Institute
33 O Diyos, Nasaan Kayo?


“O Diyos, Nasaan Kayo?” kabanata 33 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 33: “O Diyos, Nasaan Kayo?”

Kabanata 33

Liham at Pakpak na Panulat

O Diyos, Nasaan Kayo?

Mabagal na lumipas ang mga araw para sa mga bilanggo ng piitan ng Liberty. Sa kanilang mga unang buwan sa bilangguan, madalas silang makatanggap ng pagbisita ng pamilya at mga kaibigan na nagdadala ng mga magagandang balita, damit, at pagkain. Ngunit sa katapusan ng panahon ng taglamig, napakalaki ng ibinaba ng bilang ng mga sulat at pagbisita sa kalungan ng mga kaibigan dahil sa pagtakas ng mga Banal sa Illinois, na dahilan para mas madama ng mga bilanggo ang pag-iisa.1

Noong Enero 1839, sinubukan nilang iapela ang kanilang kaso sa isang hukom sa county, subalit tanging si Sidney Rigdon lamang na may malubhang sakit ang nakalaya sa pamamagitan ng piyansa. Ang iba pa—sina Joseph, Hyrum, Lyman Wight, Alexander McRae, at Caleb Baldwin—ay nagbalik sa kanilang piitan upang hintayin ang paglilitis sa tagsibol.2

Ang buhay sa bilangguan ay labis na nakaapekto kay Joseph. Sumisilip ang mga nanliligalig sa may rehas na mga bintana para maki-usyoso o sumigaw ng kalaswaan sa kanya. Siya at ang ibang mga bilanggo ay madalas na walang makain maliban sa maliit na tinapay na gawa sa harina ng mais. Ang dayami na ginawa nilang higaan mula noong Disyembre ay sala-salabid na at hindi na komportable. Tuwing magsisiga sila para painitin ang kanilang mga sarili, napupuno ng usok ang piitan at nasusulasok sila.3

Sa mabilis na pagdating ng araw ng kanilang paglilitis, alam ng bawat isa na malaki ang pagkakataon na ipakulong sila ng isang hindi patas na hukom at ipapatay. Ilang beses nilang sinubukang tumakas, subalit palagi silang nahuhuli ng kanilang mga guwardiya.4

Simula nang matanggap ang kanyang banal na tungkulin, nagpatuloy si Joseph sa gitna ng pagtuligsa, sinisikap na sundin ang Panginoon at tipunin ang mga Banal. At sa kabila nito, bagamat lumaganap na ang simbahan sa mga nagdaang taon, tila nasa bingit ito ngayon ng pagbagsak.

Pinalayas ng mga mandurumog ang mga Banal ng Sion sa Jackson County. Ang pambabatikos sa loob ng simbahan ng Kirtland ang nagpawatak-watak dito at nag-iwan sa templo sa kamay ng mga nagpapautang. At ngayon, matapos ang isang kakila-kilabot na pakikidigma sa kanilang mga kapitbahay, ang mga Banal ay nakakalat sa silangang pampang ng Mississippi River, malungkot at walang matirhan.

Kung hindi sana sila pinakialaman ng mga tao sa Missouri, naisip ni Joseph, magiging matiwasay at mapayapa sana ang estado. Ang mga Banal ay mabubuting tao na nagmamahal sa Diyos. Hindi sila marapat na kaladkarin mula sa kanilang mga tahanan, paluin, at hayaang mamatay.5

Ikinagalit ni Joseph ang kawalang-katarungan. Sa Lumang Tipan, madalas sagipin ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa panganib, nilulupig ang kanilang mga kaaway sa lakas ng Kanyang bisig. Subalit ngayon, nang binantaan na pupuksain ang mga Banal, Siya ay hindi namagitan.

Bakit?

