Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay
Gawing mahalagang bahagi ng inyong buhay ang pagtutuon sa araw-araw na pagsisisi nang sa gayon ay magamit ninyo ang priesthood nang may mas malakas na kapangyarihan kaysa noon.
Mahal kong mga kapatid, nagbibigay-sigla ang pagtingin sa napakalaking kongregasyong ito ng batalyon ng Panginoon ng mga mayhawak ng priesthood. Kayo ay napakalakas na puwersa ng kabutihan! Mahal namin kayo. Ipinagdarasal namin kayo. At lubos kaming nagpapasalamat sa inyo.
Kamakailan nasumpungan ko ang aking sarili na nakatuon sa tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Huwag mangaral ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito.”1 Ang pahayag na ito ay madalas ulitin sa mga banal na kasulatan.2 Dahilan ito para itanong natin: “Kinakailangan bang magsisi ng lahat ng tao?” Ang sagot ay oo.
Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo,3 na nakatayong nakaunat ang mga kamay,4 umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.
Ang salita para sa pagsisisi sa Bagong Tipan sa wikang Griyego ay metanoeo. Ang kahulugan ng unlaping meta- ay “pagbabago.” Ang hulapi na -noeo ay nauugnay sa mga salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “pag-iisip, “kaalaman,” “espiritu,” at “hininga.”5
Kaya, sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na “mangagsisi,”6 inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu—maging ang paraan ng paghinga natin. Iniuutos Niya sa atin na baguhin natin kung paano tayo magmahal, mag-isip, maglingkod, gumugol ng ating oras, makitungo sa ating asawa, magturo sa ating mga anak, at maging ang pangangalaga natin sa ating katawan.
Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.7
Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.
Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya.8 Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!9
Mga kapatid, kinakailangan nating gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay dahil nakikipaglaban tayo. Ang pakikipaglaban sa kasalanan ay totoo. Lalong pinatitindi ng kaaway ang kanyang mga ginagawa para pahinain ang mga patotoo at hadlangan ang gawain ng Panginoon. Binibigyan niya ang kanyang mga kampon ng napakalakas na mga sandata para hadlangan tayo na matanggap ang kagalakan at pagmamahal ng Panginoon.10
Ang pagsisisi ang susi para maiwasan ang pagdurusa na dulot ng mga patibong ng kaaway. Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan. Tayo ay nagiging malalakas na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos dahil sa ating personal na kadalisayan. Ang ating pagsisisi—ang ating kadalisayan—ay magpapalakas sa atin para makatulong sa pagtitipon ng Israel.
Itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith “na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.”11
Alam natin kung paano matatamo ang kapangyarihan ng langit. Alam din natin kung ano ang hahadlang sa ating pag-unlad—kung ano ang dapat nating itigil para lalo pa nating matamo ang kapangyarihan ng langit. Mga kapatid, mapanalanging hangarin na maunawaan kung ano ang humahadlang sa inyong pagsisisi. Tukuyin kung ano ang pumipigil sa inyo na magsisi. At pagkatapos, magbago! Magsisi! Lahat tayo ay maaaring gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay nang higit pa kaysa noon.12
Mayroong mga partikular na paraan kung paano tayo uunlad. Ang isa ay ang paraan kung paano natin pangalagaan ang ating katawan. Namamangha ako sa himala ng katawan ng tao. Ito ay isang kagila-gilalas na likha, mahalaga sa ating unti-unting pagsulong patungo sa ating pinakamataas at banal na potensiyal. Hindi tayo uunlad kung wala ito. Sa pagbibigay sa atin ng katawan, tinutulutan tayo ng Diyos na umunlad patungo sa pagiging higit na katulad Niya.
Nalalaman ito ni Satanas. Naiinis siya dahil ang kanyang paghihimagsik sa premortal na buhay ay tuluyang hindi nagpamarapat sa kanya sa pribilehiyong ito, at naging dahilan para manatili siyang naiinggit at napopoot. Kaya marami, kung hindi man lahat, sa mga tuksong inilagay niya sa ating daraanan ay naging mga dahilan para abusuhin natin ang ating katawan o ang katawan ng iba. Dahil si Satanas ay kaaba-aba dahil wala siyang katawan, gusto niya ring maging kaaba-aba tayo dahil sa katawan natin.13
Ang inyong katawan ay ang personal na templo ninyo, na nilikha para panahanan ng inyong walang hanggang espiritu.14 Ang pangangalaga ninyo sa templong iyan ay mahalaga. Itatanong ko sa inyo mga kapatid: Mas interesado ba kayong bihisan at pangalagaan ang inyong katawan para magustuhan ng mundo kaysa kalugdan kayo ng Diyos? Ang sagot ninyo ay nagbibigay ng direktang mensahe sa Kanya tungkol sa inyong nadarama hinggil sa Kanyang pambihirang kaloob sa inyo. Sa paggalang sa katawan natin, mga kapatid, sa palagay ko maaari tayong gumawa nang mas mahusay at maging mahusay.
