Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa
Sa 200-taong napakahalagang sandaling ito sa kasaysayan ng ating Simbahan, ilaan natin ang ating sarili na mamuhay nang mabuti at magkaisa ngayon kaysa dati.
Lubos na mahalaga ang kabutihan at pagkakaisa. 1 Kapag minamahal ng mga tao ang Diyos nang buong puso at matwid na nagsisikap na maging katulad Niya, mas kaunti ang pag-aaway at pagtatalo sa lipunan. Higit na magkakaroon ng pagkakaisa. Gustung-gusto ko ang isang totoong kuwentong nagpapakita nito.
Bilang isang binata na hindi kasapi ng simbahan natin, si Heneral Thomas L. Kane ay tumulong at ipinagtanggol ang mga Banal noong kinakailangan nilang lisanin ang Nauvoo. Siya ay tagapagtanggol ng Simbahan sa loob ng maraming taon. 2
Noong 1872, naglakbay sina Heneral Kane, ang kanyang matalinong asawang si Elizabeth Wood Kane, at ang kanilang dalawang anak na lalaki mula sa tahanan nila sa Pennsylvania papunta sa Salt Lake City. Sinamahan nila sina Brigham Young at ang kanyang mga kasamahan sa isang paglalakbay papunta sa St. George, Utah. May alinlangan si Elizabeth tungkol sa kababaihan noong unang pagbisita niya sa Utah. Nagulat siya sa ilan sa mga bagay na natutuhan niya. Halimbawa, nalaman niya na anumang trabahong mapagkakakitaan ng isang babae ay pinahihintulutan sa Utah. 3 Nalaman din niya na mabait at maunawain ang mga miyembro ng Simbahan sa mga Katutubong Amerikano. 4
Sa kanilang paglalakbay, namalagi sila sa Fillmore sa tahanan nina Thomas R. at Matilda Robison King. 5
Isinulat ni Elizabeth na habang naghahanda si Matilda ng pagkain para kay Pangulong Young at sa kanyang grupo, limang Amerikanong Indiyan ang pumasok sa silid. Bagama’t hindi inanyayahan, halatang inaasahan nilang makasama sa grupo. Kinausap sila ni Sister King “sa kanilang diyalekto.” Umupo sila na nakabalabal ang mga kumot nang may kaaya-ayang itsura sa kanilang mga mukha. Itinanong ni Elizabeth sa isa sa mga anak ng mga King, “Ano ang sinabi ng iyong ina sa mga taong iyon?”
Ang sagot ng anak na lalaki ni Matilda ay, “Sabi niya ‘Naunang dumating ang mga dayuhang ito, at sapat lang para sa kanila ang niluto ko; subalit niluluto na ngayon ang pagkain ninyo, at tatawagin ko kayo kapag handa na ito.’”
Itinanong ni Elizabeth, “Gagawin ba niya talaga iyon, o ibibigay lang sa kanila ang mga tira-tirang pagkain sa kusina?” 6
Sumagot ang anak na lalaki ni Matilda, “Hahainan sila ni Inay katulad ng ginagawa niya sa inyo, at pauupuin sila sa kanyang hapag-kainan.”
At ginawa nga niya iyon, at “kumain sila nang may kagandahang-asal.” Ipinaliwanag ni Elizabeth na tumaas nang 100 porsiyento ang tingin niya sa punong-abalang ito. 7 Nadaragdagan ang pagkakaisa kapag pinakitunguhan ang mga tao nang may dignidad at paggalang, bagama’t magkakaiba sila sa panlabas na katangian.