Bakit hinayaan ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na magdusa ang napakaraming inosenteng lalaki, babae, at bata habang ang mga nagtaboy sa kanila mula sa kanilang mga tahanan, nagnakaw ng kanilang mga lupain, at gumawa ng hindi maipaliwanag na karahasan laban sa kanila ay malaya at hindi pinarurusahan? Paano Niya nagagawang pahintulutan na ang Kanyang matatapat na lingkod ay manatili sa mala-impiyernong bilangguan at malayo sa kanilang mga mahal sa buhay? Ano ang layunin ng pag-iwan sa mga Banal sa mismong panahon na kailangang-kailangan nila Siya?

“O Diyos, nasaan kayo?” pagsamo ni Joseph. “Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay?”6


Habang nakikipagbuno si Joseph sa Panginoon, ang mga apostol sa Quincy ay may isang mahalagang gagawin—at posibleng maging banta ng kanilang buhay—na desisyon. Noong nakaraang taon, inutusan sila ng Panginoon na magpulong sa lugar ng templo sa Far West noong Abril 26, 1839, kung saan patuloy nilang ilalatag ang pundasyon ng templo at pagkatapos ay aalis para sa isa pang misyon sa England. Dahil mahigit isang buwan na lang bago ang takdang panahon, iginiit ni Brigham Young na bumalik ang mga apostol sa Far West at mahigpit na tuparin ang utos ng Panginoon.

Ang ilang mga pinuno ng simbahan sa Quincy ay naniwala na hindi na kailangan pang sundin ng mga apostol ang paghahayag at inisip na kahangalan na bumalik sa lugar kung saan ang mga mandurumog ay sumumpang papatayin ang mga Banal. Nangatwiran sila na tiyak na hindi sila inaasahan ng Panginoon na ipagsapalaran ang kanilang mga buhay sa paglalakbay ng daan-daang milya sa teritoryo ng kaaway kung kailan sila ay kailangang-kailangan sa Illinois.7

Bukod pa rito, ang kanilang korum ay hindi maayos. Sina Thomas Marsh at Orson Hyde ay nag-apostasiya, si Parley Pratt ay nakakulong, at si Heber Kimball at John Page ay nasa Missouri pa. Ang mga pinakahuling tinawag na mga apostol na sina Wilford Woodruff, Willard Richards, at ang pinsan ni Joseph na si George A. Smith, ay hindi pa naoorden, at nangangaral ng ebanghelyo sa England si Willard.8

Subalit nadama ni Brigham na kaya nilang magpulong sa Far West tulad ng iniutos ng Panginoon, at kailangan nilang subukang gawin ito.

Gusto niya na ang mga apostol sa Quincy ay magkaisa sa kanilang desisyon. Upang magawa ang paglalakbay, kailangan nilang iwanan ang kanilang pamilya nang ilang panahon kung kailan ang hinaharap ng simbahan ay hindi tiyak. Kung nahuli o napatay ang mga apostol, kailangang harapin ng kanilang mga asawa at anak ang mga darating na pagsubok nang mag-isa.

Nalalaman kung ano ang nakataya, sina Orson Pratt, John Taylor, Wilford Woodruff, at George A. Smith ay sumang-ayon na gawin ang anumang kinakailangan upang masunod ang utos ng Panginoon.

“Ang Panginoong Diyos ang nagsabi,” sabi ni Brigham matapos nilang gawin ang kanilang desisyon. “Tungkulin nating sumunod at ipaubaya ang mangyayari sa Kanyang mga kamay.”9


Sa piitan ng Liberty, ang pag-aalala sa mga Banal at ang mga kamaliang ginawa sa kanila ang palaging inisip ni Joseph. Noong gabi ng Marso 19, tumanggap siya ng liham mula kay Emma, sa kanyang kapatid na si Don Carlos, at kay Bishop Partridge.10 Ang mga sulat ay nagpasaya nang kaunti sa kanya at sa iba pang mga bilanggo, subalit hindi niya malimutan na siya ay nakakulong sa isang maruming piitan habang ang mga Banal ay nagkalat at nangangailangan ng tulong.

