2012
Kilala ng Lahat si Bleck
Abril 2012


Kilala ng Lahat si Bleck

Para kay Honoura “Bleck” Bonnet, ang basketball ang lahat-lahat sa kanya. Sa edad na 15, si Bleck ay sikat na manlalaro sa French Polynesia—isa sa pinakamagagaling na manlalaro ng isa sa pinakamahuhusay na team sa top adult division ng bansa. Bagama’t ang kanyang palayaw ay maling baybay ng salitang Ingles na black, hindi matatawaran ang kanyang galing.

Ngunit may gusto pa siyang maabot. Gusto niyang maging propesyonal na manlalaro sa Europa. At higit sa lahat, gusto niyang manalo ng gintong medalya sa South Pacific Games.

Ang tila tanging humahadlang sa kanya ay ang Simbahan.

Isang Lalaking May Misyon

Bagamat ang team na sinalihan ni Bleck sa panahong iyon ay tinangkilik ng Simbahan, hindi gaanong interesado si Bleck sa Simbahan o sa panawagan ng propeta na lahat ng kapat-dapat at may kakayahang binata ay dapat magmisyon.

Sinabi na niya sa kanyang bishop na hindi siya magmimisyon. Hindi niya nakikinita na magiging propesyonal siyang manlalaro kung mawawala siya nang dalawang taon.

At ang isa pa, ang South Pacific Games—na idinaraos tuwing ikaapat na taon—ay mangyayari kapag nasa misyon siya, at interesado ang Tahiti Basketball Federation na kunin siya para maglaro sa national team. Sa wakas ay magkakaroon na si Bleck ng pagkakataong wakasan ang sinasabi ng tatay niya tuwing nagmamalaki si Bleck: “Kilala ng lahat si Bleck, pero wala pa siyang gintong medalya.”

Maayos namang sinasabi ng ama ni Bleck na si Jean-Baptiste ang mga salitang iyon. Pero naiinis si Bleck. Ang mga ito ay paalala na kahit kilala siya ng mga tagahanga ng basketball sa buong Tahiti, wala pa siyang nakuhang medalya sa mga laro. Ang kanyang ama ay nanalo ng gintong medalya sa men’s team noong unang South Pacific Games.

Misyon ni Bleck na patunayan na mali ang mga salitang iyon. Wala siyang oras para sa iba pang misyon.

Isang Pagbabago sa Isipan, Isang Pagbabago sa Puso

Kahit ganoon ang damdamin niya sa pagmimisyon, sumasali pa rin si Bleck sa mga aktibidad ng Simbahan. Sa sayawan sa Simbahan noong siya ay edad 16, nagkalakas-loob si Bleck na isayaw si Myranda Mariteragi. Mahusay ring manlalaro ng basketball si Myranda—nangangarap na manalo ng medalyang ginto. Ang kanya ring ama ay kasali sa orihinal na team na nanalo ng medalyang ginto.

Ilang segundo matapos niyang yayaing magsayaw ang dalaga, natapos ang tugtog. Kaya sumayaw sila sa kasunod na tugtog, na panghuli na pala sa gabing iyon. Nang sandaling iyon ay ayaw pa ni Bleck na matapos ang sayaw.

Hindi plano ni Bleck na makasal sa templo o magpakasal sa isang miyembro. Ngunit nagbago iyon nang mas makilala pa niya si Myranda nang sumunod na dalawang taon. Isang araw sa tahanan ng dalaga, isang bagay na ginawa niya sa Young Women ang napansin ni Bleck. Mababasa rito, “Magpapakasal ako sa templo.”

Ang paghanga ni Bleck kay Myranda at sa matibay na pangako nito na makasal sa templo ay sapat na para pag-isipan niyang muli ang kanyang mga plano. Nagpasiya siyang magseryoso sa Simbahan. Ang kanyang mga desisyon ay humantong sa paggawa na nagtulot sa Espiritu Santo na kumilos sa kanyang buhay.

Ang Desisyon

Ang isa sa mga desisyong iyon ay maghandang tumanggap ng patriarchal blessing sa edad na 18. Nang sabihin ng patriarch sa patriarchal blessing na magmimisyon si Bleck at makakasal sa templo, nadama niya ang Espiritu. “Alam ko na iyon ang nais ipagawa sa akin ng Diyos,” sabi niya.

Bagamat tila may tsansang makakuha ng medalya ang national team, nagpasiya si Bleck, sa suporta ng kanyang pamilya, na uunahin niya ang ipinagagawa ng Diyos sa kanya. Hindi madali ang magdesisyon. Matindi ang pamimilit na maglaro. At kaagad niyang nalaman na ang pasiya niyang sundin ang kalooban ng Diyos ay susubukan nang maraming beses.