Bilang mga lider, hindi natin ipinapalagay na noon ay perpekto ang lahat ng pakikipag-ugnayan, katulad ng kay Cristo ang lahat ng asal, o makatarungan ang lahat ng pasiya. Gayunman, itinuturo ng ating pananampalataya na lahat tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, at sinasamba natin Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na ating Tagapagligtas. Ang hangad natin ay magkasama ang ating mga puso at isipan sa kabutihan at pagkakaisa at maging kaisa tayo Nila. 8
Ang kabutihan ay isang katagang may malawak na kahulugan subalit tiyak na tiyak na kinabibilangan ng pagsasabuhay ng mga kautusan ng Diyos. 9 Ginagawa tayo nitong karapat-dapat para sa mga banal na ordenansa na bumubuo sa landas ng tipan at pinagpapala tayo na gabayan ng Espiritu ang ating buhay. 10
Ang pagiging mabuti ay hindi nakabatay sa pagkakaroon ng bawat isa sa atin ng lahat ng pagpapala sa buhay natin sa panahong ito. Maaaring wala pa tayong asawa o hindi biniyayaan ng mga anak o ng iba pang hinahangad na pagpapala ngayon. Subalit ipinangako ng Panginoon na ang mabubuti na matatapat ay maaaring “manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.” 11
Ang pagkakaisa ay isa ring katagang may malawak na kahulugan subalik tiyak na tiyak na ipinakikita nito ang una at pangalawang dakilang kautusang mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa. 12 Tinutukoy nito ang mga tao ng Sion na “magkakasama ang mga puso at isipan sa pagkakaisa.” 13
Ang konteksto ng aking mensahe ay ang paghahambing at mga aral mula sa mga sagradong banal na kasulatan.
Lumipas na ang 200 taon simula nang unang magpakita ang Ama at ang Kanyang Anak at pinasimulan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo noong 1820. Ang tala sa 4 Nephi sa Aklat ni Mormon ay kinabibilangan ng katulad na 200-taong panahon matapos magpakita ang Tagapagligtas at itatag ang Kanyang Simbahan sa sinaunang Amerika.
Ang nakatalang kasaysayan na nababasa natin sa 4 Nephi ay naglalarawan ng mga tao na walang mga inggitan, sigalutan, alitan, pagsisinungaling, pagpaslang, o anumang uri ng kahalayan. Dahil sa kabutihang ito, isinasaad ng tala na, “tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.” 14
Hinggil sa pagkakaisa, mababasa sa 4 Nephi na, “Hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.” 15
Nakalulungkot na pagkatapos nito ay inilarawan sa 4 Nephi ang isang matinding pagbabago na nagsimula noong “ikadalawang daan at isang taon,” 16 nang winasak ng kasamaan at hindi pagkakasundo ang kabutihan at pagkakaisa. Ang tindi ng kasamaan na sumunod na nangyari ay napakasama kung kaya’t kalaunan itinangis ng dakilang propetang si Mormon sa kanyang anak na si Moroni:
“Ngunit O aking anak, paanong ang mga taong tulad nito na ang kaluguran ay nasa labis na karumal-dumal na gawain—
“Paano tayo makaaasang pipigilin ng Diyos ang kanyang kamay sa paghatol laban sa atin?” 17
Sa dispensasyong ito, bagama’t nabubuhay tayo sa isang natatanging panahon, ang daigdig ay hindi biniyayaan ng kabutihan at pagkakaisa na inilarawan sa 4 Nephi. Tunay na nabubuhay tayo sa isang panahon ng lubusang hindi pagkakasundo. Gayunman, ang milyun-milyong tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo ay inilaan ang kanilang sarili na makamit ang kapwa kabutihan at pagkakaisa. Batid nating lahat na maaari pa tayong maging mabuti, at iyan ang hamon sa atin sa araw na ito. Maaari tayong maging puwersa o lakas para iangat at pagpalain ang buong lipunan. Sa 200-taong napakahalagang sandaling ito sa kasaysayan ng ating Simbahan, ilaan natin ang ating sarili bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon na mamuhay nang mabuti at magkaisa ngayon kaysa dati. Hiniling sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “magpakita ng higit na dakilang paggalang, pagkakaisa ng lahi at etnisidad at respeto sa kapwa.” 18 Ang ibig sabihin nito ay minamahal natin ang bawat isa at ang Diyos at tinatanggap natin ang lahat ng tao bilang mga kapatid at tunay na pagiging mga tao ng Sion.