Isang araw matapos dumating ang mga sulat, nagsimulang sumulat si Joseph ng dalawang liham sa mga Banal, ibinabahagi ang kanyang mga iniisip sa paraan na hindi pa niya nagawa noon sa pamamagitan ng pagsulat. Nagdidikta sa isang kapwa bilanggo, na gumaganap bilang tagasulat, sinubukan ng propeta na tulungan ang mga Banal sa kanilang kawalan ng pag-asa.

“Ang bawat uri ng kasamaan at kalupitan na ginagawa sa atin,” tiniyak niya sa kanila, “ay maghihilom lamang ng ating mga puso at pagagalingin ang mga ito nang may pagmamahal.”11

Subalit hindi niya mababalewala ang mga buwan ng pang-uusig na nagdala sa kanila sa kanilang malubhang kalagayan. Dumaing siya laban kay Gobernador Boggs, sa militia, at sa mga nanakit sa mga Banal. “Ang inyong galit ay pasiklabin laban sa aming mga kaaway,” pagsusumamo niya sa Panginoon sa panalangin, “at, sa matinding galit ng inyong puso, sa pamamagitan ng inyong espada ay ipaghiganti kami sa aming kaapihan!”12

Gayunman, alam ni Joseph na hindi lang ang kanilang mga kaaway ang may pagkakamali. Ang ilang Banal, kabilang na ang mga lider ng simbahan, ay sumubok na pagtakpan ang kanilang mga kasalanan, bigyang-kasiyahan ang kanilang kapalaluan at adhikain, at gumamit ng puwersa upang pilitin ang iba na sumunod sa kanila. Inabuso nila ang kanilang kapangyarihan at posisyon sa gitna ng mga Banal.

“Ating natutuhan sa pamamagitan ng nakalulungkot na karanasan,” sinabi ni Joseph sa pamamagitan ng inspirasyon, “na likas at kaugalian ng halos lahat ng tao, matapos silang makatamo ng kaunting kapangyarihan, sa inaakala nila, kaagad silang magsisimulang gumamit ng di makatwirang pamamahala.”13

Ang mga matwid na mga Banal ay dapat kumilos alinsunod sa mas matataas na alituntunin. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.” Ang mga sumubok na gawin ang kabaligtaran ay nawalan ng Espiritu at ng kapangyarihan para pagpalain ang buhay ng iba gamit ang priesthood.14

Gayunpaman, nagsumamo si Joseph alang-alang sa mga inosenteng Banal. “O Panginoon,” sabi niya, “hanggang kailan sila magdurusa sa mga kaapihang ito at hindi makatarungang kalupitan, bago ang inyong puso ay lumambot para sa kanila?”15

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa,” tugon ng Panginoon. “Ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.”16

Tiniyak ng Panginoon kay Joseph na hindi siya nakakalimutan. “Kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo,” sinabi ng Panginoon kay Joseph, “alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”

Ipinaalala ng Tagapagligtas kay Joseph na hindi magdurusa ang mga Banal nang higit sa Kanyang dinanas. Sila ay mahal Niya at kaya Niyang wakasan ang kanilang pasakit, subalit sa halip ay pinili Niya na magdusang kasama nila, dinadala ang kanilang mga dalamhati at kalungkutan bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang ganitong paghihirap ang nagpuno sa Kanya ng awa, nagbibigay sa Kanya ng kapangyarihan na sumaklolo at dalisayin ang lahat ng babaling sa Kanya sa kanilang mga pagsubok. Hinimok Niya si Joseph na maging matatag at ipinangakong hindi Niya ito tatalikdan.

