2012
Ang mga Pagpapala ng Seminary
Abril 2012


Ang mga Pagpapala ng Seminary

Sa iba’t ibang panig ng mundo, mas inilalapit ng seminary ang mga kabataang katulad ninyo kay Jesucristo.

Hindi kayo nag-iisa sa pasiya ninyong dumalo sa seminary. Sa iba’t ibang panig ng mundo, libu-libong kabataan ang ginagawang bahagi ng kanilang buhay ang seminary, dumarating sa kanilang mga silid-aralan sakay ng bus, bangka, bisikleta, at marami pang iba. Ang ilang kabataan ay gumigising nang maaga at nagbibiyahe nang malayo para makarating sa oras, ang iba naman ay nagbibiyahe sa gabi, at ang iba pa ay nag-aaral sa bahay nang ilang araw sa loob ng isang linggo.

Ang pagpunta sa seminary ay nangangailangan ng sakripisyo, ngunit nalaman ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo na sulit ang bawat pagsisikap sa pagdalo sa seminary. At may isang bagay na karaniwan sa mga dumadalo: dahil sa pag-aaral sa seminary, napapalapit sila sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit.

Pagtanggap ng mga Ipinangakong Pagpapala

Bakit napakahalaga ng seminary sa inyo? Kabilang sa ilang mga kadahilanang ito ang mga pangakong ito ng mga propeta at apostol sa mga huling araw:

  • Ito ay “naging isang pagpapala mula sa Diyos para sa kaligtasan ng makabagong Israel sa napakahirap na panahong ito.”1

  • Ito “ang maghahanda sa inyo upang maihayag ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga taong makikilala ninyo.”2

  • Tumutulong ito sa inyo upang “magkaroon kayo ng mahalagang pag-unawa sa katotohanan.”3

  • Ang Seminary “ay nagbibigay ng magagandang pagkakataon na matutuhan ang mga doktrina na magpapasaya sa inyo. Nagbibigay ito ng magagandang pagkakataon para makahalubilo ninyo ang mga taong katulad ninyo ang relihiyon.”4

  • “Ang kaalaman ninyo sa ebanghelyo ay madaragdagan. Lalakas ang inyong pananampalataya. Magkakaroon kayo ng mabuting samahan at pagkakaibigan.”5

  • “Nagbubunga ito ng … pag-unlad sa espirituwal, kalakasang moral na daigin ang kasamaan na nasa paligid ninyo, gayon din ng ibayong pag-unawa sa ebanghelyo.”6

  • Ito ang “isa sa pinakamagagandang paghahanda para sa misyon.”7

Paghahanap ng Paraan na Makadalo

Ang pagpunta sa seminary ay kadalasang nangangahulugan ng pagsasakripisyo ng isang bagay na gusto ninyong gawin nang sa gayon ay magkaroon kayo ng oras na makadalo. Ngunit sulit ang pagsasakripisyong ito. Pinili ni Elijah Bugayong ng Pilipinas na gawin ang gayong desisyon sa huling taon niya sa high school. Sa buong pag-aaral niya sa high school, lagi siyang pangalawa sa klase. Determinado siyang manguna sa klase sa kanyang senior year at inisip pang huwag mag-enrol sa seminary, na dinaluhan niya noong mga nagdaang taon, para makamtan ang kanyang mithiin.

At nagbago ang kanyang isip isang araw. “[Tiningnan] ko ang aking mesang gamit sa pag-aaral,” sabi niya. “Nakita ko ang salansan ng mga aklat na malapit rito, ang mga banal na kasulatan ko kasama ang notebook at manwal ko sa seminary. Itinanong ko sa kaibuturan ng puso ko, ‘Ano ba ang pinakamahalaga?’”

Nakita ni Elijah ang sagot sa Mateo 6:33: “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Nagpasiya siyang palaging dumalo sa seminary at maghanap ng paraan na mabalanse ang kanyang oras para mapagbuti ang kanyang pag-aaral sa paaralan. Sa pagtatapos ng taon, siya ang naging valedictorian at nanalo pa siya ng scholarship sa kolehiyo.

Nagpasiya si Spencer Douglas ng Alabama, USA, na isakripisyo ang ilang aktibidad para mas marami pa siyang matutuhan sa seminary. Sa kanyang unang dalawang taon sa seminary, gumigising siya nang alas-4:00 n.u. para dumalo, at sa huling dalawang taon gumigising siya nang alas-5:00 n. u. Sabi niya, “Hindi na ako nakakasama sa mga kaibigan ko sa maraming aktibidad sa gabi dahil kailangan kong matulog nang maaga. Kung hindi, hindi ako lubos na makalalahok at matututo kinabukasan.” Para kay Spencer, hindi lamang ito basta pagpunta sa klase, ito ay pakikinig at paghahanda rin na matuto.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. Ang magagandang bagay na magagawa natin ay higit na marami kaysa libreng oras natin para magawa ang mga ito. May ilang bagay na mas maganda kaysa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay.”8 Mahalagang payo iyan na dapat tandaan sa pagpapasiya ninyo kung paano uunahin ang seminary sa inyong iskedyul.