Taglay ang ating doktrina na tumatanggap sa lahat ng tao, tayo ay magiging isang bukal ng pagkakaisa at ipagdiriwang ang pagkakaiba. Hindi salungat ang pagkakaisa at pagkakaiba. Tayo ay magtatamo ng mas matibay na pagkakaisa habang nagtataguyod tayo ng isang kapaligirang tanggap ang lahat at may respeto sa pagkakaiba. Sa panahong naglingkod ako sa San Francisco California Stake presidency, nagkaroon kami ng kongregasyong nagsasalita ng wikang Spanish, Tongan, Samoan, Tagalog, at Mandarin. Ang aming mga ward na English ang ginagamit ay binubuo ng mga taong mula sa maraming lahi at kultura. Mayroong pagmamahalan, kabutihan, at pagkakaisa.
Ang mga ward at branch sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakabatay sa heograpiya o wika, 19 hindi sa lahi o kultura. Hindi tinutukoy ang lahi sa mga membership record.
Sa simula ng Aklat ni Mormon, mga 550 taon bago ang pagsilang ni Cristo, itinuro sa atin ang pangunahing kautusan hinggil sa ugnayan sa pagitan ng mga anak ng Ama sa Langit. Dapat sundin ng lahat ang mga kautusan ng Panginoon, at inanyayahan ang lahat na makibahagi sa kabutihan ng Panginoon; “at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil.” 20
Patuloy na ipinapahayag ng ministeryo at mensahe ng Tagapagligtas na ang lahat ng lahi at kulay ay mga anak ng Diyos. Lahat tayo ay magkakapatid. Sa ating doktrina, naniniwala tayo na ang punong bansa para sa Pagpapanumbalik, ang United States, ang Saligang-batas ng U.S. 21 at mga nauugnay na dokumento, 22 na isinulat ng mga hindi perpektong tao, ay binigyang-inspirasyon ng Diyos para pagpalain ang lahat ng tao. Katulad ng nababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, ang mga dokumentong ito ay “[naitatag], at dapat na panatilihin para sa mga karapatan at kaligtasan ng lahat ng laman, alinsunod sa matwid at banal na mga alituntunin.” 23 Dalawa sa mga alituntuning ito ang karapatang pumili at pananagutan sa sariling kasalanan. Ipinahayag ng Panginoon:
“Samakatwid, hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.
“At dahil sa layuning ito aking itinatag ang Saligang-batas ng lupaing ito, sa pamamagitan ng kamay ng matatalinong tao na aking ibinangon sa tanging layuning ito, at tinubos ang lupain sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo.” 24
Ang paghahayag na ito ay natanggap noong 1833 habang dumaranas ang mga Banal sa Missouri ng matinding pang-uusig. Mababasa sa heading ng Doktrina at mga Tipan bahagi 101 na: “Ang mga manggugulo ay pinalayas sila mula sa kanilang mga tahanan sa Jackson County. … Mga pagbabanta ng kamatayan laban sa mga [miyembro] ng Simbahan ay marami.” 25
Ito ay isang panahon ng pagkabahala sa maraming paraan. Itinuring ng maraming taga-Missouri ang mga Katutubong Amerikano na walang-awang kaaway at nais na mawala sila sa lupain. Dagdag pa rito, marami sa mga naninirahan noon sa Missouri ang may mga alipin at natakot sila sa mga taong tutol sa pang-aalipin.
Sa kabaligtaran, iginalang ng ating doktrina ang mga Katutubong Amerikano, at nais nating ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hinggil sa pang-aalipin, malinaw na nakasaad sa ating mga banal na kasulatan na hindi dapat alipinin ng isang tao ang sinuman. 26
Sa huli, ang mga Banal ay marahas na pinalayas sa Missouri 27 at pagkatapos ay napilitang lumipat sa Kanluran. 28 Ang mga Banal ay umunlad at natagpuan ang kapayapaang kaakibat ng kabutihan, pagkakaisa, at pagsasabuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Nagsasaya ako sa Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas na nakatala sa Ebanghelyo ni Juan. Sinabi ng Tagapagligtas na ipinadala Siya ng Ama at na Siya, ang Tagapagligtas, ay tinapos ang gawaing ipinagawa sa Kanya. Siya ay nanalangin para sa Kanyang mga disipulo at sa mga maniniwala kay Cristo: “Upang silang lahat ay maging isa; gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, [upang sila ay maging isa sa atin].” 29 Ang pagiging isa ang idinalangin ni Cristo bago ang pagkakanulo sa Kanya at Pagpapako sa krus.
