2012
Kinalag Niya ang mga Gapos ng Kamatayan
Abril 2012


Kinalag Niya ang mga Gapos ng Kamatayan

Elder Patrick Kearon

“Sila ay may buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo, na siyang kumalag sa mga gapos ng kamatayan” (Mosias 15:23).

Isang gabi noong bata pa ang aming mga anak, nag-aral kami ng banal na kasulatan. Binasa namin ang tungkol sa Tagapagligtas at pinag-usapan kung paano Niya nagawang huwag magkasala.

Nang gabing iyon, pinatulog na ng aking asawa ang tatlong-taong gulang naming anak na si Susie. Tiningnan ni Susie ang kanyang ina at sinabing, “Inay, may nagawa pong kasalanan si Jesus.”

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ng kanyang ina.

“May kinalag po Siya,” sabi ni Susie.

Medyo nalilitong nagtanong ang kanyang ina, “Ano ang kinalag Niya?”

“Kinalag po ni Jesus ang mga gapos ng kamatayan,” ang sagot ni Susie.

Naalala ng aking asawa na kinanta nila ni Susie ang awitin sa Primary na “Nang Minsan ay Tagsibol” nang maraming beses, at natutuhan ni Susie ang mga salitang “Nang minsan ay tagsibol, Cristo’y nagbangon, libinga’y nilisan dinaig ang kamatayan.”1 Ipinaliwanag ng ina ni Susie na ang ibig sabihin ng pagkalag o pagdaig sa mga gapos ng kamatayan ay ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesus upang lahat tayo ay mabuhay na muli pagkatapos nating mamatay.

Ang pag-uusap na iyon ay nagbigay sa aking asawa ng maraming pagkakataon upang maturuan ang aming mga anak na sina Lizzie, Susie, at Emma, tungkol sa tunay na kahulugan ng Pagbabayad-sala para sa bawat isa sa atin. Tama si Susie: Kinalag nga ni Jesus ang mga gapos ng kamatayan. Pero hindi iyon pagkakamali. Ito ang pinakadakilang kaloob na maibibigay Niya sa atin! (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7.)

Namatay ang Tagapagligtas at nabuhay na muli upang makasama nating muli ang ating Ama sa Langit at ang ating pamilya batay sa ating kabutihan. Kung karapat-dapat tayo, pagkakalooban tayo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan balang-araw. Nagpapasalamat ako na may kinalag si Jesus—ang mga gapos ng kamatayan!

Tala

  1. “Nang Minsan ay Tagsibol,” Children’s Songbook, 57.

Kanan: paglalarawan ni Dilleen Marsh