2012
‘Siya’y Nagbangon’—Patotoo ng Isang Propeta
Abril 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

“Siya’y Nagbangon”

Patotoo ng Isang Propeta

Pangulong Thomas S. Monson

“Ang panawagan ng pagkilos ng lahat ng mga Kristiyano,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, ay na nagbangon mula sa mga patay si Jesus ng Nazaret. “Ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa lahat ng kapayapaang di masayod ng pag-iisip” (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7).1

Sa kasunod na mga halaw, ibinahagi ni Pangulong Monson ang kanyang patotoo at pasasalamat sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ipinahayag na dahil nadaig ng Anak ang kamatayan, lahat ng anak ng Ama na pumaparito sa mundo ay mabubuhay muli.

Buhay Pagkatapos ng Buhay na Ito

“Naniniwala akong hindi maiisip ng sinuman ang buong kahalagahan ng ginawa ni Cristo para sa atin sa Getsemani, ngunit nagpapasalamat ako araw-araw sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin.

“Sa huling sandali, maaari pa sana Siyang umatras. Ngunit hindi Niya ginawa. Nagpailalim Siya sa lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Sa gayong paraan, binigyan Niya tayo ng buhay nang lampas sa buhay na ito. Sinagip Niya tayo mula sa Pagkahulog ni Adan.

“Sa kaibuturan ng aking kaluluwa, nagpapasalamat ako sa Kanya. Itinuro Niya sa atin kung paano mabuhay. Itinuro Niya sa atin kung paano mamatay. Tiniyak Niya ang ating kaligtasan.”2

Pagpawi ng Kadiliman ng Kamatayan

“Sa ilang mga sitwasyon, tulad halimbawa ng matinding paghihirap at karamdaman, ang kamatayan ay dumarating bilang anghel ng awa. Ngunit kadalasan, iniisip nating kaaway ito ng kaligayahan ng tao.

“Ang kadiliman ng kamatayan ay laging napapawi sa liwanag ng inihayag na katotohanan. ‘Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan,’ wika ng Panginoon. ‘Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya: At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman.’

“Ang muling pagtiyak na ito—oo, na banal na pagpapatibay—tungkol sa kabilang-buhay ay nagdudulot ng kapayapaan na ipinangako ng Tagapagligtas nang tiyakin Niya sa Kanyang mga disipulo: ‘Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.’”3

Siya’y Wala Rito

“Muling nabuhay ang ating [Tagapagligtas]. Ang pinakamaluwalhati, nakakaaliw, at nakapapanatag sa lahat ng nangyari sa kasaysayan ng tao ay naganap—ang tagumpay laban sa kamatayan. Ang sakit at pagdurusa sa Getsemani at Kalbaryo ay napalis. Ang kaligtasan ng sanlibutan ay natiyak. Nabawi si Adan sa Pagkahulog.

“Libingang walang laman sa unang umagang iyon ng Paskua ang tugon sa tanong ni Job, ‘Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?’ Sa lahat ng nakaririnig sa akin, ipinahahayag ko, Kung ang isang tao ay mamatay, siya ay muling mabubuhay. Alam natin, sapagkat nasa atin ang liwanag ng inihayag na katotohanan. …

“Mahal kong mga kapatid, sa oras ng ating pinakamatinding pighati, makatatanggap tayo ng malaking kapayapaan mula sa mga salita ng anghel sa unang umagang iyon ng Paskua: ‘Siya’y wala rito, sapagka’t siya’y nagbangon.’”4

Lahat ay Muling Mabubuhay

“Tayo ay tumatawa, umiiyak, nagtatrabaho, naglalaro, nagmamahal, nabubuhay. Pagkatapos tayo ay mamamatay. …

“At mananatili tayong patay kung hindi dahil sa isang Tao at sa Kanyang misyon, maging si Jesus ng Nazaret. …

“Buong puso at sigla ng aking kaluluwa na itinataas ko ang aking tinig sa pagpapatotoo bilang natatanging saksi at ipinahahayag na talagang buhay ang Diyos. Si Jesus ay Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya yaong namatay sa krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Siya ang naging unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil Siya ay namatay, lahat ay muling mabubuhay.”5

Isang Personal na Patotoo

“Ipinahahayag ko ang sarili kong patotoo na nagapi ang kamatayan, napagtagumpayan ang libingan. Nawa’y ang mga salitang ginawa Niyang sagrado na nagsakatuparan nito ay tunay na maging kaalaman sa lahat. Tandaan ang mga ito. Pagyamanin ang mga ito. Igalang ang mga ito. Siya’y nagbangon.6

Mga Tala

  1. “Siya’y Nagbangon,” Liahona, Abr. 2003, 7.

  2. “Sa Paghihiwa-hiwalay,” Liahona, Mayo 2011, 114.

  3. “Panahon Na,” Liahona, Ene. 2002, 68; tingnan din sa Juan 11:25–26; 14:27.

  4. “Siya’y Nagbangon,” Liahona, Mayo 2010, 89, 90; tingnan din sa Job 14:14; Mateo 28:6.

  5. “Buhay ang Aking Manunubos!” Liahona, Mayo 2007, 24, 25.

  6. Liahona, Abr. 2003, 7.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Matapos ibahagi ang mga binanggit sa mensahe ni Pangulong Monson, pansinin ang patotoong ibinigay niya sa tunay na kahulugan ng Paskua. Maaari ninyong itanong sa mga kapamilya ang sumusunod: “Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pagpapatotoo ngayon ng isang buhay na propeta sa mga katotohanang ito? Paano ninyo maipamumuhay ang mga ito?” Isiping idagdag ang inyong patotoo.

Ang Mapagdudang si Tomas, ni Carl Heinrich Bloch