Kailangan ng mga Tagapamayapa
May kalayaan kayong piliin ang pagtatalo o pagkakasundo. Hinihikayat ko kayo na piliing maging tagapamayapa, ngayon at sa tuwina.
Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo. Nitong nakaraang anim na buwan, palagi kayo sa isipan ko at sa mga panalangin ko. Dalangin ko na iparating ng Espiritu Santo ang nais ng Panginoon na marinig ninyo habang nagsasalita ako sa inyo ngayon.
Sa aking surgical internship maraming taon na ang nakalipas, tumulong ako sa isang siruhano sa pagputol ng isang binting nabubulok sanhi ng impeksiyong dulot ng kawalan ng daloy ng dugo. Mahirap ang operasyon. Pagkatapos, nakadagdag pa sa tensiyon na hindi nagawa nang mabuti ng isa sa team ang isang trabaho, at nagsiklab sa galit ang siruhano. Sa kanyang galit, inihagis niya ang kanyang scalpel na puno ng mikrobyo. Bumagsak ito sa aking braso!
Lahat ng nasa operating room—maliban sa hindi nakapagtimping siruhano—ay nagimbal dahil sa paglabag na ito sa mga tuntunin at patakaran kapag nagsasagawa ng operasyon. Mabuti na lang at hindi ako nahawahan. Ngunit ang karanasang ito ay tumimo sa akin. Sa mismong oras na iyon, nangako ako sa aking sarili na anuman ang mangyari sa aking operating room, kailanma’y hindi ako mawawalan ng kontrol sa emosyon ko. Sumumpa rin ako noong araw na iyon na kailanma’y hindi ako maghahagis ng anumang bagay sa galit—ito man ay mga scalpel o salita.
Kahit ngayon, makalipas ang ilang dekada, napapaisip ako kung mas mapanganib ang kontaminadong scalpel na bumagsak sa braso ko kaysa sa nakalalasong pagtatalo na nakakaapekto sa ating pakikipag-ugnayan sa lipunan at napakaraming personal na ugnayan ngayon. Ang pagkamagalang at kagandahang-asal ay tila naglaho sa panahong ito ng pagkakawatak at matinding pagtatalo.
Ang kahalayan, paghahanap ng kamalian, at pagsasalita ng masama sa iba ay lubhang karaniwan na. Napakaraming eksperto, pulitiko, entertainer, at iba pang mga influencer ang laging nanlalait. Labis akong nag-aalala na napakaraming tao ang tila naniniwala na lubos na katanggap-tanggap na ikondena, siraan, at pagmukhaing masama ang sinuman na hindi sumasang-ayon sa kanila. Marami ang tila masigasig sa pagsira ng reputasyon ng ibang tao gamit ang matitindi at masasakit na pang-iinsulto!
Ang galit ay hindi kailanman nakahihikayat. Ang paglaban ay hindi nagpapalakas sa sinuman. Ang pagtatalo ay hindi kailanman humahantong sa mga inspiradong solusyon. Ang nakalulungkot, nakakakita tayo minsan ng pagtatalo maging sa mga miyembro ng ating Simbahan. Nababalitaan natin ang tungkol sa mga taong nilalait ang kanilang asawa at mga anak, ang mga ginagamit ang galit para kontrolin ang iba, at pinaparusahan ang mga kapamilya sa pamamagitan ng “hindi pagkibo.” Nakakarinig tayo ng tungkol sa mga kabataan at mga bata na nangbu-bully at mga empleyado na sinisiraan ang kanilang katrabaho.
Mahal kong mga kapatid, hindi dapat nangyayari ito. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging halimbawa kung paano pakitunguhan ang iba—lalo na kapag magkakaiba ang ating opinyon. Isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao.
Nilinaw ito ng Tagapagligtas sa Kanyang mga sermon sa Kanyang mga tagasunod sa magkabilang panig ng mundo. “Mapapalad ang mga mapagpayapa,” ang sabi Niya.1 “Kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.”2 At pagkatapos, siyempre, nagbigay Siya ng payo na hamon sa bawat isa sa atin: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo.”3
Bago ang Kanyang kamatayan, iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang Labindalawang Apostol na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila.4 At pagkatapos ay idinagdag Niya, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”5
Malinaw ang mensahe ng Tagapagligtas: Ang Kanyang tunay na mga disipulo ay nagpapatatag, nagpapasigla, naghihikayat, at nagbibigay-inspirasyon—gaano man kahirap ang sitwasyon. Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay mga tagapamayapa.6
Ngayon ay Linggo ng Palaspas. Naghahanda tayong gunitain ang pinakamahalaga at pinakadakilang pangyayaring naitala sa mundo, ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo. Ang isa sa mga pinakamagandang paraan na masusunod natin ang Tagapagligtas ay ang maging tagapamayapa.7
Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas magagawa nating madaig ang lahat ng kasamaan—pati na ang pagtatalo. Huwag palinlang: ang pagtatalo ay masama! Ipinahayag ni Jesucristo na ang mga may “diwa ng pagtatalo” ay hindi sa Kanya kundi “sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at inuudyukan [ng diyablo] ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.”8 Ang mga taong nag-uudyok ng pagtatalo ay ginagawa rin ang ginagawa ni Satanas, sinadya man nila ito o hindi. “Walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon.”9 Hindi natin maaaring suportahan si Satanas ng mga panlalait natin at pagkatapos ay isiping mapaglilingkuran pa rin natin ang Diyos.