“Ang iyong mga araw ay nababatid, at ang iyong mga taon ay hindi nababawasan ng bilang,” tiniyak sa kanya ng Panginoon. “Kaya nga, huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”17


Habang nagsasalita ng kapayapaan ang Panginoon kay Joseph sa kulungan, walang pagod na nilakad ni Heber Kimball at ng ibang mga Banal sa Missouri sa korte suprema ng estado upang makalaya ang propeta. Tila nakikisimpatya ang mga hukom sa mga panawagan ni Heber, at kinuwestiyon pa nga ng ilan ang legalidad ng pagkakakulong ni Joseph, subalit sa huli ay tumanggi silang gawan ng aksiyon ang kaso.18

Pinanghihinaan ng loob, bumalik si Heber sa Liberty upang mag-ulat kay Joseph. Ayaw siyang papasukin ng mga guwardiya sa loob ng piitan, kaya tumayo siya sa labas ng bintana ng kulungan at kinausap ang kanyang mga kaibigan. Sinubukan niya ang lahat, sabi niya, ngunit wala itong nagawang pagkakaiba.

“Magsaya,” sagot ni Joseph, “at paalisin nang mabilis ang lahat ng mga Banal hangga’t maaari.”19

Dumaan si Heber sa Far West pagkaraan ng ilang araw, nag-iingat sa mga panganib na patuloy na nakakubli sa lugar. Maliban sa iilang lider at ilang pamilya, wala nang tao sa lunsod. Dalawang buwan nang lumisan ang pamilya ni Heber, at wala pa siyang balita sa kanila mula noon. Habang iniisip niya ang tungkol sa kanila at sa mga bihag at sa mga taong nagdusa at namatay sa kamay ng mga mandurumog, siya ay nalumbay at nalungkot. Tulad ni Joseph, inaasam niyang matapos na ang pagdurusa.

Habang iniisip si Heber ang kanilang miserableng sitwasyon, at ang kabiguan niyang mapalaya si Joseph, napuspos siya ng pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon. Inilagay ang isang pirasong papel sa kanyang tuhod, itinala niya ang kanyang mga nadama.

“Tandaan na palagi Ko kayong sasamahan, maging hanggang sa wakas,” narinig niyang sinabi ng Panginoon. “Ang Aking espiritu ay mananahan sa iyong puso upang turuan ka ng mga mapayapang bagay ng kaharian.”

Sinabi ng Panginoon na huwag niyang alalahanin ang kanyang pamilya. “Pakakainin ko sila at daramitan sila at bibigyan sila ng mga kaibigan,” pangako Niya. “Mapapasakanila ang kapayapaan magpakailanman, kung ikaw ay magiging matapat at hahayo at mangangaral ng aking ebanghelyo sa mga bansa ng mundo.”20

Nang matapos sumulat si Heber, naging panatag ang kanyang puso at isipan.


Matapos makipag-usap sa kanya ang Panginoon sa madilim, at miserableng piitan, hindi na natatakot si Joseph na tinalikdan siya at ang simbahan ng Diyos. Sa mga liham kay Edward Partridge at sa mga Banal, matapang siyang nagpatotoo tungkol sa gawain sa mga huling araw. “Ibuhos man ng impiyerno ang galit nito tulad ng nag-aapoy na kumukulong putik ng Mount Vesuvius,” pahayag niya, “gayon pa man ay mananatili ang Mormonismo.” Nakatitiyak siya rito.

“Ang katotohanan ay Mormonismo,” bulalas niya. “Ang Diyos ang may-akda nito. Siya ang ating kalasag. Sa pamamagitan Niya ay isinilang tayo. Sa pamamagitan ng Kanyang tinig ay tinawag tayo sa dispensasyon ng Kanyang ebanghelyo sa simula ng kaganapan ng mga panahon.”21

Hinikayat niya ang mga Banal na tipunin ng isang opisyal na talaan ng kasamaang pinagdusahan nila sa Missouri upang maibigay nila ang mga ito sa Pangulo ng Estados Unidos at sa iba pang opisyal ng pamahalaan para marepaso. Naniniwala siyang tungkulin ng mga Banal na hangarin ang legal na mga paraan ng pagbabalik ng mga nawala sa kanila.

