“Isang Traydor o Isang Tunay na Lalaki,” kabanata 38 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 38: “Isang Traydor o Isang Tunay na Lalaki”
Kabanata 38
Isang Traydor o Isang Tunay na Lalaki
Patuloy ang pagbuhos ng ulan sa mga kalye ng Independence, Missouri, noong gabi ng Mayo 6, 1842. Sa bahay, tapos nang maghapunan si Lilburn Boggs at naupo sa isang silya para magbasa ng diyaryo.1
Kahit mahigit isang taon nang natapos ang kanyang termino bilang gobernador ng Missouri, aktibo pa rin si Boggs sa pulitika at tumatakbo ngayon para sa isang bakanteng posisyon sa senado ng estado. Nagkaroon siya ng mga kaaway sa paglipas ng mga taon, at ang paghalal sa kanya ay hindi tiyak. Bukod sa pagpintas sa kanya sa pagpapalabas ng extermination order na nagtaboy sa libu-libong mga Banal mula sa estado, ang ilang mga taga-Missouri ay hindi natuwa sa agresibong paghawak ng gobernador sa sigalot tungkol sa hangganan ng teritoryo ng Iowa. Nagduda rin ang iba sa paraan ng pagtipon niya ng pondo para sa bagong state capitol building.2
Habang tinitingnan ni Boggs ang ulo ng mga balita, nakaupo siyang nakatalikod sa bintana. Ang gabi ay malamig at madilim, at naririnig niya ang mahinang patak ng ulan sa labas.
Sa sandaling iyon, hindi alam ni Boggs, tahimik na naglakad ang isang tao sa kanyang maputik na bakuran at nagtutok ng mabigat na baril sa bintana. Kumislap ang dulo ng baril, at napasubsob si Boggs sa hawak niyang diyaryo. Umagos ang dugo mula sa kanyang ulo at leeg.
Nang marinig ang putok, nagmamadaling tumakbo papunta sa silid ang anak na lalaki ni Boggs at humingi ng tulong. Sa sandaling iyon naihagis na ng taong bumaril ang sandata at tumakas nang hindi nakikita, na nag-iwan lamang ng bakas ng paa sa putik.3
Habang sinisikap tuntunin ng mga imbestigador ang bumaril kay Boggs, si Hyrum Smith ay nasa Nauvoo at sinisiyasat ang ibang uri ng mga krimen. Sa mga unang linggo ng Mayo, inakusahan ng ilang kababaihan si Mayor John Bennett ng kakila-kilabot na mga gawa. Sa harap ng isang konsehal ng lunsod, sinabi nila kay Hyrum na pinuntahan sila nang lihim ni John na iginigiit na hindi kasalanan na magkaroon ng seksuwal na relasyon sa kanya basta’t hindi nila sasabihin sa iba. Tinatawag niyang “espirituwal na pag-aasawa” ang gawaing ito, si John ay nagsinungaling sa kanila, tinitiyak sa kanila na pinayagan ni Joseph ang gayong pag-uugali.4
Noong una, ayaw maniwala ng mga babae kay John. Pero mapilit siya at pinanumpa sa kababaihan ang kanyang mga kaibigan na nagsasabi siya ng katotohanan. Kung nagsisinungaling siya, sabi niya, sa kanya mapupunta ang kasalanan. At kung mabubuntis sila, nangako siya na bilang isang doktor, siya ang magsasagawa ng aborsiyon o pagpapalaglag. Ang mga babae kalaunan ay pumayag sa gusto ni John—at sa gusto ng ilan sa kanyang mga kaibigan nang dumating sila na gumagawa ng ganoon ding kahilingan.
Nagulantang si Hyrum. Medyo alam na niyang si John ay hindi mabuting tao tulad ng una niyang pagpapakilala. Hindi nagtagal ay lumutang ang mga bali-balita tungkol sa nakaraan ni John matapos siyang lumipat sa Nauvoo at naging mayor. Ipinadala ni Joseph si Bishop George Miller para siyasatin ang mga tsismis at di nagtagal ay nalaman na si John ay lumilipat-lipat ng lugar, gamit ang kanyang maraming talento para pagsamantalahan ang mga tao.