Mahal kong mga kapatid, napakahalaga kung paano natin pakitunguhan ang isa’t isa! Napakahalaga kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang ibang tao sa tahanan, sa simbahan, sa trabaho, at online. Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan. Mangyaring makinig nang mabuti. “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri”10 na masasabi natin tungkol sa ibang tao—siya man ay nakaharap o nakatalikod—iyan dapat ang ating maging pamantayan sa pakikipag-usap.
Kung nagdiborsyo ang isang mag-asawa sa inyong ward, o umuwi nang maaga ang isang batang missionary, o nag-aalinlangan ang isang tinedyer sa kanyang patotoo, hindi nila kailangan ang inyong panghuhusga. Kailangan nilang maranasan ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo na maipapakita sa inyong mga salita at kilos.
Kung ang isang kaibigan sa social media ay may matibay na opinyon tungkol sa pulitika o lipunan na salungat sa lahat ng pinaniniwalaan ninyo, ang galit, at masakit na tugon ninyo ay hindi makakatulong. Mas marami ang kailangan ninyong gawin sa pagbuo ng pag-uunawaan, ngunit iyan mismo ang kailangan ng inyong kaibigan.
Ang pagtatalo ay nagtataboy sa Espiritu—sa tuwina. Pinalalakas ng pagtatalo ang maling paniniwala na ang kumprontasyon ay ang paraan para malutas ang mga hindi pagkakasundo; subalit hindi ito kailanman nangyayari. Pinipili nating makipagtalo. Pinipili nating maging tagapamayapa. May kalayaan kayong piliin ang pagtatalo o pagkakasundo. Hinihikayat ko kayo na piliing maging tagapamayapa, ngayon at sa tuwina.11
Mga kapatid, literal nating mababago ang mundo—isang tao at isang pakikipag-ugnayan sa bawat pagkakataon. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapakita kung paano mahaharap ang tunay na pagkakaiba-iba ng mga opinyon nang may paggalang sa isa’t isa at sa pamamagitan ng pakikipag-usap nang may dignidad.
Ang pagkakaiba ng opinyon ay bahagi ng buhay. Araw-araw akong nakikipagtulungan sa matatapat na tagapaglingkod ng Panginoon na hindi palaging magkapareho ng pananaw sa isang isyu. Alam nila na gusto kong marinig ang kanilang mga ideya at tunay na saloobin tungkol sa lahat ng tinatalakay namin—lalo na sa mga sensitibong isyu.
Ang dalawang mararangal kong tagapayo, sina Pangulong Dallin H. Oaks at Pangulong Henry B. Eyring, ay huwaran sa paraan ng pagpapahayag nila ng kanilang mga saloobin—lalo na kapag magkaiba ang mga ito. Ginagawa nila ito nang may dalisay na pagmamahal sa isa’t isa. Hindi nila iniisip na sila ang pinaka-nakaaalam kaya dapat nilang ipaglaban ang kanilang opinyon. Hindi rin sila nakikipagkumpetensya sa isa’t isa. Dahil bawat isa sa kanila ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,”12 nagagabayan ng Espiritu ng Panginoon ang talakayan at pag-uusap namin. Mahal at iginagalang ko ang dalawang kahanga-hangang lalaking ito!
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang lunas sa pagtatalo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang espirituwal na kaloob na tumutulong sa atin na iwaksi ang likas na tao, na makasarili, mapagtanggol sa sarili, palalo, at mainggitin. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang nangungunang katangian ng isang tunay na tagasunod ni Jesucristo.13 Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nakikita sa isang tagapamayapa.
