2012
Itinampok sa Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno ang Landas Tungo sa Totoong Pag-unlad
Abril 2012


Itinampok sa Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno ang Landas Tungo sa Totoong Pag-unlad

Ipinaliwanag ng mga lider ng Simbahan ang kahalagahan ng “totoong pag-unlad” at kung paano ito matatamo sa Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno noong Pebrero 11, 2012.

Nakibahagi si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, ang Panguluhan ng Pitumpu, at mga auxiliary presidency ng Simbahan sa pagtuturo sa mga lider ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Sa Simbahan, ang salitang pag-unlad ay maaaring mangahulugang ‘mga bagong miyembro.’ … Gayunpaman ang kahulugan ng totoong pag-unlad, ay ‘pag-unlad sa bilang ng mga aktibong miyembro,’” paliwanag ni Pangulong Uchtdorf.

Idinagdag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Nagkakaroon ng pag-unlad kapag ang personal at habambuhay na pagbabalik-loob sa ebanghelyo ay nagbunga ng ibayong katapatan sa bawat tao at pamilya.”

Ang ibayong katapatang iyan ay kinapapalooban ng mga bagay na hindi madaling masukat, tulad ng araw-araw na pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, family home evening, pagmamahalan sa tahanan, at mga personal na karanasan sa Pagbabayad-sala, sabi ni Pangulong Uchtdorf.

“Kadalasan, ginugulo natin ang kagandahan at kasimplehan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa walang katapusang pag-aalala sa mga kaliit-liitang bagay,” sabi niya. “Gayunpaman, kapag nagtuon tayo sa ‘layunin’ ng ebanghelyo, napapawi ang pagkalito.”

Halos nakatuon ang brodkast sa mga pangunahing doktrina at alituntunin, na sumasagot sa mga tanong na “bakit.”

“Ang angkop na mga tanong na ‘bakit’ ay aakay sa atin sa tamang desisyon sa kung ‘sino,’ ‘ano,’ ‘kailan,’ ‘saan,’ ‘bakit,’ at ‘paano’ natin ito gagawin,” sabi ni Pangulong Uchtdorf.

Pag-aasawa at Pamilya sa Plano ng Kaligtasan

“Ang Simbahan ay binubuo ng mga pamilya,” sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Nariyan ang mga ward at stake na sumusuporta sa mga pamilya. Kapag pamilya ang pinag-uusapan natin, nakikita natin ang totoong pag-unlad sa Simbahan.”

Sinabi niya na dapat maytaglay na priesthood ang bawat asawa at ama sa kanyang tahanan, namumuno sa kanyang pamilya sa kabutihan. Gayundin, sinabi niya na dapat karapat-dapat na mamuno ang mga lider ng priesthood—sa iba’t ibang katungkulan sa priesthood, bawat karapat-dapat na mayhawak ng priesthood ay may gayunding kapangyarihan ng priesthood (tingnan sa D at T 1:20).

Binigyang-diin ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat may pagmamahalan, pagsisisi, at panalangin ang mga mag-asawa, ama at ina upang matagumpay na mapalakas at mapangalagaan ang pamilya, na “sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 129).

“Ibinigay nang tatlong beses sa banal na kasulatan ang babala na lubusang mawawasak ang buong mundo sa pagbabalik ng Panginoon kung hindi natin nasusunod ang ilang mga iniuutos,” sabi niya. “Sa bawat pagkakataon ang babalang iyon ay may kinalaman sa kalagayan ng pamilya na walang ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Kung wala ang mga ordenansang ito ng kadakilaan, hindi maisasakatuparan ang kaluwalhatian ng Diyos.”

Upang makamtan ang pinakamithiing iyan—buhay na walang hanggan at kadakilaan para sa lahat ng anak ng Diyos—kailangang magkaroon ng totoong pag-unlad sa ating mga tahanan, sa mga ward at branch, at sa buong Simbahan.

Ipamuhay ang Ebanghelyo

Ang totoong pag-unlad at pagbabago ay nagmumula sa araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo. Sa talakayan ng mga tanong at sagot, ipinaliwanag nina Elder L. Tom Perry at Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang tunay na pamumuhay ng ebanghelyo ay ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo. Ang pagsunod sa mga tipan, sabi ni Elder Christofferson, ay makapagpapabago sa likas na tao na magiging Banal sa paglipas ng panahon.

Ang pagtulong sa kapwa ay isa pang mahalagang bahagi ng pamumuhay sa ebanghelyo. Responsibilidad ng bawat miyembro at ng buong Simbahan na tulungan ang mga taong may temporal at espirituwal na pangangailangan, sabi ng mga lider.

Hindi tayo dapat mag-alangan na makipagtulungan sa ibang relihiyon at mga organisasyong naglilingkod para pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan, sabi ni Elder Christofferson. Dapat manguna ang mga lider ng priesthood sa gawaing ito, ngunit dapat ding tumulong ang mga miyembro at misyonero sa tungkuling iyan.

Binigyang-diin sa isang pangkatang talakayan ang pagtutuon sa paglilingkod sa mga pamilya, pagpapalakas sa mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, at pagtulong na magkaroon ng pananampalataya at patotoo ang mga kabataan. Nakibahagi sina Elder Ballard at Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, kasama sina Elder Ronald A. Rasband ng Panguluhan ng Pitumpu; Elaine S. Dalton, Young Women general president; at Rosemary M. Wixom, Primary general president.

Sinabi ni Elder Rasband na dapat kabahagi ang bawat lider sa lubusang pagpapaaktibo ng mga miyembro, at binigyang-diin ni Elder Andersen na kailangan lalong makabahagi ang mga kabataan sa pagpapaaktibo at pagpapalakas ng iba pang mga kabataan.

Pagkakaroon ng Totoong Pag-unlad

Ang totoong pag-unlad ay nangyayari kapag ipinamuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa araw-araw, pagbibigay-diin ni Pangulong Uchtdorf.

“Kapag pinag-isipan ninyo ang mga paksang ito, tanungin ang inyong sarili kung bakit kayo naglilingkod at ano ang gagawin ninyo sa inyong mga responsibilidad bilang indibiduwal at bilang mga council,” sabi niya.

Matuto Pa

Maaaring panoorin, pakinggan, i-print, at i-download ang materyal mula sa brodkast sa maraming wika sa pamamagitan ng pagpunta sa lds.org/study/other-addresses at pagklik sa Worldwide Leadership Training.

Si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nagsalita sa panel discussion na ginanap bilang bahagi ng Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno noong Pebrero 2012.

© IRI