2012
Nadama Ko na Dapat Akong Pumunta
Abril 2012


Nadama Ko na Dapat Akong Pumunta

Aldo Fabio Moracca, Nevada, USA

Dalawa at kalahating taon matapos akong binyagan sa Buenos Aires, Argentina, ang mga salita ng isa sa mga elder na nagturo sa akin ay tila naririnig ko pa rin: “Alam ko na ikaw ay misyonero.” Naaalala ko rin ang nakaaantig na sagot sa akin nang manalangin ako kung talagang totoo ang nadarama ko. Sa edad na 20, alam ko na dapat naghahanda na ako para sa misyon.

Pero paano ako magiging misyonero? Hindi ako katulad ng mababait na binata na nagturo sa akin ng ebanghelyo. At paano ko iiwan ang aking trabaho? Saan ako titira pagkabalik ko? Napakahirap humanap ng tirahan na katulad nito, kahit maliit na silid lang ito sa likod ng isang bahay.

Habang pauwi ako isang gabi, nasaisip kong muli ang damdamin at pag-aalinlangang ito. Nang makauwi ako, sinikap kong magdesisyon. Nagpasiya akong lumuhod at manalangin na tulungan ako. Nang gawin ko ito, nagkaroon ako ng malakas na impresyon na puntahan si Leandro, isang kaibigan na nagpapalakas sa akin kapag malungkot ako.

Ngunit dahil naisip kong gigisingin siya sa kalaliman ng gabi, hindi ko itinuloy ang ideyang ito. Alam ko na maaga siyang gumigising para magtrabaho, at ayaw kong kumatok sa pintuan niya nang gayong oras. Pinilit kong alisin iyon sa isip ko pero patuloy ko pa ring nadama na dapat akong makipagkita sa kanya. Ngunit pinili ko pa ring balewalain ito.

Sa halip, nagpasiya akong maglakad-lakad para makalanghap ng sariwang hangin. Gayunman, nang maalala ko na naiwan kong bukas ang pinto ko, bumalik ako sa bahay. Pagpasok ko, nakita kong nakaupo si Leandro sa aking silid. Napuspos ako ng Espiritu, at halos hindi ako makahinga. Sa tinig na puno ng emosyon, tinanong ko siya, “Ano ang ginagawa mo rito?”

“Hindi ko alam,” sabi niya. “Naramdaman ko lang na dapat kitang puntahan.”

Sinabi ko sa kanya na nag-aalinlangan ako sa pagpunta sa misyon. Nagpatotoo siya sa akin at hinikayat ako. Pagkatapos ay tinulungan niya akong sulatan ang mission papers ko, na hinatid ko sa aking bishop kinaumagahan. Makaraan ang dalawang buwan natanggap ko ang tawag na magmisyon sa Argentina Salta Mission.

Alam ko na ang aking kaibigan ay kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon noong gabing iyon, at alam ko nang buong puso na pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalanging binigkas nang taos-puso at nang may tunay na hangarin.