Ang Kagyat na Kabutihan ng Diyos
Bagama’t matiyaga tayong naghihintay sa Panginoon, mayroong mga pagpapala na sumasaatin kaagad.
Ilang taon na ang nakaraan, nilapitan ako ng aming limang taong gulang na anak at sinabing, “Itay, may natuklasan po ako. Naunawaan ko na ang sandali na lang para sa iyo ay napakatagal para sa akin.”
Kapag sinasabi ng Panginoon o ng Kanyang mga tagapaglingkod ang mga bagay na tulad ng, “Hindi maraming araw mula ngayon” o “Ang panahon ay hindi nalalayo,” maaaring literal na ibig sabihin nito ay habang buhay o mas matagal pa.1 Ang Kanyang oras, at madalas ang Kanyang pagsasaoras, ay naiiba sa atin. Pagtitiyaga ang susi. Kung wala nito, maaaring hindi tayo magkaroon ni makapagpakita ng pananampalataya sa Diyos sa buhay at kaligtasan. Subalit ang mensahe ko ngayon ay, bagama’t matiyaga tayong naghihintay sa Panginoon, mayroong mga pagpapala na kaagad dumarating sa atin.
Nang madakip ng mga Lamanita si Alma at ang kanyang mga tao, ipinagdasal nilang makalaya sila. Hindi sila kaagad pinalaya, ngunit habang matiyagang naghihintay, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang kabutihan sa ilang agarang pagpapala. Kaagad Niyang pinalambot ang mga puso ng mga Lamanita upang hindi sila patayin. Pinalakas rin Niya ang mga tao ni Alma at pinagaan ang kanilang mga pasanin.2 Nang sa wakas ay napalaya sila, naglakbay sila patungong Zarahemla kung saan nila inilahad ang kanilang karanasan sa mga namanghang tagapakinig. Namangha ang mga tao ng Zarahemla, at “nang maisip nila ang kagyat na kabutihan ng Diyos, at kanyang kapangyarihan sa pagpapalaya kay Alma at sa kanyang mga kapatid mula sa … pagkaalipin, inilakas nila ang kanilang mga tinig at nagbigay-pasalamat sa Diyos.”3
Ang kagyat [o agarang] kabutihan ng Diyos ay napapasalahat ng nagsisitawag sa Kanya nang may tunay na hangarin at buong layunin ng puso. Kabilang dito ang mga sumasamo dahil sa kawalan ng pag-asa, kapag ang kaligtasan ay tila napakalayo at ang paghihirap ay tila napakatagal, na lalo pang tumitindi.
Ganito ang nangyari sa isang batang propeta na naghirap nang matindi sa malamig na piitan bago nagsumamo sa huli: “O Diyos, nasaan kayo? … Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay … ? Oo, O Panginoon, hanggang kailan … ?”4 Bilang tugon, hindi kaagad pinalaya ng Panginoon si Joseph, ngunit kaagad Siyang nagbigay ng kapayapaan.5
Nagkakaloob din ang Diyos ng agarang pag-asa para sa kalaunang kaligtasan.6 Anuman, saanman, tayo ay may pag-asang nakikita kay Cristo at sa pamamagitan ni Cristo na nasa harapan agad natin.7 Sa harapan agad natin.
Dagdag pa, ipinangako Niya: “Ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa [inyo].”8
Higit sa lahat, agaran ang pagmamahal ng Diyos. Kasama si Pablo, pinapatotohanan ko na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus.”9 Kahit ang mga kasalanan natin, bagama’t maaaring ihiwalay tayo nito mula sa Kanyang Espiritu nang panandalian, ay hindi tayo maihihiwalay mula sa katiyakan at kaagaran ng Kanyang pagmamahal.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga paraan at kadahilanang “[tayo] ay kaagad niyang pagpapalain.”10 Ngayon, upang mabigyang-halimbawa ang mga alituntuning ito, ibabahagi ko sa inyo ang mga karanasan ng dalawang tao na ang mga buhay ay tumatayo bilang mga patotoo sa agarang kabutihan ng Diyos.
