2012
Ang BibleVideos.LDS.org ay Regalo sa Mundo
Abril 2012


Ang BibleVideos.LDS.org ay Regalo sa Mundo

Noong 2011 First Presidency Christmas Devotional, ipinabatid ng mga lider ng Simbahan ang The Life of Jesus Christ Bible Videos website, isang “regalo” sa mundo.

Nasa BibleVideos.lds.org ang orihinal na maiikling video na nagpapakita ng mga pangyayari sa buhay ni Cristo, mula sa pagbabadya ng anghel tungkol sa pagsilang ni Cristo hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Ibinalita ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan ang tungkol sa site noong debosyonal.

“Tulad ng mga banal na kasulatan na pinagmulan ng maiikling pelikulang ito, tila magbibigay-kapanatagan ang mga ito sa inyo,” sabi niya. “Ang inyong pananampalataya at ang Espiritu Santo ang lilikha ng damdaming karapat-dapat sa mga kaganapang ito na magpapabago sa mundo.”

Ang materyal para sa mga video ay kuha sa bagong LDS Motion Picture Studio South Campus ng Simbahan sa Goshen, Utah, kung saan nagsimula ang New Testament Scripture Library Project noong Agosto 2011.

Ang proyekto ay gagawa ng mahigit 100 maiikling video na naglalarawan ng buhay ni Cristo, na direktang hinango sa teksto ng King James Version ng Biblia.

Ang website ay may mobile-friendly design at makukuha sa Ingles (BibleVideos.lds.org), Espanyol (videosdelabiblia.org), at Portuges (videosdabiblia.org). May makukuha ring libreng iPad app, na nagbibigay ng bagong karanasan sa mga kuwento sa Biblia sa pamamagitan ng paningin, tunog, at paghawak.

Kalaunan, magkakaroon na ng halos 100 video na nagpapakita ng mga pangyayari sa buhay ni Cristo sa Bagong Tipan sa The Life of Jesus Christ Bible Videos website.

CREDIT: ??