Mga Blueberry at ang Aklat ni Mormon
Suellen S. Weiler, Georgia, USA
Ilang taon na ang nakararaan, mula sa isang abala at mataong lungsod ay lumipat ang aming pamilya sa isang maliit na bukirin sa labas ng isang tahimik na munting nayon. Sa di-kalayuan ay may isang napabayaang taniman ng blueberry, at dahil sa mga kaibigan ng may-ari, pinayagan kaming manguha ng mga blueberry hangga’t gusto namin.
Ilang umaga bawat linggo nang tag-init na iyon sumasakay kaming lahat sa sasakyan na may dalang mga timba at supot at masayang nangunguha ng mga blueberry. Isang umaga, ang aming bunsong anak na si Hyrum ay tila atubiling sumama sa amin. Sigurado siya na nakuha na namin ang lahat ng blueberry at masasayang ang oras namin sa muling pagpunta roon. Nagulat siya nang marami pa siyang nakuhang blueberry. May mga kumpol ng mga blueberry na hindi niya napansin, at may ilang pinakamatatamis na berry na tumutubo sa mga sanga ang tiniyak niyang natingnan na niya noong una.
Kasabay nito, hinamon ng mga lider ng kabataan sa ward ang aming mga tinedyer na basahin ang buong Aklat ni Mormon bago magsimula ang pasok sa eskuwela sa Agosto ng taong iyon. Isinagawa ng aming mga anak ang hamong ito sa aming tahanan, at nangako ang aming pamilya na makiisa sa kanilang pagsisikap.
Hindi nagtagal natapos namin ang Aklat ni Mormon nang dumating ang aming Agosto 2005 na Ensign, na naglalaman ng hamon ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na basahin ang buong Aklat ni Mormon bago matapos ang taon. Natuwa si Hyrum at ang kanyang kapatid na si Joseph—dahil kung iisipin ay nasunod na namin ang propeta! Pagkatapos ay pinaalalahanan sila ng kanilang nakatatandang mga kapatid na sina Seth at Bethany na hiniling ni Pangulong Hinckley na basahin natin itong muli, kahit maraming beses na natin itong nabasa.
“Pero bakit?” tanong ng mga bata. “Nabasa na namin ang bawat salita, at ano pa ang malalaman namin bukod sa nabasa namin?”
Pagkatapos ng ilang sandali ng katahimikan, may isang nagbanggit sa mga blueberry. “Natatandaan ba ninyo noong akala natin na nakuha na natin ang lahat ng blueberry? Pero nang bumalik tayo, palaging may maraming blueberry—palagi! Kahit maraming beses tayong pumunta roon, kahit kamakailan lamang ito, palaging may mga kumpul-kumpol na blueberry.”
Kaagad naming naunawaan ang kaugnayan nito. Tulad ng kalapit na bukid na may maraming masasarap na blueberry, ang Aklat ni Mormon ay palaging mapagkukunan ng espirituwal na lakas sa mga bagong katotohanang matutuklasan. Kaya’t sinimulan naming basahing muli ang Aklat ni Mormon.
Nang tanggapin ko ang hamon ng propeta, binasa ko ang mga bagay sa Aklat ni Mormon na nabasa ko na nang maraming beses, ngunit naunawaan ko ang mga ito sa kakaibang paraan o kung paano isabuhay ang mga ito sa mga bagong sitwasyon o hamon. Alam ko na sa tuwing babasahin natin ang Aklat ni Mormon, makatatanggap tayo ng bagong kaalaman at mapapalapit sa Tagapagligtas.