“Malugod nating gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” payo niya, “at pagkatapos ay makatayo nawa tayo nang hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, upang makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag”22

Ilang araw matapos ipadala ni Joseph ang kanyang mga liham, siya at ang kanyang mga kasamang bilanggo ay umalis ng bilangguan para magpakita sa isang lupon ng mga tagahatol sa Gallatin. Bago sila umalis, sumulat ng isang liham si Joseph kay Emma. “Nais kong makita ang munting si Frederick, si Joseph, Julia, at Alexander,” isinulat niya. “Sabihin mo sa kanila na mahal na mahal sila ni Itay, at ginagawa niya ang lahat para makatakas sa mga mandurumog at mapuntahan sila.”23

Nang dumating ang mga bilanggo sa Gallatin, ang ilan sa mga abogado sa silid ay umiinom, habang pagala-gala ang napakaraming tao sa labas, pasilip-silip sa mga bintana. Ang nakaupong hukom ay ang abogadong umusig sa mga Banal sa kanilang pagdinig noong Nobyembre.24

Kumbinsidong hindi sila makakakuha ng patas na paglilitis sa Daviess County, humiling si Joseph at ang iba pang mga bilanggo na baguhin ang lugar na pagdarausan ng paglilitis. Pinagbigyan nila ang kanilang mga kahilingan, at ang mga bilanggo ay tumulak sa isang korte sa isa pang county kasama ang isang sheriff at apat na bagong guwardiya.25

Ang mga guwardiya ay maluwag sa mga bilanggo at makatao ang pakikitungo sa kanila habang sila ay naglalakbay sa bagong pagdarausang lugar.26 Sa Gallatin, nakuha ni Joseph ang paggalang nila nang matalo niya ang pinakamalakas sa mga ito sa isang masayang laro ng pakikipagbuno.27 Nagbabago na rin ang opinyon ng madla tungkol sa mga Banal. Ang ilang taga-Missouri ay hindi na nagiging komportable sa utos ng goberbador na pagpuksa at hinihiling na lamang na tapusin na ang isyu at pakawalan ang mga bilanggo.28

Isang araw matapos nilang lisanin ang Daviess County, tumigil ang mga lalaki sa isang istasyon sa daan, at ibinili ng mga bilanggo ng alak ang kanilang mga guwardiya. Kalaunan nang gabing iyon, lumapit ang sheriff sa mga bilanggo. “Iinom lang ako ng maraming alak at matutulog,” sinabi niya sa kanila, “at maaari ninyong gawin kung ano ang nasa isip ninyo.”

Nang malasing ang sheriff at ang tatlong guwardiya, si Joseph at ang kanyang mga kaibigan ay sumakay sa dalawang kabayo sa tulong ng natitirang guwardiya at nagtungo sa silangan nang gabing iyon.29


Pagkatapos ng dalawang araw, habang tumatakas si Joseph at ang ibang bilanggo sa isang ligtas na lugar, limang apostol ang nagsimulang maglakbay sa kasalungat na direksiyon, tumatawid sa Mississippi River patungo sa Far West. Sina Brigham Young, Wilford Woodruff, at Orson Pratt ay nasa isang karwahe, habang sina John Taylor at George A. Smith ay nagbiyahe sa isa pa na kasama si Alpheus Cutler, na naging punong trabahador ng templo.

Mabilis silang naglakbay sa mga parang, inaalala ang pagdating sa Far West sa itinakdang araw. Habang nasa daan, nakita nila si apostol John Page na papuntang silangan kasama ng kanyang pamilyang mula sa Missouri, at hinikayat siyang sumama sa kanila.30

Pagkaraan ng pitong araw sa daan, ang mga apostol ay pumasok ng Far West sa maliwanag na gabi ng Abril 25. Lumago na ang mga damo sa mga inabandonang kalsada, at ang lahat ay tahimik. Si Heber Kimball, na bumalik sa Far West matapos malaman ang tungkol sa pagtakas ni Joseph, ay lumitaw mula sa kanyang pinagkukublihang lugar at pinapasok sila sa bayan.