Paghahanda para sa Misyon

Ang Seminary rin ay nagsisilbing magandang paghahanda sa gawaing misyonero na gagawin ninyo—bilang miyembrong misyonero ngayon at kung maglilingkod din kayo bilang full-time missionary balang-araw. Alam ni Franco Huamán Curinuqui ng Peru na ang pag-aaral niya ng mga banal na kasulatan sa seminary ay tumutulong sa kanya na maghanda sa kanyang pagmimisyon.

Sinabi niyang ang paghahandang ito ay sulit sa paggising niya nang alas-4:00 n.u. para mag-seminary, pagsakay sa bangka nang bahain nang ilang buwan ang lugar, at paglakad sa putikan para makapunta sa klase. Sabi niya, “Gusto kong matapos ang seminary at magsimula sa mga klase sa institute para maging handa ako sa misyon. Patuloy akong uunlad sa Simbahan.” Mahalaga sa kanya ang seminary dahil natututuhan niya ang tungkol sa mga banal na kasulatan at nasasaulo ang mahahalagang talata, na tutulong sa kanya na maging mas mahusay na misyonero.

Pinagpala sa Lahat ng Aspeto ng Buhay

Kapag sinisikap ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo na dumalo sa seminary, tumatanggap sila ng lakas na higit pa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Natanto ni Cameron Lisney ng England na mapalad siya sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. “Hindi lamang sa espirituwalidad ko nakatulong ang seminary, kundi pati na rin sa paaralan at pag-aaral ko,” sabi ni Cameron.

Sinabi niya na “ang pag-aaral sa umaga ay nagpapaliksi ng isipan. Sinabi ng ilan kong kaibigan na abala sila at hindi makadadalo—eh, hindi naman ito pag-aaral ng math nang alas-6:00 n.u., di ba?” Kapag nag-aral kayo, “tutulungan kayo ng Panginoon sa inyong mga exam, at kung pumupunta kayo sa seminary, lalo pa Niya kayong tutulungan,” sabi ni Cameron.

Siyempre, nakatulong din ang seminary na mapalakas ang patotoo ni Cameron. Sabi niya, “Nagkaroon ako ng patotoo dahil sa seminary program. Sa edad na 14, hindi ko talaga gaanong nauunawaan ang ebanghelyo. Hindi ako masaya sa simbahan, at nakagawa ako ng mga bagay na hindi ko dapat ginawa. Mga ilang buwan na lamang at talagang tuluyan na sana akong susuko.” Ngunit nang isang kaibigan ang nag-imbita kay Cameron na pumunta sa seminary, nagpasiya siyang sumama sa kanya. Pagkatapos ay talagang nagdatingan ang mga pagpapala.

“Muli kong nadama ang Espiritu,” sabi ni Cameron. “Sinimulan kong mas pagtuunan ang simbahan at dumalo sa Sunday School at mga aralin sa priesthood. Naging mas madali ang mga bagay-bagay, at nagsimula akong maging mas masaya. Sa huli ay nagkaroon ako ng patotoo tungkol sa ebanghelyo para sa aking sarili.” Matapos ang dalawang buwan sa seminary, kinausap si Cameron ng kanyang bishop at naorden siyang teacher sa Aaronic Priesthood.

Alam ni Cameron na nakatulong sa kanya ang seminary na mapaglabanan ang mga tukso ng mundo. “Sa patuloy na pag-aaral sa seminary,” sabi niya, “natanto ko na mas madaling harapin ang mga hamon na dulot ng mundo. Napakahirap maging tinedyer sa mundong ginagalawan natin—napaliligiran tayo ng kasalanan. Ako ay nagpapatotoo sa inyo na kung kayo ay dadalo sa seminary, mapapasainyo ang lakas na ipagsanggalang ang inyong sarili laban sa kasalanan. Lumilikha ang seminary ng isang espirituwal na pananggalang na poprotekta sa inyo. Maraming iba-ibang pagsubok at tukso ang dumating sa buhay ko, at malaki ang naitulong ng seminary para manatili ako sa makipot at makitid na landas.” 

Pinalalakas ang Isa’t Isa

Tinutulutan din kayo ng seminary na makahalubilo ang iba pang mga kabataan na katulad ninyo ang paniniwala. Sinabi ni Vika Chelyshkova ng Russia, “Napapasigla ako ng mga taong kapareho ko ang pananaw at may mga pamantayan ng kagandahang-asal at naniniwala sa Diyos na tulad ko.” Sabi pa niya, “Kung may mga tanong ako, masasabi ko ang mga ito sa aking guro sa seminary at sa iba pang mga estudyante. Maibabahagi ko ang aking iniisip at patotoo sa iba para mapalakas ang aking pananampalataya at ang pananampalataya ng iba. Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan nang magkakasama at pagninilay sa espirituwal na nilalaman nito, mas napapalapit kami sa Diyos at sa isa’t isa.”

