Nagsasalita Ngayon
Nagturo sina Elder Christofferson, Elder Jensen sa mga Miyembro sa Argentina
Noong Sabado, Nobyembre 12, 2011, nagsalita sina Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol at Elder Jay E. Jensen ng Panguluhan ng Pitumpu sa mga kabataan, young adult, lider ng priesthood, misyonero, at miyembro sa Salta, Argentina.
Naroon din si Elder Mervyn B. Arnold, Pangulo ng South America South Area; kanyang asawa na si Devonna; at si Elder Ruben Spitale, Area Seventy. Dumalo rin ang asawa ni Elder Christofferson na si Kathy, at ang asawa ni Elder Jensen na si Lona.
Halos 1,300 kabataan at mga magulang ang dumalo sa fireside kung saan nagsalita sina Elder Christofferson at Elder Jensen. Mga 10,000 pang miyembro sa mga 70 stake center sa iba’t ibang lugar sa Argentina ang nanood sa pamamagitan ng brodkast.
Sinabi ni Elder Jensen, na dating naglingkod bilang South America South Area President, “Kung wala kayong maaalala sa anumang sinabi ko, gusto kong maalala ninyo ang sinabi ng isang propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na pinatototohanan ko na totoong propeta ng Diyos. Ito ang kanyang sinabi: ‘Desisyon ang nagpapasiya ng tadhana.’”
Tayo ay may kalayaang pumili—ang kakayahan at pribilehiyong magdesisyon—sabi ni Elder Jensen, at sa mga desisyong iyon pinipili natin ang ating tadhana.
Ikinuwento niya ang tungkol sa isang kaibigan na piniling magmaneho nang lasing isang gabi at nakaaksidente at nakakitil ng dalawang buhay. Inihalintulad niya ito sa kuwento nilang mag-asawa na piniling ipagpaliban ang kasal upang makapagmisyon siya.
“Sa [pag-uwi ko] nagpakasal kami sa templo. Gumawa kami ng mga tipan, na sinasariwa namin linggu-linggo sa buong buhay namin. Gumawa kami ng desisyon na nagpasiya ng aming tadhana,” sabi niya.
Sumunod na nagsalita si Sister Christofferson na nagbahagi ng kanyang patotoo tungkol sa mga pagpapala ng pagtupad ng mga tipan, at si Elder Christofferson ang huling nagsalita sa pulong.
“Ang bagay lamang na totoong kailangan ninyo ay pagmamahal at pananampalataya,” sabi ni Elder Christofferson. “Pananampalataya ang tumutulong sa ating buhay-may-asawa, pamilya, propesyon, [at] trabaho.”
Binigyang-diin niya na ang mga kautusan ay nagbibigay ng direksyon sa ating buhay at tumutulong sa atin na makamtan ang tunay na mahalaga.
Pagkatapos ay pinayuhan niya ang mga kabataan at kanilang mga magulang na mangakong sundin ang payo na matatagpuan sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan.
“Lubos nitong palalakasin ang inyong mga anak, kahit makita nilang mag-isa lamang sila—nalalamang sinusunod ng kanilang mga magulang ang mga alituntunin ding ito,” sabi niya.
Tinapos ni Elder Christofferson ang kanyang mensahe sa pagpapahayag ng pagmamahal sa mga miyembro sa Argentina, kung saan siya nagmisyon halos limang dekada na ang lumipas.
Habang nasa Salta, pinulong din nina Elder Christofferson at Elder Jensen ang mga misyonero at young single adult sa lugar, na ipinararating ang pagmamahal ng mga Kapatid.