Pagkatapos niyang magmisyon sa Tahiti nang isang taon, nakiusap ang basketball federation na kung puwede siyang bumalik sa team kahit isang buwan lang para makasali sa laro.

Ang mission president ni Bleck, na nag-alala sa ibubunga ng karanasang iyon sa kakayahan ni Bleck na bumalik at maglingkod, ay nabigyang-inspirasyon na sabihin sa kanyang, “Makakaalis ka kung gusto mo, pero hindi ka na makababalik.”

Gusto ni Bleck ang medalyang iyon, pero hindi na ito ang pinakahahangad niya. Napakaganda ng kanyang misyon. Hindi niya gustong isuko ang kanyang huling taon, kahit sa basketball.

Nanatili sa misyon si Bleck.

Napanalunan ng team ang gintong medalya.

Iba-ibang Sitwasyon, Iisang Desisyon

Matapos marangal na makapagmisyon si Bleck, pinakasalan niya si Myranda sa Papeete Tahiti Temple, at nagkaroon sila ng pamilya. Nagbalik din siya sa paglalaro para sa national team.

Si Myranda ay point guard sa women’s national team at naghahanda para sa South Pacific Games.

Gayunman, nang malapit na ang laro, nadama ng mag-asawa na dapat silang magkaroon ng pangalawang anak.

Sa nalalapit na laro na wala nang isang taon, madali sanang ipagpaliban ang pag-aanak para makapaglaro si Myranda. Malaki ang tsansa ng women’s team na manalo ng medalya.

Ngunit natutuhan ng mag-asawa mula sa kanilang karanasan na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nagdudulot ng mas malalaking pagpapala kaysa anupamang bagay na inaasahan nila sa pagsunod sa sarili nilang kagustuhan. Matapos pag-isipang mabuti at magdasal nang taimtim, nagpasiya silang unahin ang kanilang pamilya.

Noong 1999, nang si Myranda ay walong buwang buntis, nanalo ng medalyang ginto ang women’s team.

Kilala ng Lahat si Bleck

Sina Bleck at Myranda ay mahusay na nakapaglaro ng basketball sa French Polynesia sa nakalipas na dekada—nanalo sa national league championships at tournament cups at naglaro para sa national team sa mga laro noong 2003 at 2007.

Sa mga laro noong 2011, pareho silang sumali, bagamat sa pagkakataong ito si Bleck na ang coach ng men’s team. Bagama’t nanalo ng gintong medalya si Myranda at ang women’s team, nanalo lang ng bronze ang men’s team, muli hindi nakamtan ni Bleck ang pangarap na gintong medalya.

Minsan naiisip ni Bleck kung ano kaya ang magiging buhay niya kung ginawa niya ang gusto niya sa halip na kagustuhan ng Diyos.

“Malamang nanalo ako ng gintong medalya,” sabi niya. “Baka propesyonal na akong manlalaro, baka hindi rin.”

Ngunit hindi pinagsisisihan ng mag-asawa ang ginawa nilang desisyon. Hindi sila sigurado kung paano sila magiging mas masaya.

“Ikinasal ako sa templo,” sabi ni Bleck. “Mayroon akong mabait na asawa, apat na magagandang anak, at narito pa rin ako sa Simbahan. Hindi maibibigay sa akin ng basketball ang alin man sa mga ito. Iyon ang mga pagpapalang dumating dahil inuna ko ang Panginoon.”

Ang pag-una sa Panginoon ay hindi nagpatunay na mali ang biro ng kanyang ama, ngunit nagbigay ito ng bagong kahulugan sa mga salitang iyon. Ilang taon na ang nakararaan nang iplano ng pederasyon na mag-iskedyul ng laro tuwing Linggo, nagkita ang mga club president para pag-usapan ito. May isang nagtanong, “Tinanong ba ninyo si Bleck?”

Hindi sinang-ayunan ang plano.

Dahil inuna ni Bleck ang Panginoon, hindi lamang kilala ng lahat si Bleck—alam nila ang kanyang pinaniniwalaan.

Sina Honoura “Bleck” at Myranda Bonnet ay matagal nang manlalaro ng basketball sa Tahiti.

Para kina Bleck at Myranda, mas priyoridad nila ang tagumpay ng kanilang pamilya kaysa pagtatagumpay sa kanilang isport.

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson, maliban kung iba ang nakasaad

Larawan ng basketball na kuha ni Tamara Ratieta © IRI