Natuklasan din ni George na may mga anak si John at kasal pa rin sa isang babae na inabuso niya at pinagtaksilan sa loob ng maraming taon.5
Matapos mapatunayan nina William Law at Hyrum ang mga natuklasang ito, hinarap ni Joseph si John at pinagalitan siya sa mga kasamaang ginawa niya. Nangako si John na magbabago, ngunit nawalan na ng tiwala sa kanya si Joseph at hindi na nagtiwala sa kanya na tulad ng dati.6
Ngayon, habang pinakikinggan ni Hyrum ang patotoo ng mga babae, alam niyang mayroon pang mas dapat gawin. Magkakasama, sina Hyrum, Joseph, at William ay bumuo ng dokumento na nagtitiwalag kay John mula sa Simbahan, na nilagdaan ng iba pang mga lider ng simbahan. Dahil sinisiyasat pa rin nila ang lawak ng mga kasalanan ni John at umasang maaayos ang bagay na ito nang hindi lumilikha ng iskandalo, nagpasiya silang ibimbin ang pabatid ukol sa pagtitiwalag.7
Ngunit isang bagay ang tiyak: ang mayor ay naging panganib sa lunsod at sa mga Banal, at nadama ni Hyrum na kailangan niyang patigilin siya.
Nataranta si John nang malaman niya ang tungkol sa pag-iimbestiga ni Hyrum. Tumutulo ang mga luha sa kanyang pisngi, nagpunta siya sa opisina ni Hyrum at nagmakaawang kahabagan. Sinabi niyang habampanahon na siyang masisira kung malalaman ng iba na niloko niya ang maraming kababaihan. Gusto niyang kausapin si Joseph at itama ang mga bagay.
Lumabas ang dalawang lalaki, at nakita ni John ang propeta na tumatawid sa bakuran papunta sa kanyang tindahan. Pag-abot sa kanya, sumigaw si John, “Brother Joseph, may kasalanan ako.” Pulang-pula ang kanyang mga mata at lumuluha. “Alam ko ito, at nakikiusap akong huwag ninyo akong ilantad.”
“Bakit mo ginagamit ang pangalan ko para ipagpatuloy ang iyong mala-impiyernong kasamaan?” tanong ni Joseph. “Tinuruan ba kita ng anumang bagay na hindi mabuti?”
“Hindi kailanman!”
“May nalaman ka bang hindi mabuti o masamang asal o kilos ko kahit kailan, sa publiko man o sa pribado?”
“Wala po!”
“Handa ka bang gumawa ng sumpa tungkol dito sa harap ng konsehal ng lunsod?”
“Handa ako.”
Sinundan ni John si Joseph sa kanyang opisina, at iniabot sa kanya ng isang klerk ang isang panulat at papel. Nang dumating ang konsehal, lumabas ng silid si Joseph habang nakaupo si John sa isang mesa at nagsulat ng pag-amin na nagsasabing hindi siya tinuruan ng propeta ng anumang bagay na labag sa mga batas ng Diyos.8 Pagkatapos ay nagbitiw siya bilang alkalde ng Nauvoo.9
Makalipas ang dalawang araw, noong Mayo 19, tinanggap ng konseho ng lunsod ang pagbibitiw ni John bilang alkalde at hinirang si Joseph sa katungkulang iyon. Bago niya tinapos ang pulong, tinanong ni Joseph si John kung mayroon siyang anumang sasabihin.