Mula pa noong dalagita siya, nalulong na si Emilie sa mga nakalululong na bagay. Ang pag-eeksperimento ay naging gawi, at ang gawi ay nauwi sa adiksyon na umalipin sa kanya nang maraming taon, sa kabila ng paminsan-minsang panahon ng pagiging maayos. Inilihim mabuti ni Emilie ang problema niya, lalo na nang makapag-asawa siya at maging ina.
Ang simula ng kanyang pagkakaligtas ay tila hindi talaga pagkakaligtas. Si Emilie sa kanyang regular na pagpapasuri sa doktor ay bigla na lang dadalhin ng ambulansya sa isang inpatient treatment facility. Nagsimula siyang matakot nang maisip niya na mahihiwalay siya mula sa kanyang mga anak, asawa, at tahanan.
Noong gabing iyon, mag-isa sa isang malamig at madilim na silid, si Emilie ay namaluktot sa kanyang higaan at umiyak. Ang kakayahan niyang mag-isip ay nadaig ng pagkabalisa, takot, at ng matinding kawalan ng pag-asa na nadama niya sa silid na iyon at sa kanyang kaluluwa, at inakala talaga ni Emilie na mamamatay siya noong gabing iyon. Nang mag-isa.
Sa gipit na kalagayang iyon, kahit papaano ay nagkaroon si Emilie ng lakas na gumulong pababa sa kama at lumuhod. Nang walang anumang panlilisya na kung minsan ay parte ng kanyang mga panalangin noon, tuluyang isinuko ni Emilie ang kanyang sarili sa Panginoon habang nagsusumamong, “Mahal kong Diyos, kailangan ko po Kayo. Pakitulungan po ako. Ayoko na pong mag-isa. Pakiusap po, tulungan po Ninyo akong malagpasan ang gabing ito.”
At kaagad, tulad ng ginawa Niya kay Pedro, iniunat ni Jesus ang Kanyang kamay at sinagip ang kanyang lumulubog na kaluluwa.11 Dumating kay Emilie ang kamang-manghang kapayapaan, tapang, katiyakan, at pagmamahal. Hindi na malamig ang silid, alam niyang hindi na siya nag-iisa, at sa unang pagkakataon simula noong 14 na taong gulang siya, alam ni Emilie na magiging maayos ang lahat ng bagay. Si Emilie ay “nagising sa Diyos”12 at nakatulog nang mahimbing. At dahil dito ay nakita natin na “kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.”13
Ang paggaling at tuluyang pagkakaligtas ni Emilie ay umabot ng mahabang panahon—mga buwan na gamutan, training, at pagpapayo, at sa panahong ito siya ay pinalakas at kung minsan ay binubuhat ng Kanyang kabutihan. At ang Kanyang kabutihan ay nagpatuloy sa kanya nang makapasok siya sa templo kasama ng asawa at mga anak niya upang mabuklod nang magkakasama magpakailanman. Tulad ng mga mamamayan ng Zarahemla, nagpapasalamat ngayon si Emilie habang iniisip niya ang agarang kabutihan ng Diyos at Kanyang kapangyarihan na nagligtas sa kanya mula sa pagkaalipin o mula sa adiksyon.
Ngayon, mula sa buhay ng isang pang magiting na mananampalataya. Noong Disyembre 27, 2013, masayang pinapasok ni Alicia Schroeder ang kanyang mga mahal na kaibigan, sina Sean at Sharla Chilcote, na hindi inaasahang pumunta sa kanilang tahanan. Si Sean, na bishop din ni Alicia, ay inabot ang kanyang cell phone dito at seryosong sinabing, “Alicia, mahal ka namin. Kailangan mong sagutin ang tawag na ito.”