Kapag nagpapakumbaba tayo sa harapan ng Diyos at nananalangin nang buong lakas ng ating puso, pagkakalooban tayo ng Diyos ng pag-ibig sa kapwa-tao.14
Ang mga binigyan ng banal na kaloob na ito ng langit ay matiisin at mabait. Hindi sila naiinggit sa iba at hindi labis na nakatuon sa kung gaano sila kahalaga. Hindi sila kaagad nagagalit at hindi nag-iisip ng masama sa kapwa.15
Mga kapatid, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ang sagot sa pagtatalo na lumiligalig sa atin ngayon. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay naghihikayat sa atin na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa”16 sa halip na pahirapan ang isa’t isa. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay”17—lalo na sa magugulong sitwasyon. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na ipakita kung paano nagsasalita at kumikilos ang kalalakihan at kababaihan ni Cristo—lalo na kapag tinutuligsa.
Ngayon, ang sinasabi ko ay hindi tungkol sa “kapayapaan anuman ang maging kapalit nito.”18 Ang sinasabi ko ay tungkol sa pakikitungo sa iba sa mga paraang naaayon sa pagtupad ng tipang ginagawa ninyo kapag tumatanggap kayo ng sakramento. Kayo ay nakikipagtipan na laging aalalahanin ang Tagapagligtas. Sa mga sitwasyong matindi ang kaguluhan at puno ng pagtatalo, inaanyayahan ko kayong alalahanin si Jesucristo. Manalangin na magkaroon ng tapang at karunungan na sabihin o gawin ang Kanyang sasabihin o gagawin. Kapag sinusunod natin ang Prinsipe ng Kapayapaan, tayo ay magiging mga tagapamayapa Niya.
Sa puntong ito maaaring iniisip ninyo na ang mensaheng ito ay talagang makatutulong sa isang taong kilala ninyo. Marahil umaasa kayo na makatutulong ito sa kanya para maging mas mabait siya sa inyo. Umaasa ako na mangyayari ito! Ngunit umaasa rin ako na susuriin ninyo nang mabuti ang inyong puso upang makita kung may mga bakas ng kapalaluan o inggit na humahadlang sa inyo upang maging tagapamayapa.19
Kung tapat kayo sa pagtulong na tipunin ang Israel at pagpapatibay ng mga ugnayang mananatili hanggang sa kawalang-hanggan, ngayon ang panahon para isantabi ang pagkapoot. Ngayon ang panahon para tumigil sa paggigiit na kayo lang ang masusunod. Ngayon ang panahon para tumigil sa paggawa ng mga bagay na dahilan para pangilagan kayo sa takot na mapagalit kayo. Ngayon ang panahon para ibaon ang inyong mga sandata ng digmaan.20 Kung ang inyong pananalita ay puno ng panlalait at paratang, ngayon ang panahon para iwaksi ang mga ito.21 Kayo ay babangon bilang lalaki o babae ni Cristo na may malakas na espirituwalidad.
Matutulungan tayo ng templo sa ating mithiin. Doon ay pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan ng Diyos, na nagbibigay sa atin ng kakayahang madaig si Satanas, ang pasimuno ng lahat ng pagtatalo.22 Palayasin siya sa inyong mga pakikipag-ugnayan! Tandaan na tinatalikuran din natin ang kaaway tuwing nalulutas natin ang hindi pagkakaunawaan o tumatanggi tayong makasakit. Sa halip, maipapakita natin ang magiliw na awa na katangian ng tunay na mga disipulo ni Jesucristo. Nahahadlangan ng mga tagapamayapa ang kaaway.
Maging tunay na ilaw tayo sa ibabaw ng burol bilang mga miyembro—isang ilaw na “hindi maitatago.”23 Ipakita natin na may mapayapa at magalang na paraan para malutas ang mga kumplikadong isyu at inspiradong paraan para malutas ang mga hindi pagkakasundo. Kapag nagpakita kayo ng pag-ibig sa kapwa na ipinapakita ng tunay na mga tagasunod ni Jesucristo, pag-iibayuhin ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap nang higit pa sa inyong pinakamimithi.
Ang lambat ng ebanghelyo ang pinakamalaking lambat sa mundo. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae.”24 May puwang para sa lahat. Gayunman, walang puwang para sa anumang uri ng masamang palagay sa iba, pagkondena, o pagtatalo.
Mahal kong mga kapatid, ang pinakamaganda ay darating pa para sa mga taong gumugugol ng kanilang buhay sa pagpapalakas sa iba. Ngayon ay inaanyayahan ko kayo na suriin ang inyong pagkadisipulo ayon sa pakikitungo ninyo sa iba. Binabasbasan ko kayo na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang ang inyong pag-uugali ay maging marangal, magalang, at kumakatawan sa isang tunay na tagasunod ni Jesucristo.
Binabasbasan ko kayo na palitan ang karahasan ng kahinahunan, ang pagkapoot ng pag-unawa, at ang pagtatalo ng kapayapaan.
Ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo. Siya ang namumuno sa Simbahang ito. Tayo ay Kanyang mga tagapaglingkod. Tutulungan Niya tayo na maging mga tagapamayapa Niya. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.