Maraming Matututuhan sa Pangkalahatang Kumperensya
Kahit nagsabi na tayo ng “amen” sa katapusan ng huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya, ang espirituwal na pagpapakabusog ay hindi dapat magtapos doon. Maipagpapatuloy ito kapag pinag-aralan natin at ipinamuhay ang mga turo mula sa kumperensyang iyon. Sa nakalipas na mga taon, hinikayat tayo ng mga propeta na gawin iyon. Halimbawa, noong 1946, hinikayat ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang mga miyembro na gawing “gabay [ang mga mensahe sa kumperensya] sa ikikilos at sasabihin nila sa susunod na anim na buwan.” Ipinaliwanag niya, “Ito ang mahahalagang bagay na sa tingin ng Panginoon ay angkop sa kanyang mga tao sa araw na ito.”1
Noong 1988, inulit ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang payong iyon nang ituro niya, “Sa susunod na anim na buwan, ang edisyon ng kumperensya sa Ensign ay dapat nasa tabi ng inyong mga banal na kasulatan at dapat madalas na basahin.”2
Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008, muling pinagtibay ni Pangulong Thomas S. Monson ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sinabi niya: “Nawa’y matandaan natin nang matagal ang mga narinig natin dito sa pangkalahatang kumperensya. Ang mga mensaheng ibinigay ay ililimbag sa isyu ng mga magasing Ensign at Liahona sa susunod na buwan. Hinihimok ko kayong pag-aralan ang mga ito at pagnilayin ang mga turo nito.”3
Sa pag-aaral at pagninilay ninyo sa mga mensahe sa kumperensya, ano ang magagawa ninyo para mas maging makabuluhan ang mga ito sa inyong buhay? Narito ang ilang mungkahi na tutulong sa inyong maghanda, tumanggap, at kumilos ayon sa mga salitang puno ng inspirasyon:
Maghandang tumanggap ng inspirasyon. Pinanonood man ninyo, pinakikinggan, o binabasa ang mga mensahe ng kumperensya, dapat ninyong buksan ang inyong puso at isipan sa inspirasyon ng langit. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na gaano man kahusay magturo ang isang tagapagsalita, “ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig.” Ipinaliwanag niya na ang pagtanggap ng inspirasyon ay “nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi [basta] pagtanggap lamang.”4
Ang sumusunod na mga ideya ay makatutulong para maihanda kayo na maturuan ng Espiritu:
-
Maglaan ng oras at lumikha ng kapaligirang walang sagabal kung saan makatatanggap kayo ng mga espirituwal na pahiwatig.
-
Hangarin ang patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
-
Ilista ang mga personal na tanong o alalahanin na gusto ninyong magkaroon ng kasagutan.
Unawain ang mga mensahe. Ang mga buhay na propeta at apostol ay nagtuturo, nagpapaliwanag, naghihikayat, nagbababala, at nagpapatotoo. Makatutulong ang masusing pag-aaral ng kanilang mga mensahe upang mas lubos na maunawaan ang mga ito. Narito ang ilang epektibong paraan sa pag-aaral:
-
Magtanong. Halimbawa: Ano ang gusto ng Panginoon na matutuhan ko sa mensaheng ito? Paano napalawak ng mensaheng ito ang pag-unawa ko sa isang alituntunin ng ebanghelyo o isang talata ng banal na kasulatan? Anong mga kuwento ang ginamit para ilarawan ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at ano ang matututuhan ko sa mga ito?
-
Sumulat ng outline o balangkas. Pansinin ang tila outline o balangkas ng tagapagsalita. Hatiin ang mensahe sa mga bahagi at magsulat ng buod na nagpapaliwanag sa pangunahing ideyang isinasaad sa bawat bahagi.
-
Tukuyin ang iba’t ibang aspeto sa mensahe. Pansinin ang mga bagay na tulad ng mga doktrina, banal na kasulatan, kuwento, babala, listahan, patotoo, paanyayang kumilos, at pagpapalang ipinangako sa pagsunod sa payo.
-
Pag-aralan ang mensahe nang maraming beses. Mahalagang pag-aralan nang maraming beses ang mga katotohanan ng ebanghelyo upang maunawaan ang buong kahulugan at kahalagahan ng mga ito. Sa tuwing mag-aaral kayo, itala ang mga bagong kaalamang natatanggap ninyo.
Kumilos at gawin ang natutuhan ninyo. Kung mapanalangin ninyong pinag-aaralan ang mga mensahe, makikita ninyo kung paano ipamuhay ang mga mensahe. Malalaman ninyo kung paano magsagawa ng makabuluhang mga pagbabago sa pagtatanong ng Ano ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon sa natututuhan ko? at Ano ang natutuhan ko na tutulong sa akin sa aking pamilya, trabaho, o tungkulin sa Simbahan? Isulat ang mga impresyong natanggap ninyo para hindi malimutan ang mga ito. Kung gagawin ninyo ito, mabibigyan kayo ng inspirasyon na ipamuhay ang mga turo at tatanggapin ninyo ang ipinangakong mga pagpapala.
Ang pangkalahatang kumperensya ang panahon na inihahayag sa inyo ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) tungkol sa mga mensahe sa kumperensya na “Walang aklat maliban sa mga banal na kasulatan ng Simbahan na dapat magkaroon ng mahalagang puwang sa mga estante ng inyong aklatan—hindi dahil sa mahusay na isinulat o inilahad ang mga ito, kundi dahil sa mga konsepto na nagtuturo ng daan tungo sa buhay na walang hanggan.”5