“Wala akong problema sa mga pinuno ng simbahan, at nais kong patuloy na makasama kayo, at umaasa na darating ang panahon na lubusang maibabalik sa akin ang buong pagtitiwala at pakikipagkapatiran,” sabi ni John. “Sakali mang dumating ang panahon na magkaroon ako ng pagkakataon na subukan ang pananampalataya ko, sa panahong iyon ay malalaman kung ako ba ay isang traydor o isang tunay na lalaki.”10
Nang sumunod na Sabado, isang pahayagan sa Illinois ang nagbigay ng update tungkol sa pamamaril kay Lilburn Boggs. Nasa bingit pa rin ng kamatayan ang dating gobernador, ayon sa ulat, sa kabila ng malubhang sugat sa kanyang ulo. Walang nangyari sa imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa pagkakakilanlan ng bumaril. Ilang tao ang nag-akusa na mga katunggali ni Boggs sa pulitika ang bumaril, ngunit ipinagpilitan ng pahayagan na ang mga Banal ang nasa likod nito, sinasabing minsan ay ipinropesiya ni Joseph ang marahas na pagkamatay ni Boggs.
“Dahil dito,” sabi nito, “maraming batayan ang mga usap-usapan.”11
Ang ulat ay ikinasama ng loob ni Joseph, na pagod na sa mga paratang na krimen na hindi niya ginawa. “Nagawan ninyo ako ng kawalan ng katarungan sa pag-uugnay sa akin sa isang hula tungkol sa pagkamatay ni Lilburn W. Boggs,” isinulat niya sa patnugot ng pahayagan. “Malinis ang aking mga kamay, at dalisay ang aking puso, mula sa dugo ng lahat ng tao.”12
Ang paratang ay dumating nang halos wala siyang oras para ipagtanggol ang kanyang sarili sa publiko. Siya ay nasa gitna ng buong linggong pag-iimbestiga sa mga ginawa ni John Bennett.13 Araw-araw, ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawa, at ang high council ng Nauvoo ay nakikinig sa mga patotoo ng mga nabiktima ni John. Habang nagkukuwento sila, natuklasan ni Joseph kung gaano binaluktot ni John ang mga batas ng Diyos, kinukutya ang mga tipan ng walang-hanggang ugnayan na pilit na itinuturo ni Joseph sa mga Banal.
Sa panahon ng mga pagdinig, narinig niya ang patotoo ni Catherine Warren, ang balo ng isang biktima ng Hawn’s Mill massacre. Bilang isang ina na may limang anak, siya ay talagang maralita at hirap sa pagsustento sa kanyang pamilya.
Sinabi ni Catherine na si John Bennett ang unang tao na nagsamantala sa kanya sa Nauvoo. “Sinabi niya na nais niyang ipinagkaloob sa kanya ang kanyang mga hangarin,” sabi niya sa high council. “Sinabi ko sa kanya na hindi ko ginagawa ang gayon at iniisip ko na magdudulot ito ng kahihiyan sa simbahan kung magbubuntis ako.” Pinagbigyan niya ang lalaki matapos itong magsinungaling sa kanya, na sinasabing inaprubahan ito ng mga lider ng simbahan.
Hindi nagtagal ginamit din ng ilang kaibigan ni John ang parehong mga kasinungalingan para pagsamantalahan siya.
“Noong nakaraang taglamig, nabahala ako sa ginagawa ko,” sabi ni Catherine sa high council. Nang malaman niya na walang pahintulot ni Joseph at ng iba pang mga lider ng simbahan ang ginagawa ni John, nagdesisyon siyang magsalita laban sa kanya. Pinakinggan ni Joseph at ng high council si Catherine, patuloy na nag-fellowship sa kanya, at itiniwalag ang mga taong nanlinlang sa kanya.14
Nang matapos ang imbestigasyon, natanggap din ni John ang opisyal na pabatid ng pagtiwalag sa kanya. Minsan pa, nagmakaawa siya at hinimok ang kapulungan na tahimik na ipatupad ang kaparusahan sa kanya. Sinabi niya na ang balita ay ipagdaramdam nang husto ng kanyang inang matanda na at tiyak na ikamamatay nito ang pagdadalamhati.15
Tulad ni Hyrum, nasuklam si Joseph sa mga ginawang kasalanan ni John, ngunit dahil sa bumabagabag sa mga Banal na mga paratang tungkol sa pamamaril kay Boggs, at dahil sabik ang mga patnugot ng pahayagan na makapagbalita ng iskandalo sa Nauvoo, siya at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay maingat na kumilos upang maiwasang makaagaw ng pansin ukol sa bagay na ito. Nagpasiya silang huwag ilathala ang pagtitiwalag kay John at naghintay para makita kung magbabago siya.16
Gayunman, nag-alala si Joseph tungkol sa mga babaeng nilinlang ni John. Karaniwan sa mga komunidad ang malupit na itakwil ang kababaihan na pinaghihinalaang nakagawa ng kasalanang seksuwal, kahit na walang kasalanan ang mga babae. Hinikayat ni Joseph ang kababaihan ng Relief Society na maging mapagkawanggawa at huwag agad ikondena ang iba.
