turong ito ay maaaring baguhin ang mga puso at maghikayat ng hangaring mamuhay ayon sa mga katotohanan ng Diyos.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Siya ang Manunubos, ay Siya ay buhay. Alam ko na pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pinatototohanan ko rin sa inyo na ang Diyos ay buhay; na si Jesus ang Cristo. Nais Niyang makabalik tayo sa Kanyang piling—lahat tayo. Dinirinig Niya ang ating mga dalangin. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.