Isang Tungkulin para sa Isang Miyembro
Ako ay bagong miyembro at walang alam sa pagtugtog ng piyano. Ngunit lubos ang pasasalamat ko sa tungkulin ko bilang branch accompanist na nagpabago ng buhay ko.
Di kalaunan matapos akong binyagan sa edad na 10 sa Lappeenranta, Finland, natanggap ko ang una kong tungkulin sa Simbahan. Iyon ay noong 1960, at kailangang-kailangan ng aming maliit na branch ang isang tagakumpas ng mga himno para sa mga sacrament meeting. Inatasan akong gampanan ang tungkuling ito.
Bagama’t palaging hinihimok ni Inay ang kapatid kong lalaki at ako na mag-aral ng musika, hindi ko alam kung paano tumugtog ng piyano, at wala kaming piyano. Ngunit gusto kong magampanan ang aking tungkulin, kaya nagplano kami.
Sa family home evening, pinag-usapan namin ang kahalagahan ng tungkuling ito sa aming lahat. Gayunman, dahil si Inay ay biyuda at may dalawang maliliit na anak, alam naming mahihirapan kami na bumili ng piyano at magbayad para sa mga lesson. Nagpasiya kami na handa kaming gawin ang hinihinging sakrispyo.
Ang unang sakripisyo ng pamilya ko ay pinansiyal. Nagpasiya kami na mula tagsibol hanggang taglagas magbibisikleta kami sa halip na sumakay ng bus. Ang kapatid kong si Martti, ay malakas ang loob at naging mahusay sa pagbibisikleta—kahit may niyebe at nagyeyelo ang daan. Hindi na ako halos bumili ng damit at natuto akong manahi. Natuto rin kaming mamuhay nang masinop. Nagsimula kaming maghalamanan sa nayon malapit sa bahay ng aking lolo’t lola at nagpreserba ng pagkain para sa taglamig. Ang aming “mga bakasyon” ay kapag nagpupunta ang aming ina sa templo sa Switzerland o mga piknik at kamping malapit sa bahay.
Ang pangalawang isinakripisyo ng pamilya ko ay ang paggamit ng oras. Hinati namin ang mga gawain sa bahay at inayos ang iskedyul ng iba pa naming mga aktibidad at homework para may sapat akong oras na magpraktis sa piyano. Dahil sa aming pagsasakripisyo at kasipagan, madalas sabihin ni Inay na wala na kaming libreng oras para masangkot sa gulo tulad ng ibang mga kaedad namin. Katunayan, ang tungkulin ko ay naging tungkulin ng pamilya bago pa man ako nakatugtog ng isang nota.
Nagsimula akong turuan ng isang music teacher sa isang lokal na paaralan. Nagpraktis ako gamit ang isang papel na keyboard at sa piyano sa simbahan. Nang lumipat ang piano teacher ko, binili namin ang piyano niya, at natanggap ako na mag-aral sa isang kilalang piano teacher sa aming lugar.
Natutuhan ko ang mga himno nang mag-isa at nagpraktis nang nagpraktis kasama ang branch music director. Hinimok ako ng lahat—kahit “maling” nota ang natutugtog ko minsan. Nagulat ang guro ko nang malaman niyang tumutugtog ako sa harap ng maraming tao bago ko pa lubusang natutuhan at naisaulo ang mga piyesa. Ngunit ang pagtugtog gamit ang isang kamay ay mas mainam kaysa walang alam sa musika.
