2012
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Abril 2012


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang dalawang halimbawa.

“Ang mga Pagpapala ng Seminary,” pahina 20: Pag-aralan muna ang artikulo at magpasiya kung paano pinakamainam na maiaangkop ang mensahe sa inyong pamilya. Kung may mga tinedyer kayo na dumadalo sa seminary, magsimula sa pagtatanong kung bakit mahalaga sa kanila ang seminary. Pagkatapos ay basahin ang bahaging “Pagtanggap ng Ipinangakong mga Pagpapala.” Hikayatin ang inyong maliliit na anak na maghanda upang makadalo sa seminary kapag nasa edad na sila. Kung wala kayong anak na nasa edad na para dumalo sa seminary, maaari ninyong basahin ang artikulo at talakayin ang kahalagahan ng seminary sa mga kabataan ngayon.

“Kilala ng Lahat si Bleck,” pahina 42: Isiping kantahin ang “Gawin ang Tama” (Mga Himno, blg. 144) bilang pambungad na himno. Basahin o ibuod ang kuwento tungkol kay Bleck. Hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng karanasan tungkol sa paggawa nila ng mahirap na desisyon at ano ang ibinunga ng desisyon nila. Magtapos sa pagbabasa ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson.

Simple, Payapa, at Hindi Malilimutan

Ito ay isang hindi malilimutang family home evening kasama ang aming dalawang maliit na anak na babae, sina Angélique, edad 6, at Béthanie, edad 4. Kaming mag-asawa ay napaupo, pagod at hindi alam kung saan magsisimula. Kaya ang aming mga anak na ang nanguna at iniikot ang family home evening assignment wheel, at binigyan ng gawain ang bawat isa sa amin. Ang asawa ko ang mangangasiwa, si Béthanie sa musika, ako sa mga aktibidad at si Angélique ang magbibigay ng lesson.

Pinili ni Béthanie ang “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99), at magkakasama namin itong kinanta. Si Papa ang nagbigay ng pambungad na panalangin. Pagkatapos ay kinuha ni Angélique ang pinakahuling isyu ng Liahona at pumili ng artikulo sa bahaging pambata. Natuto siyang magbasa sa paaralan, kaya’t binasa niya sa amin ang artikulo. Nakadama kami ng kapayapaan sa aming tahanan. Nagpatotoo ang Espiritu na ang binabasa niya ay totoo.

Magkakasama kaming naglaro, at ako ang nagbigay ng pangwakas na panalangin. Habang nagdarasal ako, labis ang pasasalamat ko sa ating Ama sa Langit sa Kanyang Espiritu at pagmamahal at sa pagkakaloob din Niya sa aming tahanan ng mga anak. Alam naming mag-asawa na responsibilidad naming pangalagaan sila at ituro sa kanila ang ebanghelyo. Ang pagdaraos ng family home evening ay bahagi ng sagradong responsibilidad na iyon.

Sylvie Poussin, Réunion