Ang asawa ni Alicia, na si Mario, ang nasa telepono. Siya ay nasa isang malayong lugar kasama ang ilan sa kanilang mga anak para sa isang matagal nang inaabangang snowmobile trip. Nagkaroon ng isang kakila-kilabot na aksidente. Malubhang nasugatan si Mario, at ang kanilang 10-taong gulang na anak na lalaking si Kaleb ay namatay. Nang umiiyak na sinabi ni Mario kay Alicia ang pagkamatay ni Kaleb, nanlumo siya sa sobrang pagkagulat at takot na iilan lamang sa atin ang makaaalam. Nahandusay siya dahil dito. Dahil sa nadamang matinding pighati, si Alicia ay hindi makagalaw o makapagsalita.
Siya ay mabilis na itinayo nina Bishop at Sister Chilcote at niyakap siya. Sila ay magkakasamang umiyak at labis na namighati nang ilang sandali. Pagkatapos ay inalok ni Bishop Chilcote na bigyan si Alicia ng basbas.
Ang sumunod na nangyari ay hindi mauunawaan nang walang anumang pagkaunawa tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa agarang kabutihan ng Diyos. Maingat na ipinatong ni Bishop Chilcote ang mga kamay niya sa ulo ni Alicia at, sa nanginginig na tinig, ay nagsimulang magsalita. Narinig ni Alicia ang dalawang bagay na tila ang Diyos mismo ang nagsalita. Una, narinig niya ang kanyang pangalan, Alicia Susan Schroeder. Pagkatapos ay narinig niya ang bishop na tinawag ang awtoridad ng Makapangyarihang Diyos. Sa pagkakataong iyon—sa pagbanggit lamang sa kanyang pangalan at sa kapangyarihan ng Diyos—napuspos si Alicia ng hindi maipaliwanag na kapayapaan, pagmamahal, kapanatagan, at kahit papaano ay kagalakan. At patuloy niyang nadama ito.
Ngayon, mangyari pa, sina Alicia, Mario, at ang kanilang pamilya ay patuloy na nagdadalamhati at hinahanap-hanap si Kaleb. Mahirap ito! Kapag kinakausap ko siya, napupuno ang mga mata ni Alicia ng mga luha habang sinasabi niya kung gaano niya kamahal at hinahanap-hanap ang kanyang anak. At ang kanyang mga mata ay basa pa rin ng luha habang sinasabi niya kung gaano siya pinalakas ng Dakilang Tagapagligtas para malampasan ang bawat bahagi ng kanyang pagsubok, simula sa Kanyang agarang kabutihan noong nakadama siya ng matinding pighati at nagpapatuloy ngayon nang may pag-asa sa pagsasamang “hindi na maraming araw mula ngayon.”
Nauunawaan ko na ang mga karanasan ng buhay kung minsan ay lumilikha ng kaguluhan at problema na maaaring maging dahilan para mahirap matanggap o makilala o mapanatili ang uri ng kapanatagang dumating kina Emilie at Alicia. Naranasan ko rin ang mga panahong iyan. Pinatototohanan ko, sa mga panahong iyan, na ang simpleng pagkaligtas natin ay patunay ng magiliw at makapangyarihang kabutihan ng Diyos na agad na dumarating sa atin. Tandaan, ang sinaunang Israel ay naligtas sa huli “ng yaon ding Diyos na nangalaga sa kanila”14 araw-araw.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Dakilang Tagapagligtas, at sa Kanyang pangalan, ipinapangako ko na sa inyong pagbaling sa Kanya nang may tunay na hangarin at buong layunin ng puso, ililigtas Niya kayo mula sa lahat ng bagay na nagbabantang magpawalang-halaga o magwasak sa inyong buhay o kaligayahan. Ang kaligtasang iyan ay maaaring mas matagal pang dumating kaysa sa nais ninyo—marahil habang buhay o mas matagal pa. Kaya, upang mabigyan kayo ng kapanatagan, tapang, at pag-asa, na susuporta at magpapalakas sa inyo hanggang sa araw na maligtas kayo, inihahayag at pinatototohanan ko sa inyo ang kagyat na kabutihan ng Diyos sa pangalan ni Jesucristo, amen.