Saan Ito Hahantong?
Makapipili tayo nang mas mabuti kung titingnan natin ang mga alternatibo at pag-iisipan kung saan hahantong ang mga ito.
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na pag-isipan ang hinaharap. Ipinaliliwanag nito ang layunin ng mortal na buhay at ang katotohanan ng kabilang buhay. Nagtuturo ito ng magagandang ideya tungkol sa hinaharap na gagabay sa mga ginagawa natin ngayon.
Sa kabilang banda, tayong lahat ay may mga taong kilala na nakatuon lamang sa kasalukuyan: nagpapakasasa ngayon, nagpapakasaya ngayon, at hindi iniisip ang hinaharap.
Ang ating kasalukuyan at hinaharap ay mas magiging masaya kung lagi nating iniisip ang hinaharap. Kapag gumagawa tayo ng mga desisyon ngayon, dapat lagi nating itinatanong, “Saan ito hahantong?”
I.
Ilang mga desisyon ay ang pagpiling gawin ang isang bagay o walang gawin. Nakarinig ako ng isang halimbawa ng ganitong uri ng pagpili sa isang stake conference sa Estados Unidos maraming taon na ang nakararaan.
Nangyari ito sa isang magandang kampus sa kolehiyo. Maraming batang estudyante ang nakaupo sa damuhan. Ang nagkuwento ng karanasang ito ay nagsabing pinanonood nila ang isang nakatutuwang squirrel na may malaki, at mabalahibong buntot na naglalaro sa paanan ng isang magandang punong hardwood. Kung minsan nasa lupa ito, at kung minsan ay akyat-baba at paikut ikot sa puno. Ngunit bakit natuon ang pansin ng isang grupo ng mga estudyante sa pamilyar na tanawing iyon?
Sa kalapit na damuhan naroon at nakadapa ang isang asong Irish setter. Sa aso nakatuon ang mga estudyante, at sa squirrel naman nakatuon ang aso. Sa tuwing panandaliang hindi makikita ang squirrel kapag umaakyat ito sa puno, ang aso ay dahan-dahang gumagapang nang palapit ng ilang pulgada at pagkatapos ay dadapa muli na parang walang anumang nangyayari sa paligid niya. Ito ang dahilan kung bakit natuon ang pansin dito ng mga estudyante. Tahimik at walang kibo, ang kanilang mga mata ay nakatuon sa pangyayaring alam na nila ang kahihinatnan.
Sa huli, nakalapit na ang aso at tinalon ang squirrel at sinagpang ito. Nasindak sa nangyari, mabilis na kumilos ang maraming estudyante at sinunggaban ang maliit na hayop para ilayo sa aso, ngunit huli na ang lahat. Patay na ang squirrel.
Sinuman sa mga estudyanteng iyon ay maaari sanang nakapagbigay ng babala sa squirrel anumang oras sa pamamagitan ng pagkaway ng kanilang mga kamay o pagsigaw nang malakas, ngunit walang gumawa nito. Nanood lamang sila habang papalapit na ang tiyak na mangyayari. Walang nagtanong, “Saan ito hahantong?” Kapag nangyari na ang inaasahan, lahat ay kumikilos agad para mapigilan ito, ngunit huli na ang lahat. Ang maibibigay lamang nila ay luha ng panghihinayang.
Ang totoong kuwentong iyon ay isang uri ng talinghaga. Angkop ito sa mga bagay na nakikita natin sa sarili nating buhay at sa mga buhay at mga pangyayari sa mga taong nakapaligid sa atin. Kapag nakikita natin ang mga panganib na maaaring makaapekto sa mga tao o mga bagay na mahal natin, maaari nating piliing magsalita o kumilos o manatiling tahimik. Dapat nating itanong sa ating sarili, “Saan ito hahantong?” Kapag ang mga ibubunga ay daglian at mabigat, hindi maaaring wala tayong gawin. Dapat tayong magbigay ng angkop na babala o suportahan ang mga angkop na pagsisikap na magbabala habang may oras pa.
Ang mga desisyong inilarawan ko ay kinapapalooban ng pagpiling gawin ang ilang bagay o walang gawin. Ang mas karaniwan ay ang mga desisyong gawin ang isang bagay o ang ibang bagay. Kabilang dito ang pagpili sa mabuti o masama, ngunit mas madalas ang mga pagpili ay sa dalawang magkaibang bagay na parehong mabuti. Sa sitwasyong ito, dapat din nating itanong kung saan ito hahantong. Lagi tayong pumipili sa dalawang magkaibang bagay na parehong mabuti, na kadalasan ay kinapapalooban ng paraan kung paano natin gugulin ang ating oras. Walang masama sa paglalaro ng mga video games o pagte-text o panonood ng TV o pakikipag-usap sa cell phone. Ngunit ang bawat isa sa mga ito ay mayroong tinatawag na “pakinabang,” ibig sabihin kung mauubos ang oras natin sa paggawa ng isang bagay, mawawala ang pakinabang na makukuha natin sa paggawa ng ibang bagay. Sigurado ako na nauunawaan ninyo na kailangan nating pag-isipang mabuti ang nawawala sa atin kapag naubos ang oras natin sa isang gawain, kahit pa ito ay mabuti o maganda.
