Mensahe sa Visiting Teaching
Magmahal, Mangalaga, at Magpalakas
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Tulad ng Tagapagligtas, ang mga visiting teacher ay naglilingkod sa bawat isa (tingnan sa 3 Nephi 11:15). Malalaman natin na tagumpay tayo sa ating paglilingkod bilang mga visiting teacher kapag masasabi ng ating mga kapatid na babae na: (1) tinutulungan ako ng aking visiting teacher na maging espirituwal; (2) alam kong malaki ang malasakit ng visiting teacher ko sa akin at sa aking pamilya; at (3) kung may mga problema ako, alam ko na tutulong ang aking visiting teacher nang hindi na sinasabihan.1
Paano natin minamahal, pinangangalagaan, at pinalalakas bilang mga visiting teacher ang isang miyembrong babae? Narito ang siyam na mungkahi na matatagpuan sa kabanata 7 ng Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society na tutulong sa mga visiting teacher na mapaglingkuran ang kababaihan:
-
Magdasal araw-araw para sa kanya at sa kanyang pamilya.
-
Humingi ng inspirasyon na makilala siya at ang kanyang pamilya.
-
Palagi siyang dalawin para malaman kung ano na ang nangyayari sa kanya at aliwin at palakasin siya.
-
Palaging makipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga pagbisita, pagtawag sa telepono, pagliham, pagpapadala ng email, mga text message, at mumunting pagpapakita ng kabaitan.
-
Batiin siya sa mga pulong sa Simbahan.
-
Tulungan siya kapag mayroong emergency, karamdaman, o iba pang biglaang pangangailangan.
-
Ituro sa kanya ang ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan at ang mga Mensahe sa Visiting Teaching.
-
Himukin siya sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa.
-
Ireport sa lider ng Relief Society ang kanilang ginagawang paglilingkod at ang espirituwal at temporal na kapakanan ng miyembro.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
“Ang visiting teaching ang naging instrumento ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng mundo upang magmahal, mangalaga, at maglingkod—upang ‘[kumilos] ayon sa habag na itinanim ng Diyos sa [ating] puso,’ gaya ng itinuro ni Joseph Smith.”2
Ganito ang sabi ng isang babae na kamakailan lamang nabalo tungkol sa kanyang mga visiting teacher: “Nakinig sila. Inalo nila ako. Umiyak silang kasama ko. At niyakap nila ako. … Tinulungan [nila] akong makabangon mula sa matinding kalungkutan at depresyon sa mga unang buwang iyon ng pangungulila.”3
Ang pagtulong sa mga temporal na gawain ay isa ring uri ng paglilingkod. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856, ibinalita ni Pangulong Brigham Young na napadpad at natigil ang mga handcart pioneer sa malalim na niyebe sa layong 270–370 milya (435–595 km). Nanawagan siya sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake City na sagipin ang mga taong iyon at “isagawang mabuti ang mga bagay na tinatawag nating temporal.”4
Isinulat ni Lucy Meserve Smith na hinubad ng kababaihan ang kanilang mga pang-ilalim na palda at stockings doon mismo sa tabernacle at ikinarga ang mga ito sa mga bagon upang maipadala sa giniginaw na mga pioneer. At nagtipon din sila ng mga kagamitan sa pagtulog at damit para sa mga darating na kakaunti lamang ang dalang ari-arian. Nang dumating ang mga handcart company, isang gusali sa bayan ang “puno ng pagkain at kagamitan para sa kanila.”5