2012
Kamangha-manghang Biyaya
Abril 2012


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Kamangha-manghang Biyaya

Umaasa ako araw-araw sa biyaya ni Jesucristo.

“Sa mga pulong natin sa Simbahan, hindi natin kadalasang pinag-uusapan ang tungkol sa biyaya,” sabi ng aking guro sa relihiyon sa Brigham Young University, “ngunit tayo, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay naniniwala sa biyaya.”

Katunayan, wala akong maalalang mga lesson sa Young Women o Sunday School tungkol sa biyaya, ngunit naalala ko ang aming high school choir sa pagkanta ng “Amazing Grace [o Kamangha-manghang Biyaya].”

Kamangha-manghang biyaya! (o, kaysarap pakinggan!)

Sinagip ang masamang tulad ko!

Minsan akong naligaw, ngunit ngayo’y natagpuan;

Bulag, ngunit ngayo’y nakakakita na.1

“Ang biyaya ay kapangyarihan ng Diyos mula sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” paliwanag ng aking guro. “Hahatiin ko ang biyaya sa apat na kapangyarihan: pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, pagpapagaling, at pagpapalakas.” Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag ng bawat kapangyarihan, ngunit muling nagbalik-tanaw ang aking isipan.

Ang high school choir ding iyon ay naglakbay papunta sa California, USA, para sa paligsahan sa isang music festival. Nagkasakit ako bago ang takdang pag-alis, at dahil masakit ang aking lalamunan ay hindi ako makakakanta kasama ng choir sa festival—o kung kakanta ako, hindi maganda ang kalalabasan, at masakit. Humingi ako ng basbas ng priesthood sa aking ama at ginugol ang sumunod na araw sa pagdarasal na gumaling ako.

Marahil hindi ko pa lubos na nauunawaan noon, nang awitin ko sa kompetisyon ang “Amazing Grace” na may magaling nang lalamunan, na ang inaawit ko ay tungkol sa mismong kapangyarihan na nagpagaling sa akin isang araw bago ang kompetisyon. Pinagpala ako ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa araw na iyon; ang Kanyang biyaya ang dahilan ng aking paggaling.

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” Alma 7:11.

Pagkatapos ng high school, tulad ng maraming freshman, naging abala ako sa pag-aaral sa kolehiyo at hindi lang sa mga hamong kasabay ng pamumuhay na malayo sa tahanan kundi pati na rin sa pakikitungo sa lima kong ka-roommate.

Sa panahong ito ko naunawaan ang kapangyarihang magpalakas at tumulong ng biyaya ni Cristo. Ginugol ko ang panahon ko sa pagtatrabaho at pag-aaral, ngunit umasa ako sa pagdarasal araw-araw na sumasamo sa Ama sa Langit na bigyan ako ng kakayahan na matapos ang mga kailangang gawin. Habang patuloy sa pag-aaral, masaya kong natuklasan na sa kapangyarihang magpalakas at tumulong ng Pagbabayad-sala ni Cristo, hindi lamang ako mahusay na nakagagawa kundi wala ring kahirap-hirap.

“Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13).

Bagama’t hindi ko pa nararanasan ang dalawa pang aspeto ng Kanyang biyaya—pagkabuhay na mag-uli at ang kaganapan ng pagtubos—umaasa pa rin ako sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa bawat araw. Ang biyaya, na kapangyarihan ng Diyos mula sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang nagpagaling at nagpalakas sa akin. Kapag sinisikap kong sundin ang mga utos ng Diyos at ang Kanyang kalooban, nakatatanggap ako ng tulong mula sa langit nang higit pa sa sarili kong kakayahan.

“Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23).

Tala

  1. John Newton, “Amazing Grace,” Olney Hymns (1779), blg. 41.

Paglalarawan ni Ash Ram