Maraming taon na ang nagdaan nang nagbigay ako ng isang mensahe na pinamagatang “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda.” Sinabi ko sa mensaheng iyan: “hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. Ang magagandang bagay na magagawa natin ay higit pa ang dami kaysa libreng oras natin para magawa ang mga ito. May ilang bagay na mas maganda kaysa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay. … Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda.”1
Pag-isipan ang matagalang ibubunga ng pinili ninyo. Ano ang epekto sa ating hinaharap ng mga desisyong ginagawa natin sa kasalukuyan? Alalahanin ang kahalagahan ng pagtatamo ng edukasyon, pag-aaral ng ebanghelyo, pagpapanibago ng ating mga tipan sa pamamamagitan ng pagtanggap ng sakramento, at pagpunta sa templo.
II.
Ang tanong kung “saan ito hahantong?” ay mahalaga rin sa pagpili kung paano natin tatawagin ang ating sarili o kung ano ang iisipin natin tungkol sa ating sarili. Ang pinakamahalaga, bawat isa sa atin ay anak ng Diyos na mayroong potensiyal na magtamo ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng iba pang pagtawag, na kabilang ang trabaho, lahi, mga katangiang pisikal, o karangalan, ay pansamantala lamang o hindi mahalaga sa kawalang-hanggan. Huwag piliing tawagin ang inyong sarili o ituring ang inyong sarili alinsunod sa mga katawagang naglilimita sa isang mithiin na maaring ninyong makamit.
Kayo na aking mga kapatid na maaaring makarinig o makabasa ng sinasabi ko rito, umaasa ako na nalalaman ninyo kung bakit ibinibigay ng inyong mga pinuno ang mga turo at payo na ibinibigay namin. Mahal namin kayo, at mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang plano Nila para sa atin ay “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8). Ang planong iyan at ang Kanilang mga kautusan at ordenansa at tipan ay nagdudulot ng napakalaking kaligayahan at kagalakan sa buhay na ito at sa darating na buhay. Bilang mga tagapaglingkod ng Ama at ng Anak, nagtuturo at nagpapayo kami habang pinapatnubayan Nila kami sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Wala kaming ibang hangarin maliban sa sabihin sa inyo kung ano ang katotohanan at hikayatin kayo na gawin ang inilahad Nila na landas patungo sa buhay na walang hanggan, ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).
III.
Narito ang isa pang halimbawa ng epekto sa ating hinaharap ng mga desisyong ginagawa natin sa kasalukuyan. Ang halimbawang ito ay tungkol ito sa pagpiling magsakripisyo sa kasalukuyan para matamo ang isang mahalagang mithiin sa hinaharap.
Sa isang stake conference sa Cali, Colombia, ikinuwento ng isang sister kung paano nila hinangad ng kanyang kasintahan ang makasal sa templo gayong ang pinakamalapit na templo ay nasa Peru. Matagal na silang nag-ipon ng pera para sa magiging pamasahe sa bus. Sa wakas sumakay sila ng bus patungo sa Bogotá, ngunit nang dumating sila roon, nalaman nila na wala nang bakanteng upuan sa bus papuntang Lima, Peru. Maaari silang umuwi nang hindi kasal o magpakasal sila pero hindi sa templo. Mabuti na lamang at may isa pang alternatibo. Makakasakay sila sa bus patungo Lima kung handa silang maupo sa lapag ng bus nang buong limang araw at limang gabing pagbibiyahe. Pinili nilang gawin ito. Sinabi niya na mahirap ito, bagama’t kung minsan ay pinapaupo sila ng ibang mga pasahero sa kanilang mga upuan para makapag-inat sila mula sa pagkakaupo sa lapag.
Ang nakaantig sa akin sa mensahe ng sister na ito ay ang sinabi niya na nagpapasalamat silang mag-asawa na nakapunta sila sa templo sa ganitong paraan, dahil nabago nito ang nadarama nila tungkol sa ebanghelyo at sa kasal sa templo. Ginantimpalaan sila ng Panginoon ng pag-unlad dahil sa kanilang sakripisyo. Natanto rin niya na ang kanilang limang araw na pagbibiyahe patungo sa templo ay malaki ang nagawa sa pagpapalakas ng kanilang espirituwalidad kaysa sa maraming pagpunta sa templo nang walang ginawang sakripisyo.
Sa mga taon na nakalipas mula nang marinig ko ang patotoong iyon, naisip ko kung ano ang magiging malaking kaibhan sa buhay ng batang mag-asawang iyon kung iba ng pinili nila—ang hindi magsakripisyo na kinakailangan para makasal sa templo.
Mga kapatid, napakarami nating pinipili sa buhay, ang ilan ay mahahalaga at ang ilan ay tila hindi mahalaga. Kung magbabalik-tanaw tayo, makikita natin ang malaking pagkakaibang nagawa ng ilan sa mga pinili natin sa ating buhay. Makapipili tayo nang mas mabuti kung titingnan natin ang mga alternatibo at pag-iisipan kung saan hahantong ang mga ito. Sa paggawa natin nito, masusunod natin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na mag-umpisa na ang katapusan ang nasa isip.2 Para sa atin, ang katapusan ay laging nasa landas ng tipan na dadaan sa templo patungo sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.
Pinatototohanan ko si Jesucristo at ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng iba pang katotohanan ng Kanyang walang hanggang ebanghelyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.