Si Jesucristo ay Kaginhawahan
Makakatuwang natin ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng temporal at espirituwal na ginhawa sa mga nangangailangan—at sa prosesong ito, matatagpuan natin ang ating sariling kaginhawahan.
Taglay ang pananampalataya kay Jesucristo at pag-asa sa narinig nila tungkol sa Kanyang mga himala, isang lalaking lumpo ang dinala ng mga tagapag-alaga nito kay Jesus. Mahusay ang naging pamamaraan nila para madala siya roon—binaklas ang bubong at ibinaba ang lalaki, na nakahiga sa kanyang higaan, sa dako kung saan nagtuturo si Jesus. Nang “makita [ni Jesus] ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya [sa lumpo], pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”1 At pagkatapos, “Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”2 At kaagad na tumayo ang lumpo at binuhat ang higaan niya at umuwi, “na niluluwalhati ang Diyos.”3
Ano pa ba ang alam natin tungkol sa mga kaibigang nag-alaga sa lalaking lumpo? Alam natin na nakita ng Tagapagligtas ang kanilang pananampalataya. At matapos makita at marinig ang Tagapagligtas at maging mga saksi sa Kanyang mga himala, sila ay “namangha” at “niluwalhati ang Diyos.”4
Ibinigay ni Jesucristo ang inaasam na paggaling—pisikal na ginhawa mula sa sakit at mga pinsalang dulot ng malalang karamdaman. Higit sa lahat, nagbigay rin ang Tagapagligtas ng espirituwal na ginhawa sa paglilinis ng kasalanan ng lalaki.
At ang mga kaibigan—sa pagsisikap nilang alagaan ang isang nangangailangan, natagpuan nila ang pinagmumulan ng kaginhawahan; natagpuan nila si Jesucristo.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay kaginhawahan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaalis natin ang bigat at pinsalang dulot ng kasalanan at matutulungan tayo sa ating mga kahinaan.
At dahil mahal natin ang Diyos, at nakipagtipan tayong paglilingkuran Siya, makakatuwang natin ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng temporal at espirituwal na ginhawa sa mga nangangailangan—at sa prosesong ito, matatagpuan natin ang ating sariling kaginhawahan kay Jesucristo.5
Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na minamahal nating propeta, na daigin ang mundo at nang makasumpong ng kapahingahan.6 Ayon sa kanya, ang “tunay na kapahingahan” ay “ginhawa at kapayapaan.” Sinabi ni Pangulong Nelson, “Dahil, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, tinubos ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo, kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.”7 Iyon ang ginhawang inaalok sa atin ni Jesucristo!
Bawat isa sa atin ay may pasan. Maaaring isa itong basket na binabalanse ninyo sa inyong ulo o maleta o bungkos ng mga bagay na nakabalot sa tela at ipinatong sa balikat ninyo. Pero para sa paggamit natin, tawagin natin itong backpack.
Dala natin sa loob ng metaporikal na backpack na ito ang mga pasanin ng pamumuhay sa isang mundong puno ng kasamaan. Ang mga pasanin natin ay tulad ng mga bato sa loob ng backpack. Karaniwan, may tatlong uri ito:
-
Mga bato na naroon sa sariling kagagawan natin dahil sa kasalanan.
-
Mga bato na nasa backpack natin dahil sa mga maling desisyon, masamang pag-uugali, at kalupitan ng iba.
-
At mga batong dala natin dahil namumuhay tayo sa hindi perpektong mundo. Kabilang dito ang mga bato ng sakit, sama-ng-loob, malalang karamdaman, dalamhati, kabiguan, kalungkutan, at epekto ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan.
Masaya kong ipinahahayag na ang mga pasanin natin sa buhay na ito, ang mga batong ito sa backpack natin, ay hindi kailangang maging mabigat.
Mapagagaan ni Jesucristo ang bigat na dala-dala natin.
Kayang buhatin ni Jesucristo ang mga pasanin natin.
Nagbigay ng daan si Jesucristo para magkaroon tayo ng kaginhawahan mula sa bigat ng kasalanan.
Si Jesucristo ay ang ating kaginhawahan.
Sabi niya:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan [ibig sabihin, ginhawa at kapayapaan].
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at makatatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”8
Isipin natin na magiging madaling dalhin ang pamatok at magaan ang pasan kapag pinapasan natin ang pamatok na katuwang ang Tagapagligtas, na ibinabahagi natin ang ating mga pasanin sa Kanya, na hinahayaan natin Siyang buhatin ang dala-dala natin. Ibig sabihin, makikipagtipan tayo sa Diyos at tutuparin ang tipang iyon, tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “mas pinadadali ang lahat sa buhay.” Sinabi niya, “Ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”9
Kaya bakit pa natin kinikimkim ang mga bato natin? Bakit tumatangging umalis ang pagod na baseball pitcher kapag may reliever naman na handang tapusin ang laro? Bakit ko pa igigiit na mag-isa lang ako sa gawain ko samantalang may Reliever naman na handang samahan ako?