Sa unang taon matapos ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, nakatala sa bahagi 38 ng Doktrina at mga Tipan, nangungusap ang Panginoon tungkol sa mga digmaan at kasamaan at ipinahayag, “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” 30
Ang kultura ng Simbahan ay mula sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang Liham ni Apostol Pablo sa mga Taga-Roma ay may malalim na kahulugan. 31 Ang unang Simbahan sa Roma ay kinabibilangan ng mga Judio at Gentil. Ang mga naunang Judiong ito ay may kulturang Judio at “napanalunan nila ang kanilang kalayaan, at nagsimulang dumami at umunlad.” 32
Ang mga Gentil sa Roma ay may kulturang labis na naiimpluwensyahan ng mga Griyego, na naunawaang mabuti ni Apostol Pablo dahil sa mga karanasan niya sa Atenas at Corinto.
Ipinakalat ni Pablo ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang komprehensibong paraan. Isinalaysay niya ang mga aspeto ng kultura ng mga Judio at Gentil na may kinalaman sa isa’t isa 33 na taliwas sa totoong ebanghelyo ni Jesucristo. Tunay na hiniling niya sa lahat sa kanila na iwanan ang mga hadlang sa kanilang mga paniniwala at kultura na hindi naaayon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Pinayuhan ni Pablo ang mga Judio at Gentil na sundin ang mga kautusan, mahalin ang isa’t isa, at na humahantong ang kabutihan sa kaligtasan. 34
Ang kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi kultura ng mga Gentil o kultura ng mga Judio. Hindi ito ibinabatay sa kulay ng balat ng isang tao o kung saan nakatira ang isang tao. Bagama’t nagsasaya tayo sa magkakaibang kultura, dapat nating iwanan ang mga aspeto ng mga kulturang iyon na taliwas sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ating mga miyembro at bagong convert ay kadalasang nagmumula sa magkakaibang lahi at kultura. Kung susundin natin ang payo ni Pangulong Nelson na tipunin ang Israel, makikita nating magkakaiba tayo katulad ng mga Judio at Gentil noong panahon ni Pablo. Gayunman, maaari tayong magkaisa sa ating pagmamahal at pananampalataya kay Jesucristo. Itinataguyod ng Liham sa mga Taga-Roma ang alituntunin na sinusunod natin ang kultura at doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang huwaran natin maging hanggang sa ngayon. 35 Pinagkakaisa tayo ng mga ordenansa sa templo sa mga natatanging paraan at nagtutulot sa ating maging isa sa lahat ng mahahalagang pangwalang-hanggang paraan.
Ikinararangal natin ang ating mga naunang miyembro sa iba’t ibang panig ng daigdig, hindi dahil perpekto sila kundi dahil nakayanan nila ang mga paghihirap, gumawa ng mga sakripisyo, naghangad na maging katulad ni Cristo, at nagsisikap na magpatibay ng pananampalataya at maging kaisa ng Tagapagligtas. Ang pagiging isa nila sa Tagapagligtas ay nagtulot sa kanila na magkaisa. Ang alituntuning ito ay totoo para sa akin at para sa inyo ngayon.
Ang malinaw na mensahe sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang magsikap na maging mga tao ng Sion na may isang puso at isang isipan at namumuhay sa kabutihan. 36
Dalangin ko na tayo ay maging mabuti at nagkakaisa at tuluyang nakatuon sa paglilingkod at pagsamba sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na aking pinatototohanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.