Ganito rin ang mga resultang nakita ni Ksenia Goncharova ng Ukraine. Sabi niya, “Kapag ibinabahagi namin sa isa’t isa ang mga natutuhan namin, nagiging mas malakas kami at mas nauunawaan namin ang mga banal na kasulatan. Kapag pinag-uusapan namin ang mga halimbawa sa aming buhay sa oras ng aralin, nakikita ko ang impluwensya ng ebanghelyo sa aking buhay at sa buhay ng iba.”

Makikilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Isang grupo ng mga kabataan ang tinanong kamakailan kung paano sila pinagpala ng seminary. Ang mga sagot nila ay nagpapakita ng isang pangunahing tema—na nakatulong sa kanila ang seminary na mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Lahat ng paksang pinag-aaralan ninyo sa seminary ay mahalaga. Sa bawat taon na nagtutuon kayo sa isa sa mga banal na kasulatan, ang pangunahing pinagtutuunan ay ang Panginoong Jesucristo.”9

Narito ang sinabi ng ilang kabataan kung paano sila inilapit ng seminary kay Jesucristo.

  • “Nalaman ko ang ginawa ng Tagapagligtas para sa akin, sa pagbabasa ng lahat ng salaysay na ito mula sa maraming propeta at pagkaunawang napakahalaga ko sa Kanya. Natanto ko na mahal Niya ako kaya Siya namatay at nagdusa para sa aking kasalanan.”

  • “Napakagandang simulan ang aking araw sa seminary. Gaano man ako kapagod, nadarama ko ang Espiritu at napalalakas ako kaya nga kapag nahihirapan ako sa araw na iyon, alam ko nang walang pag-aalinlangan na mahal ako ng Tagapagligtas, at mas may tiwala akong panindigan ang tama.”

  • “Ako ay convert sa Simbahan. Nagsimula akong dumalo sa seminary bago pa man ako binyagan. Kung walang seminary, hindi ko alam kung mabibinyagan pa ako. Kung walang seminary, wala sa buhay ko ngayon ang Tagapagligtas o hindi ko nalaman na mapapatawad ako sa aking mga kasalanan. Wala talaga noon sa buhay ko ang Ama sa Langit o si Jesucristo. Tinulungan ako ng seminary na makilala Sila at gawin Silang bahagi magpakailanman ng aking buhay at ng buhay ng mga magiging anak ko.”

  • “Ang pagpunta sa seminary araw-araw ay nakatulong sa akin na mapalapit sa aking Panginoon at Tagapagligats na si Jesucristo, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo, Kanyang dakilang pagmamahal sa akin, at kung paano ako makababalik sa Kanyang piling.”

  • “Kapag nasa seminary ako, nalalaman ko ang mas malalim na kahulugan ng mga banal na kasulatan. Nakatutulong ito na maalala ko tuwing umaga na maging katulad ni Cristo sa mga ginagawa ko sa araw-araw.

  • “Seminary ang nagturo sa akin kung paano basahin ang aking mga banal na kasulatan at hindi lamang para matutuhan ito kundi isabuhay ito. Natutuhan ko ang mga doktrina at alituntunin na nakatulong sa akin upang lumakas ang aking patotoo tungkol sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at kay Jesucristo, na pahahalagahan ko habang buhay.”

Dahil sa napakaraming pagpapala na dumarating sa pagdalo sa seminary, madaling maunawaan kung bakit inuuna ito ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, Teach the Scriptures (mensahe sa Church Educational System educators, Okt. 14, 1977), 3.

  2. L. Tom Perry, “Pagtataas ng mga Pamantayan,” Liahona, Nob. 2007, 48.

  3. Richard G. Scott, “Alamin ang Inyong Buong Kakayahan,” Liahona, Nob. 2003, 42.

  4. Gordon B. Hinckley, “Stand True and Faithful,” Ensign, Mayo 1996, 93.

  5. Gordon B. Hinckley, “The Miracle Made Possible by Faith,” Ensign, Mayo 1984, 47.

  6. Gordon B. Hinckley, “The State of the Church,” Ensign, Mayo 1991, 52.

  7. Ezra Taft Benson, “Our Responsibility to Share the Gospel,” Ensign, Mayo 1985, 7.

  8. Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104.

  9. David A. Bednar, “Conclusion and Testimony,” Welcome to Seminary 2010–2011, seminary.lds.org/welcome.

Paglalarawan sa kagandahang-loob ng CES; paglalarawan ni Scott Greer

Paglalarawan ni Christina Smith

Kanan: larawan ng Provo, Utah, mga nagtapos sa seminary sa kagandahang-loob ng LDS Church Archives