Nagbibisikleta ako papunta sa nagtuturo sa akin, at pagsapit ng taglamig, sinikap kong maglakad o mag-ski hangga’t maaari. Tuwing Linggo naglalakad akong mag-isa papunta sa mga miting ng Simbahan para makarating ako nang maaga nang isang oras at makapagpraktis. Sumasakay lang ako ng bus kapag ang temperatura ay umaabot nang mababa sa -15ºC (5ºF). Hindi ko pansin ang ulan at niyebe; mabilis lumipas ang oras sa paglalakad ko dahil napakaraming magagandang himno ang nasasaisip ko. Habang naglalakad, tumatawid ako sa kapatagan kasama ang mga pioneer (tingnan sa “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23), umaakyat sa tuktok ng bundok sa Sion (tingnan sa “Sa Tuktok ng Bundok,” Mga Himno, blg. 4), at naninindigan kasama ng mga kabataan na hindi kailanman panghihinaan ng loob (tingnan sa “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156). Hindi ako kailanman panghihinaan ng loob dahil sa tulong na iyon—bagama’t kami lang ng pamilya ko ang Banal sa mga Huling Araw sa aming komunidad sa silangan ng Finland, malapit sa hangganan ng Russia.
Sa paglipas ng mga taon naging mas mahusay akong tumugtog at nakatutugtog ng musika sa halip na mga tamang nota lamang. Natutuhan kong mapanalanging pumili ng musika upang madama sa miting ang Espiritu. At ang pinakamahalaga, nagkaroon ako ng patotoo sa ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Madali kong naaalala ang damdamin, mga salita, at mensahe sa mga himno kapag nag-aalinlangan ako sa isang bagay. Alam kong totoo ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, na natutuhan ko nang taludtod sa taludtod at sa paisa-isang nota.
Naalala ko ang isang partikular na araw nang subukin ang pangako ko sa mga alituntuning iyon. Ako ay 14 na taong gulang noon; gustung-gusto ko ang paglangoy at pangarap kong makalangoy sa Olympics. Hindi ako nakipagkumpetensya tuwing Linggo, pero humusay pa rin ako. Sa wakas, nang malapit na ang Olympics sa Mexico City, inimbita ako ng isang coach na sumali sa isang espesyal na pagsasanay.
Gayunman ang pagsasanay ay tuwing Linggo ng umaga sa oras ng Sunday School. Nangatwiran ako na makakapagpraktis ako at hindi makadadalo sa Sunday School pero makakabalik naman ako sa simbahan sa oras ng sacrament meeting sa gabi. Nag-ipon ako ng pamasahe sa bus at ipinlano ang lahat. Noong Sabado bago ang unang training, sinabi ko kay Inay ang plano ko.
Nakita ko ang lungkot at pagkabigo sa kanyang mga mata, ngunit sumagot lang siya na ang desisyon ay nasa akin at naturuan ako kung ano ang tama. Nang gabing iyon hindi maalis sa isipan ko ang mga titik sa “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145). Ang mga titik ay paulit-ulit sa aking isipan na parang isang sirang plaka.
Pagsapit ng Linggo ng umaga, bitbit ko ang aking swim bag sa isang kamay at sa kabila naman ang aking music bag, umaasang mapapaniwala ko si Inay na magsisimba ako. Lumabas ako papunta sa hintayan ng bus. Nagkataon namang nasa panig ako ng hintayan ng bus papunta sa swimming hall at ang hintayan ng bus papunta sa chapel ay nasa kabilang panig ng kalsada. Habang naghihintay, nainis ako. Patuloy kong naririnig ang titik ng “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135)—ang himnong kakantahin sa Sunday School sa araw na iyon. Alam ko batay sa naranasan ko na, dahil mahirap ang ritmo nito, kumplikado ang liriko, at matataas ang nota, ay hindi makakanta nang maayos ang himnong ito nang walang saliw.
Habang iniisip ko ang pipiliin ko, sabay na dumating ang dalawang bus. Tumigil ang bus papuntang swimming hall, at ang drayber ng bus papunta sa simbahan ay tumigil at tumingin sa akin, nagtataka dahil alam niyang palagi akong sumasakay sa kanyang bus. Nagkatinginan kami ng ilang sandali. Ano pa ang hinihintay ko? Pinili ko ang Panginoon (tingnan sa “Sinong Panig sa Diyos?” Mga Himno, blg. 162). Nangako ako na tutungo ako saanman Niya ako papuntahin (tingnan sa “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171). Ang desisyon kong sundin ang mga utos ay matagal ko nang ginawa (tingnan sa “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Mga Himno, blg. 191).
