2012
Mamamatay na Ako!
Abril 2012


Mamamatay na Ako!

Ramona Ross, Tennessee, USA

Bilang nars sa isang abalang post-surgical recovery unit, nakatanggap ako ng tawag isang araw tungkol sa isang pasyenteng nagngangalang Bill na katatapos lang maoperahan. Doon sana siya sa critical care unit pero inilipat sa akin dahil puno na ang unit na iyon.

Kalaunan ay dumating ang pasyente kasama ang kanyang pamilya. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko siyang masigla, alam niya ang nangyayari, at tila hindi nahihirapan.

Pagkatapos makuha ang kanyang vital signs at sabihin sa kanya at sa kanyang pamilya ang tungkol sa kanyang silid, pumunta na ako sa pasilyo para magtala sa kanyang chart. Nagsusulat na ako nang makarinig ako ng tinig na nagsasabing, “Bumalik ka sa kanyang silid.” Inihinto ko ang pagsulat at lumingon sa likuran ko. Wala namang tao roon. Akala ko sa isip ko lang ang tinig na iyon, nang bigla ko itong narinig sa ikalawang pagkakataon—mas malakas nga lang.

Tumakbo ako pabalik sa silid ni Bill at nakitang namamaga ang kanyang leeg, at nahihirapan siyang huminga. Iniisip na nasugatan ang kanyang carotid artery, idiniin ko ang kanan kong kamay sa kanyang leeg habang gamit ko ang kaliwa kong kamay sa pagtawag sa neuroradiologist na nag-asikaso sa kanya. Sinabi ng surgeon na magpapadala siya ng team para kunin kaagad si Bill. “At huwag mong aalisin ang kamay mo!” sabi niya.

Habang nakadiin ang aking kamay, napansin ko ang isang pamilyar na aklat sa Simbahan sa tabi ng kama ni Bill. “Miyembro ka ba ng Simbahan?” tanong ko.

Pinilit niyang tumango at sinabi niya sa akin na ordinance worker siya sa Atlanta Georgia Temple. Pinigil niya ang kanyang pagluha at sinabing, “Mamamatay na ako!”

Sinabi ko sa kanya na hindi siya mamamatay, at sinabi ko pang, “Ikakasal ako sa Atlanta Temple sa susunod na buwan, at pupunta ka doon.” Dumating ang surgical team at mabilis na dinala si Bill.

Sa kasabikan ko sa kasal ko nang sumunod na buwan, halos nalimutan ko ang tungkol kay Bill, na nagkaroon daw pala ng reaksyon sa gamot na ibinigay sa kanya. Ngunit habang sinasamahan ako ng matron papunta sa sealing room sa araw ng aking kasal, nakita ko ang isang pamilyar na mukha: ang asawa ni Bill, si Georgia. Nang sabihin ko sa kanya na ikakasal na ako, hinanap niya si Bill. Ilang sandali bago magsimula ang kasal, bumukas ang pinto at pumasok siya. Matapos ang mga linggo na puno ng sakit ng ulo, pagkahilo at pagod, maayos na ang pakiramdam ni Bill nang araw na iyon kaya nagpunta siya sa templo; hindi niya alam na iyon ang araw ng kasal ko.

Makaraan ang dalawang taon, tinawag kaming mag-asawa na maging mga ordinance worker sa Nashville Tennessee Temple. Nang dumating kami sa templo para i-set apart, isang maginoo ang nagbukas ng pinto para sa akin at sinabing, “Welcome sa Nashville Temple!” Iyon ay si Brother Bill.

Magkasama kaming naglingkod nang tatlong taon. Sinabi ni Bill sa lahat na iniligtas ko ang kanyang buhay, pero alam kong ang Panginoon ang nagligtas sa kanya. Sa pangyayaring ito, itinuro Niya sa akin ang kahalagahan ng pakikinig sa pahiwatig ng Espiritu.