Ang isa pang paraan na maaari tayong gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay ay kung paano natin iginagalang ang mga kababaihan sa ating buhay, simula sa ating asawa at mga anak na babae, sa ating ina at mga kapatid na babae.15
Ilang buwan na ang nakalipas, nakatanggap ako ng malungkot na sulat sa isang sister. Isinulat niya: “Pakiramdam [namin ng mga anak kong babae] ay nasa matindi kaming kumpetisyon para makuha ang atensyon ng aming asawa at mga anak na lalaki, sa 24/7 sports updates, video games, stock market updates, [at] walang katapusang pag-analisa at panonood ng mga laro ng lahat ng professional sport. Pakiramdam namin ay hindi na kami ang una sa aming asawa at mga anak na lalaki dahil sa pagtutok nila sa [mga sport at laro],”16
Mga kapatid, ang una at pangunahing tungkulin ninyo bilang mga mayhawak ng priesthood ay mahalin at pangalagaan ang inyong asawa. Maging isa sa kanya. Maging katuwang niya. Gawing madali para sa kanya ang naising makapiling kayo. Walang ibang aktibidad o libangan sa buhay ang dapat unahin kaysa sa pagpapatibay ng ugnayang pang-walang-hanggan kasama niya. Walang palabas sa TV, mobile device, o computer ang mas mahalaga kaysa sa kanyang kapakanan. Rebyuhin kung paano ninyo ginugugol ang inyong oras at kung saan ninyo inilalagay ang inyong lakas. Iyan ang magsasabi sa inyo kung saan naroon ang inyong puso. Manalangin na makiisa ang inyong puso sa puso ng inyong asawa. Sikaping mapasaya siya. Hingin ang kanyang payo at makinig. Ang kanyang payo o opinyon ay mas magpapabuti sa inyong pagkilos.
Kung kinakailangan ninyong magsisi dahil sa paraan ng pagtrato ninyo sa mga babaeng pinakamalapit sa inyo, magsimula na ngayon. Alalahanin din na responsibilidad ninyo na tulungan ang kababaihan sa inyong buhay na matanggap ang mga pagpapala na nagmumula sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ng Panginoon. Huwag maging dahilan para hindi matanggap ng isang babae ang mga pagpapala sa templo.
Mga kapatid, kinakailangan nating magsisi. Kailangan nating tumayo mula sa sopa, ibaba ang remote control, at gumising sa espirituwal na pagkakatulog. Oras na para isuot ang buong baluti ng Diyos para makibahagi tayo sa pinakamahalagang gawain sa lupa. Oras na para “humawak sa [ating] panggapas, at maggapas nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip, at lakas.”17 Ang mga puwersa ng kasamaan ay lalo pang tumitindi ngayon. Bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon, hindi tayo maaaring matulog habang patuloy na nangyayari ang digmaang ito.
Kailangan ng inyong pamilya ang pamumuno at pagmamahal ninyo. Kailangan ng inyong korum at ng mga miyembro sa inyong ward o branch ang inyong lakas. At kinakailangang malaman ng lahat ng makikilala ninyo kung ano ang isang tunay na disipulo ng Panginoon at kung paano siya kumikilos.
Mahal kong mga kapatid, pinili kayo ng ating Ama na pumarito sa lupa sa napakahalagang panahong ito dahil sa inyong espirituwal na kagitingan sa premortal na daigdig. Kayo ay kabilang sa pinakamahuhusay at pinakamagigiting na kalalakihan na isinilang dito sa lupa. Kilala kayo ni Satanas sa premortal na daigdig at nalalaman ang gawain na kinakailangang gawin bago bumalik ang Tagapagligtas. At matapos ang libu-libong taon na pagsasagawa ng kanyang tusong pamamaraan, ang kaaway ay dalubhasa na at di-mababago.
Mabuti na lang at ang priesthood na taglay natin ay higit na mas malakas kaysa sa panlilinlang ng kaaway. Nakikiusap ako sa inyo na maging kalalakihan at mga kabataang lalaki na nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo. Gawing mahalagang bahagi ng inyong buhay ang pagtutuon sa araw-araw na pagsisisi nang sa gayon ay magamit ninyo ang priesthood nang may mas malakas na kapangyarihan kaysa noon. Ito lamang ang tanging paraan na mapapanatili ninyong espirituwal na ligtas ang inyong sarili at ang inyong pamilya sa mahihirap na araw na darating.
Nangangailangan ang Panginoon ng mga kalalakihang hindi makasarili na inuuna ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa kanilang sarili. Kailangan Niya ng mga kalalakihan na kusang nagsisikap para marinig nang malinaw ang tinig ng Espiritu. Kailangan Niya ng mga kalalakihang nakikipagtipan at tapat na tumutupad sa kanilang mga tipan. Kailangan Niya ng mga kalalakihang determinadong panatilihing malinis ang kanilang puri—mga karapat-dapat na kalalakihan na agad na mahihilingang magbigay ng mga basbas nang may dalisay na puso, malinis na isipan, at mga kamay na handang maglingkod. Kailangan ng Panginoon ang mga kalalakihang masigasig na nagsisisi—mga lalaking masigasig sa paglilingkod at handang maging bahagi ng batalyon ng Panginoon ng mga karapat-dapat na mayhawak ng priesthood.
Binabasbasan ko kayo na maging mga kalalakihang gaya niyon. Binabasbasan ko kayo ng tapang na magsisi araw-araw at matutuhang gamitin ang buong kapangyarihan ng priesthood. Binabasbasan ko kayo na maipadama ninyo ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyong asawa at mga anak at sa lahat ng nakakakilala sa inyo. Binabasbasan ko kayo na gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay. At binabasbasan ko kayo na kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito, makakaranas kayo ng mga himala sa inyong buhay.
Abala tayo sa gawain ng Diyos na Maykapal. Si Jesus ang Cristo. Tayo ay Kanilang mga tagapaglingkod. Pinatotohanan ko ang mga ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.