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Si Jesucristo … [ay] nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.”10
Kaya bakit natin iginigiit na buhating mag-isa ang mga bato natin?
Ito ay isang personal na tanong para pag-isipan ng bawat isa sa inyo.
Para sa akin, ito ay kapalaluan na matagal na nating bisyo. “Kaya ko na ito,” sabi ko. “Walang dapat ipag-alala; matatapos ko ito.” Ang tusong manlilinlang ang may gustong magtago ako sa Diyos, talikuran Siya, upang kumilos ako nang mag-isa.
Mga kapatid, hindi ko magagawang kumilos nang mag-isa, at hindi ko kailangang gawin iyon, at hindi ko gagawin iyon. Sa pagpili na mabigkis sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan ko sa Diyos, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin.”11
Ang mga tumutupad sa tipan ay pinagpapala ng kaginhawahan ng Tagapagligtas.
Pakaisipin ang halimbawang ito sa Aklat ni Mormon: Ang mga tao ni Alma ay pinagmalupitan, “pinagagawa sila, at naglagay ng mga tagapagbantay sa kanila.”12 Dahil pinagbawalang manalangin nang malakas, kanilang “ibinuhos ang kanilang mga puso sa [Diyos]; at kanyang nalaman ang mga niloloob ng kanilang mga puso.”13
At “ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanila sa kanilang mga paghihirap, sinasabing: Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.
“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod.”14
At ang kanilang mga pasanin “ay pinagaan,” at “pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”15
Sila na mga tumupad sa tipan ay tumanggap ng ginhawa na kapanatagan, dagdag na tiyaga at kagalakan, paggaan ng kanilang mga pasanin, at sa huli ay naligtas.16
Ngayon, bumalik tayo sa sarili nating metaporikal na backpack.
Ang pagsisisi, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang nagbibigay sa atin ng ginhawa mula sa bigat ng mga bato ng kasalanan. At sa pamamagitan ng napakagandang kaloob na ito, pinagiginhawa tayo ng awa ng Diyos mula sa mabibigat at hindi matutugunang mga hinihingi ng katarungan.17
Ginagawa ring posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makatanggap tayo ng lakas na magpatawad, na nakababawas sa bigat na dala-dala natin dahil sa pagmamalupit ng iba.18
Kaya nga, paano tayo pinagiginhawa ng Tagapagligtas mula sa mga pasaning dulot ng pamumuhay sa isang makasalanang mundo, na may mga mortal na katawang nakadarama ng pighati at pasakit?
Kadalasan, isinasagawa Niya ang ganitong uri ng pagbibigay-ginhawa sa pamamagitan natin! Bilang mga pinagtipanang miyembro ng Kanyang Simbahan, nangangako tayong “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”19 Dahil tayo ay “[lumalapit] sa kawan ng Diyos” at “[tinatawag] na kanyang mga tao,” at “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.”20
Ang pagpapala ng tipan natin ay maging katuwang ni Jesucristo sa pagbibigay ng ginhawa, kapwa temporal at espirituwal, sa lahat ng anak ng Diyos. Sa pamamagitan natin nakapagbibigay Siya ng kaginhawahan.21
At tulad ng mga kaibigan ng lalaking lumpo, ating “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”22 Ating “dalhin … ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay matutupad … ang kautusan ni Cristo.”23 Sa paggawa natin nito, nakikilala natin Siya, nagiging katulad tayo Niya, at nakatatagpo ng kaginhawahan sa Kanya.24
Ano ang ibig sabihin ng ginhawa?
Ito ay pag-aalis o pagpapagaan sa bagay na nakasasakit, nakababagabag, o nakakapagpahirap, o ang lakas na tiisin ito. Tumutukoy ito sa isang taong humahalili para sa iba. Ito ay legal na pagtatama ng mali.25 Ang salitang Anglo-French ay nagmula sa Old French, ang salitang relever, o “ibangon,” at mula sa Latin na relevare, o “muling ibangon.”26
Mga kapatid, si Jesucristo ay kaginhawahan. Pinatototohanan ko na Siya ay muling bumangon sa ikatlong araw at, matapos matupad ang mapagmahal at walang hanggang Pagbabayad-sala, nakatayong bukas ang mga bisig, nag-aalok sa atin ng pagkakataong bumangong muli, maligtas at madakila at maging katulad Niya. Ang kaginhawahang inaalok Niya sa atin ay walang-hanggan.
Tulad ng mga babaeng dinalaw ng anghel sa unang umagang iyon ng Pasko ng Pagkabuhay, nais kong “magmadali” at ipamalita nang may “malaking kagalakan” na Siya ay nabuhay.27 Sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.