“Magsisi, magbago, pero gawin ito sa paraan na hindi masisira ang lahat ng nasa paligid ninyo,” payo niya. Hindi niya gustong kunsintihin ng mga Banal ang kasamaan, ngunit hindi rin niya gustong iwasan at ipagwalang-bahala nila ang mga tao. “Magkaroon ng pusong dalisay. Nais ni Jesus na iligtas ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan,” paalala niya sa kanila. “Sabi ni Jesus, ‘Gawin ang mga bagay na nakikita ninyong ginagawa ko.’ Ito ang mahahalagang salitang dapat gawin ng lipunan.”
“Dapat isantabi ang lahat ng walang kuwentang tsismis at usap-usapan,” pagsang-ayon ni Emma. Gayunman wala siyang tiwala sa tahimik na pagdisiplina. “Hindi dapat pagtakpan ang kasalanan,” sabi niya sa kababaihan, “lalo na ang mga kasalanan na labag sa batas ng Diyos at sa mga batas ng bansa.” Naniwala siya na dapat ipaalam sa publiko ang maling mga ginawa ng tao upang mapigilan ang iba sa paggawa ng parehong mga pagkakamali.17
Gayunman, patuloy na pinangasiwaan nang pribado ni Joseph ang bagay na ito. Ipinakita ng nakaraang ugali ni John na lumalayo siya sa komunidad pagkatapos mailantad ang kanyang ginawa at matanggalan ng awtoridad. Marahil, kung matiyaga silang naghintay, kusa na lang aalis sa bayan si John.18
Nagkita-kita ang Relief Society para sa ikasampung pulong nito noong Mayo 27, 1842, malapit sa kakahuyan kung saan madalas magpunta ang mga Banal para sumamba. Daan-daan na ngayon ang kabilang sa organisasyon, pati na si Phebe Woodruff, na isang buwan pa lang na naging kasapi kasama sina Amanda Smith, Lydia Knight, Emily Partridge, at marami pang kababaihan.19
Ang lingguhang mga miting noon ay panahon para isantabi ni Phebe ang mga alalahanin ng kanyang abalang buhay, malaman ang mga pangangailangan ng mga tao sa kanyang paligid, at makinig sa mga sermon na inihanda lalo na para sa kababaihan ng simbahan.
Madalas magsalita noon sina Joseph at Emma sa mga miting, ngunit sa araw na ito ay nagsalita si Bishop Newel Whitney sa mga babae tungkol sa mga pagpapala ng Panginoon na malapit nang ibigay sa kanila. Dahil katatanggap lang ng endowment, hinimok ni Bishop Whitney ang kababaihan na manatiling nakatuon sa gawain ng Panginoon at maghandang tanggapin ang Kanyang kapangyarihan. “Kung wala ang babae, lahat ng bagay ay hindi maibabalik sa lupa,” pahayag niya.
