Mga Tanong at Mga Sagot
“Bakit kailangan ko pang pumunta sa seminary kung puwede ko namang pag-aralan nang mag-isa ang mga banal na kasulatan?”
Kahit kailan mapag-aaralan mo nang mag-isa ang mga banal na kasulatan, kaya kung mayroon kang pagkakataon, samantalahin mong pag-aralan ngayon ang mga banal na kasulatan kasama ang mahuhusay na guro at mga kaibigan.
Ang pagkatuto at pag-aaral sa patnubay ng isang mabuting guro ay nakatutulong sa iyo na magkaroon ng mga bagong kaalaman sa mga banal na kasulatan na maaaring hindi mo gaanong nauunawaan noon. Maaaring magbahagi rin ang guro ng mga itinuturo ng mga propeta at ng iba pang mga lider ng Simbahan na mas magpapaunawa sa iyo sa mga banal na kasulatan.
At isa pa, mas masayang mag-aral na kasama ang mga kaklase mo. May pagkakataon kang magkuwento tungkol sa mga natuklasan mo habang nagbabasa ka. Maaaring may mga naranasan ang mga kaklase mo kung kaya naging paborito nila ang ilang talata. Sa pakikinig sa kanilang mga karanasan mabibigyang-buhay sa iyo ang mga banal na kasulatan. At dahil kasama mong nag-aaral ng ebanghelyo ang iba, mapapasaiyo ang ipinangakong biyayang ito. “Kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, … ako ay naroroon sa gitna nila” (D at T 6:32).
Ang seminary ay lumilikha rin ng isang sistema para sa iyong pag-aaral. Nagaganyak kang tapusin ang itinakdang babasahin, na nakatutulong sa iyo na matapos ang bawat aklat sa banal na kasulatan. May pagkakataon kang talakayin at isaulo ang mga talata sa scripture mastery. Makasisiguro ka na mas marami kang matututuhan sa mga banal na kasulatan sa pagpasok sa seminary kaysa sa anupamang paraan sa panahong ito ng iyong buhay.
Mga Bagong Kaibigan, Mga Bagong Ideya
Sa seminary nakakakilala ka ng mga bagong kaibigan, at nagiging malapit kayo sa isa’t isa na parang isang pamilya. Natututo ka ng maraming bagay na hindi mo malalaman kung mag-isa ka lang. Masaya ito at napakaespirituwal. Tinitiyak nito na sinisimulan mo nang tama ang araw mo. Kung wala kang partisipasyon ngayon, simulan mo at babaguhin nito ang iyong buhay.
Katarina B., edad 16, California, USA
Kaligayahan
Pinasasaya ng seminary ang araw ko. Mas pinasasaya ako ng seminary at mas hinihikayat akong talakayin ang ebanghelyo sa ibang tao. Pinag-aaralan namin nang detalyado ang mga banal na kasulatan, kaya mas nauunawaan ko.
Madi S., edad 15, Colorado, USA
Perpektong Kombinasyon
Nagbibigay ng inspirasyon ang seminary. Kung minsan hindi sapat na nag-aaral ka lang sa sarili mo. Ang personal na pag-aaral at ang seminary ay perpektong kombinasyon. Napakahuhusay ng mga guro, at kung may tanong ka, tutulungan ka ng mga guro at kaklase mo na sagutin ito.
Dawson D., edad 15, Idaho, USA
Nadaragdagan ang Pang-unawa
Kapag mag-isa akong nag-aaral ng mga banal na kasulatan, hindi ako masyadong nasisiyahan na tulad ng may iba akong kasamang nag-aaral. Saka natututo tayo ng magagandang ideya mula sa iba kapag magkakasama nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan. Sa pamamagitan ng seminary natututuhan ko ang tungkol sa mga kahanga-hangang kuwento, at mas nalalaman ko ang pinagmulan ng mga banal na kasulatan, kaya mas kapana-panabik mag-aral! Natutuwa ako sa desisyon kong sumali sa seminary.
Rebecca M., edad 16, Schleswig-Holstein, Germany
Mas Malakas na Patotoo
Una, sinabi ng Panginoon na kapag may dalawa o tatlong tao na nagkakatipon sa Kanyang pangalan, Siya ay paroroon sa kanila (tingnan sa Mateo 18:20; D at T 6:32). Kapag nadama natin ang Kanyang Espiritu matutulungan tayong pagnilayan ang Kanyang ginawa para sa atin. Pangalawa, kapag may kasama tayo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mas nauunawaan natin ang nakasulat. Habang nakikinig sa iba, maririnig natin ang isang bagay na hindi natin napapansin, at maaari ding mangyari iyon sa iba kapag ibinabahagi natin ang ating kaalaman. Pangatlo, kapag pumupunta ako sa seminary, lumalakas ang aking patotoo. Ang seminary ay pagkakataon para maibahagi ang ating patooo at mapakinggan ang patotoo ng iba. Tinutulungan tayo nitong manatili sa tamang landas.
Dmitri G., edad 16, Dnipropetrovs’k, Ukraine
Matututo mula sa Iba
Ang pagpunta sa seminary ay bagay na dapat kong gawin. Hindi lang naituturo at naipaliliwanag ng aking masigasig na guro ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, kundi marami rin akong natututuhan sa mga talakayan sa klase. Nagbabahagi ng kanilang patotoo ang ibang estudyante tungkol sa natutuhan nila, at nakatutulong ito para mas malaman ko pa ang tungkol sa ebanghelyo at sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi sapat ang mag-aral nang mag-isa, dahil nakita ko ang ilang kasagutan sa mga problema ko sa mga talakayan sa klase. Mapatototohanan ko na mahalaga ang nagagawa ng seminary sa pagpapalakas ng aking patotoo sa tunay na Simbahan ni Jesucristo.
Denzel J., edad 15, Western Samoa
Liwanag at Katotohanan
Kapag pumupunta ako sa seminary, hinahangad ko ang liwanag at katotohanan at isinusuot ang buong baluti ng Diyos (tingnan sa D at T 27:15–18) Tinutulungan ako ng baluting iyon na makilala ang Kanyang tinig sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar. Pinalalakas ng araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ang aking pananampalataya at patotoo at tinutulungan akong maging malakas sa oras ng mga pagsubok. Ang pagpunta sa seminary ang isa sa mga pinakamainam na paraan upang makakita ng liwanag at katotohanan at pag-aralan ang mga banal na kasulatan at magbulay-bulay.
Nohemi M., edad 17, Puebla, Mexico
Tatlong Dahilan
Una, dahil gusto kong magmisyon, dumadalo ako sa seminary. Kailangan ng mga misyonero na gumising nang maaga at pag-aralan ang ebanghelyo sa umaga. Natutulungan ako ng pagpunta sa seminary na magkaroon ng magandang gawi na gumising nang maaga. Pangalawa, sa umaga, mas nakapag-iisip tayo nang mabuti, kaya nakapagtutuon tayong mabuti sa pinag-aaralan natin. Mabuting gamitin ang pinakaepektibong oras sa maghapon sa pag-aaral tungkol sa Diyos. Pangatlo, kung mag-isa akong mag-aaral, baka hindi ko maunawaan nang malalim ang pinag-aaralan ko gaya ng pagkaunawa ng aking guro. Sa kanyang paggabay at pagtuturo, mas marami akong matututuhan kaysa kung mag-aaral akong mag-isa.
H. Chen Yuan, edad 16, T’ai-chung, Taiwan