2012
Dapat Sigurong Magdasal Tayo
Abril 2012


Dapat Sigurong Magdasal Tayo

Scott Edgar, Utah, USA

Noong tagsibol ng 1975 kami ng pamilya ko ay nakatira sa maganda at luntiang bukirin sa Rheinland-Pfalz sa West Germany. Isang maulang Linggo habang nagmamaneho pauwi mula sa simbahan, tumigil kami para tingnan ang isang sasakyan na tumagilid sa basang kalsada sa gilid ng isang gubat. Madilim na sa loob ng kagubatan dahil sa nalililiman ito ng mayayabong na puno at papagabi na.

Matapos tingnan ang wasak na sasakyan, bumalik kami sa aming kotse at natuklasan naming nabaon ito sa putik. Hindi ko ito mapaatras, ngunit maisusulong ko ito—papasok sa gubat. Kamakailan lamang ay dumaan kami sa gubat at natuklasan naming maraming daan sa gubat ang magkakakonekta at makalalabas din kami kalaunan, kaya nagpasiya akong dumaan sa madilim na kagubatn.

Kaagad kong naunawaan na mali ang desisyon ko. Ang makitid at basang kalsada ay puno ng malalalim na uka na likha ng dumaang mga sasakyan at lalo kaming napasok sa madilim na gubat. Sinikap kong bilisan ang takbo, sa takot na baka malubog kami kung hihinto kami. Nakakita ako ng mataas na lugar sa unahan na tila makakaya ang bigat ng kotse. Ang plano ko ay maialis sa putikan ang kotse para makapag-isip ako. Umarangkada ang kotse at nakaahon sa putik.

Pinatay ko ang makina at lumabas ako ng kotse. Dahil nakapatay ang mga ilaw sa unahan ng kotse, wala akong makita. Binuksan ko ang mga ilaw sa unahan ng kotse, kinuha ang aming flashlight, at pagkatapos tingnan ang kotse, nagpasiya ako na ang pinakamabuting magagawa ko ay umatras sa gubat at mabilis na lumabas.

Umatras nga ako sa gubat, pinaandar nang bahagya ang makina, nakabalik sa kalsada, at lumubog nang malalim sa putik. Ngayon, talagang problema na ito. Madilim na madilim at tahimik sa labas ng kotse. Sa loob ng kotse ay nakaupo ang aking asawa kasama ang tatlong anak na takot na takot.

Itinanong ko kung may iba pang ideya ang aking asawa. Maya-maya ay sinabi niyang, “Dapat siguro magdasal tayo.” Napanatag kaagad ang mga bata. Mapagpakumbaba akong nanalangin na humihingi ng tulong. Habang nagdarasal ako, malinaw na dumating sa aking isipan: “Ilagay mo ang mga kadena ng gulong.”

Nakatayo sa putik na 10 pulgada (25 cm) ang taas, suot ang kanyang damit pangsimba, hawak ng mabait kong asawa ang flashlight habang nililinis nang walang guwantes kong mga kamay ang mga gulong sa hulihan at inilalagay ang kadena. Taglay ang pananampalataya at pagtitiwala, nagdasal kaming muli at pinaandar ang makina. Dahan-dahan kaming nakaalis sa putik at sa wakas ay nakabalik sa sementadong daan.

Dahil sa katuwaan na nakaahon kami sa putik at nakalabas mula sa kadiliman, halos nalimutan ko kung sino ang tumulong sa amin sa paglabas sa gubat. Ang aming limang taong gulang na anak na babae ang nagpaalala sa akin nang sabihin niyang, “Itay, talaga pong sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin, di po ba?”