Ipinangako niya sa kanila na maraming mahahalagang bagay na ipagkakaloob ang Diyos sa matatapat na Banal. “Dapat nating kalimutan ang mga walang kabuluhang bagay at tandaan na nakatingin sa atin ang Diyos. Kung sinisikap nating gawin ang tama, kahit maraming beses tayong magkamali sa pagpapasiya, gayunman tayo ay inaaring-ganap sa paningin ng Diyos kung gagawin natin ang lahat sa abot ng ating makakaya.”20
Dalawang araw pagkatapos ng sermon ni Newel, sina Phebe at Wilford ay umakyat ng burol papunta sa hindi pa tapos na templo. Bilang isang pamilya, dumanas sila ng mga hirap, kabilang ang pagkamatay ng kanilang anak na si Sarah Emma habang si Wilford ay nasa England. Ngayon ay mas matatag na ang katayuan nila mula nang mag-asawa sila, at nadagdagan ng dalawa pang anak ang kanilang pamilya.
Si Wilford ang namahala sa opisina ng Times and Seasons, na nagbigay sa kanya ng matatag na trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Ang mga Woodruff ay nanirahan sa isang simpleng bahay sa lunsod habang nagtatayo ng bagong bahay na yari sa brick o laryo sa lote sa timog ng templo. Nagkaroon sila ng maraming kaibigan na dumalaw sa lugar, pati na sina John at Jane Benbow, na nagbenta ng kanilang malaking sakahan sa England upang makipagtipon sa mga Banal.21
Tulad ng itinuro ng Bishop Whitney, kailangan pa ring sikapin ng mga Banal na gawin ang tama, na nakikibahagi sa gawain ng Panginoon at umiiwas sa mga bagay na aakay sa kanila palayo.
Lalo pang naging mahalaga ang templo sa patuloy na pagtutuon sa bagay na ito. Sa pagbaba sa basement nito, pumasok si Phebe sa bautismuhan noong Mayo 29 at nabinyagan para sa kanyang lolo, lola, at grand-uncle o tiyo.22 Habang inilulubog siya ni Wilford sa tubig, nanalig siya na tatanggapin ng kanyang yumaong mga kaanak ang ipinanumbalik na ebanghelyo at gagawa ng mga tipan na sundin si Jesucristo at alalahanin ang Kanyang sakripisyo.
Si John Bennett ay nasa Nauvoo pa rin dalawang linggo matapos niyang malaman ang kanyang pagkatiwalag. Noong panahong iyon binalaan na ng Relief Society ang mga babae sa lunsod tungkol sa ginawa niyang mga krimen at talagang ikinondena ang uri ng mga kasinungalingan na ikinalat niya tungkol sa mga lider ng simbahan.23 Lumutang din ang iba pang mga di magandang impormasyon tungkol sa nakaraan ni John, at natanto ni Joseph na panahon na para ipaalam ang tungkol sa pagkakatiwalag sa dating alkalde at hayagang ilantad ang kanyang matitinding kasalanan.
Noong Hunyo 15, inilathala ni Joseph ang maikling pabatid tungkol sa pagkakatiwalag ni John sa Times and Seasons.24 Makalipas ang ilang araw, sa isang sermon sa kinatatayuan ng templo, nagsalita siya sa mahigit isang libong mga Banal tungkol sa mga kasinungalingan at pagsasamantala ni John sa kababaihan.25
Mabilis na umalis si John sa Nauvoo makalipas ang tatlong araw, sinasabing ang mga Banal ay hindi karapat-dapat sa kanyang presensya at nagbabantang magpapadala ng isang grupo ng mandurumog sa Relief Society. Hindi nababahala, iminungkahi ni Emma na bumuo ang Relief Society ng isang polyeto na tumutuligsa sa pagkatao ni John. “Wala tayong dapat gawin kundi ang matakot sa Diyos at sundin ang mga kautusan,” ang sabi niya sa kababaihan, “at sa paggawa ng gayon tayo ay uunlad.”26
Naglathala rin si Joseph ng isang karagdagang sakdal laban kay John, na nagdedetalye sa matagal nang paglihis sa landas ng dating alkalde. “Sa halip na magpakita ng diwa ng pagsisisi,” sabi ni Joseph, “pinatunayan niya hanggang sa huling sandali na hindi siya karapat-dapat sa pagtitiwala o pagpapahalaga ng sinumang matwid na tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling para linlangin ang mga walang-malay at pangangalunya sa pinakakarumal-dumal at di makataong paraan.”27
Samantala, umupa ng isang silid sa kalapit na bayan si John at nagpadala ng mapapait na liham tungkol kay Joseph at sa mga Banal sa isang tanyag na pahayagan sa Illinois. Inakusahan niya si Joseph ng maraming krimen, kabilang na ang marami na ginawa niya mismo, at gumawa ng hindi totoo at mapagmalabis na mga kuwento para suportahan ang kanyang mga sinasabi at pagtakpan ang kanyang mga kasalanan.
