2012
Seminary sa Kagubatan ng Ecuador
Abril 2012


Seminary sa Kagubatan ng Ecuador

Sa isang liblib na kagubatan, malaki ang ginagawang kaibhan ng seminary sa mga kabataang ito.

Matatagpuan sa silangang bahagi ng Quito, Ecuador, lampas sa mga bulkan at Andes Mountains, mabilis na nababago ang daan patumbok sa kagubatan ng Amazon. Doon ay makikita ninyo ang mapunong kagubatan, napakaraming mga ilog, mga unggoy, ibong tokan, at pati kulay-rosas na dolpin.

Matatagpuan din ninyo ang lungsod na tinatawag na Puerto Francisco de Orellana. Ibang-iba ito sa Ecuador sa maraming bagay. Labinlimang taon na ang nakaraan, kakaunti lang ang tao sa lugar. Ngunit dahil sa pagkatuklas sa petrolyo dumayo dito ang mga taong naghahanap ng trabaho, at ang mga miyembro ng Simbahan.

Seminary sa Maliit na Branch

Ilan sa mga kabataan, tulad ni Oscar R., ay mga miyembro na noon bago pa nabuo ang branch, ngunit karamihan ay mga bagong miyembro pa lang. At sabik silang malaman pa ang tungkol sa Simbahan. “Matatag kami,” sabi ni Oscar.

Noong Setyembre 2010, isang taon matapos itong buuin, pinasimulan sa branch ang seminary program. “Noong nag-uumpisa pa lang kaming magtipon ilang taon na ang nakararaan,” sabi ni Oscar, “kakaunti lang kami. Nag-iisa lang akong tinedyer. Pero tuluy-tuloy ang pagdami namin. Hindi nagtagal naging 6 kami, pagkatapos ay 10, at ngayon mas marami pa kaming kabataan.”

Dahil sa umaga ang pasok sa eskuwelahan ng ilang kabataan at panghapon naman ang iba, bumuo sila ng dalawang klase ng seminary—isang pang-umaga mula alas 8:00 hanggang alas 9:00 at isang panghapon mula alas 4:30 hanggang alas-5:30.

Maaaring kaunti lang ang kabataang dumadalo sa seminary, pero sa mga kabataang dumadalo, nabago ang buhay nila dahil sa seminary.

Bakit Dapat Pumunta?

“Malaking biyaya sa akin ang seminary ,” sabi ni Luis V., bagong miyembro. “Tinutulungan ako nito na maging mabuting misyonero. Marami na akong naranasang pagsubok at tukso mula nang sumapi ako sa Simbahan, pero nanatili pa rin akong matatag dahil alam kong tama ang ginagawa ko.”

At hindi lang si Luis ang nakadama nang ganoon. “Bagong miyembro pa lang ako ng Simbahan,” sabi ni Ariana J., “pero dumadalo na ako sa seminary simula nang mabinyagan ako. Natutuwa akong pumunta kasi marami akong natututuhang katotohanan tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo na pumupuno sa puso ko ng pag-asa at pang-unawa sa aking isipan.”

Ang pagdalo sa seminary ay nagpatatag kay Ariana sa ebanghelyo. “Para sa akin, isang biyaya ang maging bahagi ng mga klaseng ito,” sabi ni Ariana. “Pinalalakas nito ang aking espiritu at tinutulungan akong maghanda para balang-araw ako ay maging mabuting asawa, ina, lider ng Simbahan, at siguro full-time missionary.”

Ganoon din ang nadarama ng kapatid ni Ariana na si Gerardo. “Nagpapasalamat ako dahil naging mahalagang bahagi ng buhay ko ang seminary,”sabi niya. “Inihahanda ako nito para makapagmisyon balang-araw. Natututuhan ko doon ang tungkol sa plano ng kaligtasan na inihanda ng Diyos para sa akin. Sa tuwing dadalo ako sa klase nagkakaroon ako ng pag-asa na maaari kong manahin ang kahariang selestiyal at ng katiyakan na natanggap ko ang ebanghelyo ni Jesucristo.”

Kung minsan talagang pagod na pagod si Gerardo sa klase. Kailangan muna niyang ihatid sa paaralan ang nakababata niyang kapatid at pagkatapos ay mabilis na umuuwi para sunduin naman ang kanyang kapatid na babae para makapunta sila sa seminary. Pero ayos lang sa kanya.

“Lahat ng ito ay bagung-bago sa akin, pero masayang-masaya ako,” sabi ni Gerardo. “Alam ko na nasa tamang landas ako na magbibigay sa akin ng pagkakataong makitang muli ang aking Ama sa Langit. Tiniyak ito sa akin ng Espiritu Santo. Kailangan ko lang magsikap at magpatuloy hanggang wakas.”

Hindi Dapat Kabahan

Para kay Walter A., medyo nakakatakot ang seminary sa umpisa. “Kabado ako noong una akong pumunta,” sabi niya. “Pero nang pumasok na ako sa klase, parang espesyal ako kasi nadama ko ang pagmamahal na nadarama kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan. At kapag umaalis na ako, napapalakas ako dahil sa kaligayahang nadarama ko sa natutuhan ko. Isa sa pinakamalalaking pagpapala ng Ama sa Langit sa mga kabataan ang seminary.”

“Binago ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang buhay ko,” sabi ni Abel A., na naghahanda ring magmisyon. “Natututuhan ko ang tungkol sa mga turo ng mga propeta. Mahal ko si Joseph Smith. Magiting siya sa Pagpapanumbalik ng totoong Simbahan sa kabila ng lahat ng problemang idinulot nito sa kanya. Gusto kong maging magiting na tulad niya.”

Maraming kabataan ang kailangang magsakripisyo para makapunta sa seminary. Hindi ito palaging madali, pero para sa kabataan sa Puerto Francisco de Orellana, Ecuador, sulit na pagsikapan ito.

“Kapag iniisip ko ang pagsulong, tulad ng sinasabi ng mga banal na kasulatan,” paliwanag ni Abel, “Palagay ko ang ibig sabihin nito ay itakda natin ang mga priyoridad natin sa buhay. Isa na rito ang seminary. Tulad ng pagbabagong ginawa nito sa buhay ko, ganoon din ang gagawin nito sa iba pang kabataan.”

Maging sa pinakaliblib na lugar sa isang kagubatan sa Ecuador, ang Simbahan ni Jesucristo at ang programa ng seminary nito para sa kabataan ay nagpapaunlad at nagpapabago ng buhay sa mga pumili nito.

Pinalalakas ng seminary ang mga kabataang tulad ng nasa Ecuador, na karamihan ay mga bagong miyembro pa lang.

Mga larawang kuha ni Joshua J. Perkey