Magkakasamang nagpalipas ng ilang oras ang mga lalaki. Pagkatapos, nang sumikat ang araw sa silangan, tahimik silang tumulak patungong liwasang bayan at naglakad patungo sa lugar ng templo kasama ang ilang mga Banal na nanatili sa lunsod. Kumanta sila roon ng isang himno at doon ay pinagulong ni Alpheus ang isang malaking bato sa timog-silangang sulok ng lugar ng templo upang muling simulan ang pagtatatag ng pundasyon ng templo.31

Umupo sa bato si Wilford habang bumubuo ng isang bilog ang mga apostol na paikot sa kanya. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo, at inorden siya ni Brigham na maging isang apostol. Nang matapos siya, si George naman ang umupo sa batong inuupuan ni Wilford at siya ay inorden din.

Nababatid na nagawa na nila ang lahat nang makakaya nilang gawin, yumuko ang mga apostol at naghalinhinan sa pagdarasal noong maliwanag na umagang iyon. Nang matapos na sila, kinanta nila ang “Adan-ondi-Ahman,” na isang himno na umaasam sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa araw na ang kapayapaan ng Sion ay lalaganap sa buong bugbog-sa-digmaang parang ng Missouri at sa buong mundo.

Muling iginulong ni Alpheus ang bato pabalik sa kung saan niya ito natagpuan, iniiwan ang pundasyon sa mga kamay ng Panginoon hanggang sa araw na maghahanda siya ng paraan upang makabalik ang mga Banal sa Sion.32

Kinabukasan, naglakbay ang mga apostol nang tatlumpu’t dalawang milya para habulin ang huling pamilya na nagsisikap na lisanin ang Missouri. Inaasahan silang umalis papuntang Great Britain sa lalong madaling panahon. Subalit nais muna nilang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa Illinois at patirahin sila sa bagong lugar ng pagtitipon, saan man ito naroroon.33


Sa mga panahong ito, isang lantsa ang dumaong sa Quincy at ilang paseherong may hindi maaayos na hitsura ang bumaba. Ang isa sa kanila—isang maputla at payat na lalaki—ay nakasuot ng malapad na sumbrero at ng asul na jacket na nakatayo ang kwelyo na nagtatago ng kanyang hindi naahit na mukha. Ang kanyang lumang pantalon ay nakapasok sa mga sirang bota.34

Pinanood ni Dimick Huntington, isang dating sheriff ng mga Banal sa Far West, ang pag-akyat ng gusgusing dayuhan sa pampang. May ilang bagay na pamilyar sa mukha ng lalaki at ang paraan ng pagdadala nito sa kanyang sarili ay kumuha sa pansin ni Dimick. Pero hindi niya masabi ang dahilan kung bakit hanggang sa mas napagmasdan niya ito.

“Ikaw ba iyan, Brother Joseph?” bulalas niya.

Itinaas ni Josepha ng kanyang mga kamay para patahimikin ang kanyang kaibigan. “Tahimik!” maingat niyang sinabi. “Nasaan ang aking pamilya?”35

Simula noong sila ay tumakas, si Joseph at ang iba pang mga bilanggo ay nakabantay at nag-iingat, sinusundan ang mga daan sa likod ng Missouri patungo sa Mississippi River at sa kalayaang naghihintay sa kanila sa kabilang panig, na hindi maaabot ng mga awtoridad ng Missouri.36

Nabibigla pa rin na makita ang propeta, ipinaliwanag ni Dimick na si Emma at ang mga bata ay nakatira sa layong apat na milya sa labas ng bayan.

“Dalhin mo ako sa aking pamilya sa pinakamabilis na paraan,” sabi ni Joseph.

Naglakbay sina Dimick at Joseph papunta sa tahanang ito sa Cleveland na sinusunod ang mga kalsada sa likod ng bayan para maiwasan ang mga makakakita. Pagdating nila, si Joseph ay bumababa at pumunta sa bahay.

Lumitaw sa pintuan si Emma at agad siyang nakilala. Napatakbo si Emma at sinalubong siya ng yakap pagkalagpas niya ng tarangkahan.37