Sa isang liham, inakusahan ni John si Joseph na ito ang nag-utos noong Mayo na barilin si Lilburn Boggs, na inuulit ang kuwento mula sa pahayagan na ipinropesiya ng propeta ang masakit na pagkamatay ni Boggs at idinagdag na isinugo ni Joseph ang kanyang kaibigan at bodyguard na si Porter Rockwell sa Missouri “para matupad ang propesiya.”28
Nakita ng mga Banal ang maraming kasinungalingan sa mga isinulat ni John, ngunit ang mga liham ay nagpaalab sa apoy na naglalagablab na sa kanilang mga kritiko sa Missouri. Matapos magpagaling mula sa pag-atake sa kanya, hiniling ni Boggs na ang taong muntik nang makapatay sa kanya ay iharap sa hukuman. Nang malaman niya na si Porter Rockwell ay dumadalaw noon sa pamilya nito sa Independence, inakusahan ni Boggs si Joseph na kasabwat sa tangkang pagpatay sa kanya. Pagkatapos ay hinikayat niya si Thomas Reynolds, ang bagong gobernador ng Missouri, na hilingin na arestuhin o dakpin ng mga opisyal sa Illinois si Joseph at pabalikin siya sa Missouri para litisin.29
Pumayag si Gobernador Reynolds, at hiniling naman niya kay Thomas Carlin, na gobernador ng Illinois, na ituring si Joseph na gaya ng isang tumatakas sa katarungan na tumakas sa Missouri matapos ang krimen.30
Nalalaman na hindi nagpunta si Joseph sa Missouri mula nang tumakas sa estado tatlong taon na ang nakalipas, at na walang katibayan ng kanyang pagkakasangkot sa pamamaril, nagalit nang husto ang mga Banal. Ipinetisyon o hiniling kaagad ng Konseho ng Lunsod ng Nauvoo at ng isang grupo ng mga mamamayan sa Illinois, na mababait sa mga Banal, sa gobernador na huwag arestuhin si Joseph.31 Naglakbay sina Emma, Eliza Snow, at Amanda Smith papunta sa Quincy para makipagkita sa gobernador at personal na ihatid ang kahilingan ng Relief Society bilang suporta kay Joseph. Pinakinggan ni Governor Carlin ang kanilang mga pakiusap, ngunit sa huli ay ipinag-utos pa rin niya ang pagdakip kina Joseph at Porter.32
Isang deputy sheriff at dalawang opisyal ang dumating sa Nauvoo noong Agosto 8 at inaresto ang dalawang lalaki, at sinabing si Porter ang bumaril kay Boggs at si Joseph ay kasabwat nito. Gayunman, bago pa sila mailayo ng sheriff, iginiit ng Konseho ng Lunsod ng Nauvoo ang karapatang siyasatin ang warrant o pagpapaaresto. Pinagbintangan na noon si Joseph, at binigyan ng kapangyarihan ng Nauvoo charter ang mga Banal na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga pang-aabuso ng sistema ng hustisya.
Hindi sigurado kung may karapatan ang konseho na kuwestiyunin ang warrant o pagpapaaresto, ipinaubaya ng sheriff sina Joseph at Porter sa city marshal at umalis ng bayan para itanong sa gobernador kung ano ang dapat niyang gawin. Pagbalik niya makalipas ang dalawang araw, hinanap ng sheriff ang kanyang mga bihag, pero hindi sila matagpuan.33