Bago pa ako nakapag-isip, kumilos na ako. Tumakbo ako patawid ng kalsada at pinara ang drayber ng bus sa kabila. Nagbayad ako ng pamasahe at nagpunta sa hulihang bahagi ng bus papunta sa simbahan, at tila ang pangarap kong lumangoy ay nagtungo sa kabilang direksyon.
Akala ng lahat ay umiyak ako nang araw na iyon dahil nadama ko ang Espiritu. Ngunit talagang umiyak ako dahil ang pangarap ko noong bata pa ako ay hindi na matutupad at dahil nahihiya ako na naisip kong lumangoy sa araw ng Sabbath. Pero nang Linggong iyon, tulad ng dati, ginampanan ko ang aking tungkulin.
Noong panahong mag-aaral na ako sa kolehiyo, tinuruan ko ang ilang miyembro sa branch na kumumpas at tumugtog ng piyano. Sa kolehiyo nagpatuloy ako sa pagtugtog ng piyano at nag-aral na tumugtog ng organo. Akala ko ang pagkakataon kong pumunta sa Latin America ay tuluyan nang naglaho nang talikuran ko ang pagsali sa paligsahan sa paglangoy, ngunit nang matapos ko ang aking master’s degree sa Brigham Young University, nagmisyon ako sa Colombia. Habang nasa misyon, nagturo ako ng pagtugtog ng piyano. Gusto kong iwanan sa mga Banal na iyon ang kaloob na musika. Ang mga bata at kabataan sa Colombia ay naglalakad nang milya-milya sa mainit na sikat ng araw para matutong tumugtog ng piyano. Sila rin ay nagsimula gamit ang isang kamay hanggang sa marunong na silang tumugtog gamit ang kanilang dalawang kamay. At mas marami silang ginawang pagsasakripisyo kaysa akin sa pagsisikap nilang matuto ng pagtugtog ng piyano.
Mahigit 50 taon na mula nang ako ay mabinyagan. Nakapaglakbay na ako sa malalayong lugar mula sa tahanan ko sa Finland, ngunit saanman ako naroon, palaging kailangang may tumugtog ng mga himno. Ang pandaigdigang wika ng musika ay lumilikha ng pagkakaunawaan at pagmamahalan sa maraming lugar.
Ngayon ang mga kamay ko ay mahina at may arthritis na. Marami nang mahuhusay tumugtog ang humalili sa akin. Madalas malungkot ang aking ina kapag naaalala niya ang mga unang taon ko sa Simbahan at ang pagsasakripisyo ko, ang mga milya-milyang nilakad ko, at mga bagay na naisakripisyo ko. Nag-alala siya na ang lamig ng panahon ay nagpalala sa aking arthritis. Gayunman, masaya ako sa mga pagsasakripisyo ko. Ibinuhos ko ang aking kagalakan at kalungkutan sa musika. Natutuhan kong tumawa at umiyak gamit ang aking mga daliri sa pagtugtog.
Malaki ang nadarama kong pasasalamat kapag naisip ko na ang Ama sa Langit at mga lider ko ay nagmalasakit sa isang batang babae at hiniling na gampanan ang gayon kahirap na tungkulin. Ang tungkuling iyon ang tumulong sa akin na magkaroon ng matibay na pang-unawa sa ebanghelyo at tinulutan ako na matulungan ang iba na madama ang Espiritu sa pamamagitan ng musika. Ako ay buhay na saksi na nangangailangan ng tungkulin ang isang bagong miyembro—maging ang mga batang babae na walang alam sa pagtugtog ng piyano. Sa pamamagitan ng aking unang tungkulin, natuklasan ko na sa Diyos ay walang imposible at na Siya ay may plano at layunin para sa bawat isa sa Kanyang mga anak. At sa pamamagitan ng musika, nagkaroon ako ng matibay na patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.