2012
Pag-uukol ng Panahon para Mag-usap at Makinig
Abril 2012


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pag-uukol ng Panahon para Mag-usap at Makinig

Mula sa mensahe sa Salt Lake City stake conference satellite broadcast na ibinigay noong Oktubre 24, 2010.

Ang ating makabuluhang pagsisikap na mas mahusay na makipag-ugnayan ngayon ay magpapala sa ating pamilya sa kawalang-hanggan.

Rosemary M. Wixom

Sa isang perpektong mundo, uuwi ang bawat bata sa bahay mula sa paaralan na mayroong nakahandang plato na puno ng bagong lutong chocolate chip cookies, isang malaking baso ng gatas, at isang ina na handang makipag-usap at makinig tungkol sa nangyari sa kanyang anak sa araw na iyon. Hindi tayo nabubuhay sa isang perpektong mundo, kaya maaari na ninyong alisin ang cookies at gatas, kung gusto ninyo, ngunit huwag alisin ang “pag-uukol ng panahon para mag-usap at makinig.”

Dalawampu’t siyam na taon na ang nakararaan, malungkot na sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na kakaunting oras na lang nagkakasama-sama ang mga pamilya. Isipin ninyo—29 na taon na ang nakaraan—sinabi niya sa pangkalahatang kumperensya: “Ang isa sa mga pangunahing problema sa mga pamilya ngayon ay paunti na nang paunti ang oras na nagkakasama-sama ang mga pamilya. … Ang pagsasama-sama ay mahalagang oras—oras na kailangang mag-usap, makinig, maghikayat, at maipakita kung paano gawin ang mga bagay-bagay.”1

Kapag nag-ukol tayo ng oras na magkasama-sama at makausap ang ating mga anak, nakikilala natin sila at tayo ay nakikilala nila. Ang ating mga priyoridad, ang tunay na nadarama ng ating puso, ay magiging bahagi ng ating pakikipag-usap sa bawat anak.

Ano ang unang mensahe mula sa inyong puso na pipiliin ninyong ibahagi sa inyong anak?

Itinuro sa atin ng propetang si Moises sa Deuteronomio:

“At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.

“At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso:

“At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon” (Deuteronomio 6:5–7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

At idaragdag ko pa ang isa: “At kapag kayo ay magkakasamang kumakain sa hapag-kainan.”

Kung hangad nating magkasama-sama magpakailanman ang ating mga pamilya, simulan natin ito ngayon. Ang pag-uukol ng oras na kausapin ang inyong mga anak ay mahalaga sa ating walang-hanggang pamilya habang tinatahak natin ang landas tungo sa buhay na walang hanggan nang magkakasama.

Isang ina mula sa Illinois, USA, ang nagbahagi kung paano siya nagkaroon ng oras na makausap ang kanyang mga anak:

“Noong maliliit pa ang aming mga anak, nakagawian kong manood ng ilang paboritong programa sa telebisyon. … Ang malungkot, napapanood ang programa sa oras na matutulog na ang mga bata.

“… Naisip ko na mas nauuna pa ang mga pinanonood ko at huli sa priyoridad ko ang aking mga anak. Minsan ay binasahan ko sila ng mga bedtime story habang nakabukas ang TV, pero alam ko sa kaibuturan ng puso ko na hindi ito ang pinakamagandang paraan. Habang pinag-iisipan ko ang mga araw at linggo na nasayang sa panonood ko ng TV, nakonsensiya ako at nagpasiyang magbago. Matagal ko ring nakumbinsi ang sarili ko na kaya kong isara ang TV.

“Makaraan ang mga dalawang linggo na hindi nakabukas ang telebisyon, nadama kong medyo gumaan ang aking pakiramdam. Natanto ko na mas maganda ang pakiramdam ko, mas mabuti kahit paano, at alam ko na tama ang pinili ko.”2

Ang oras ng pagtulog ay perpektong oras para mag-usap.

Sinabi ni Helaman tungkol sa kanyang mga kabataang mandirigma, “Inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (Alma 56:48).

“Ang mga salita ng kanilang mga ina” ang nagturo sa kanila. Habang nakikipag-usap sa kanilang mga anak, itinuro ng mga inang iyon ang salita ng Diyos.

Panatilihin ang Personal na Pakikipag-usap

Maraming kabutihan ang nagagawa ng pag-uusap, at alam ng kaaway ang bisa ng salita. Gusto niyang alisin ang sigla na sumasa ating mga tahanan kapag nag-uusap, nakikinig, naghihikayat sa isa’t isa, at magkakasama tayong gumagawa.

Hindi nagtagumpay si Satanas na hadlangan ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa dispensasyong ito nang tangkain niyang pigilan ang mahalagang pag-uusap ni Joseph Smith at ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Sa mga salita ni Joseph, “Daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig, at may kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:15).

Gusto ng kaaway na igapos ang ating mga dila—ang anumang bagay upang hadlangan tayo na masabi ang nadarama ng ating puso nang harapan. Natutuwa siya sa pagkakalayu-layo at panggagambala; nasisiyahan siya sa ingay; nasisiyahan siya sa hindi harapang komunikasyon—anumang bagay na hahadlang sa atin na madama ang magiliw na tinig at damdamin na dulot ng personal na pag-uusap.

Pakikinig sa Nadarama ng Ating mga Anak

Ang pakikinig ay kasinghalaga ng pagsasalita. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin … ng Espiritu.”3

Kapag nakikinig tayo, nauunawaan natin ang nadarama ng mga tao sa paligid natin. May plano ang Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Isipin na kung makikita lamang natin ang plano para sa bawat anak natin. Ano ang mangyayari kung malalaman natin kung paano paunlarin ang mga espirituwal na kaloob na taglay nila? Ano ang mangyayari kung malalaman natin kung paano himukin ang isang anak na maabot ang kanyang potensiyal? Ano ang mangyayari kung malalaman natin kung paano tulungan ang isang anak na magkaroon ng patotoo mula sa pagkakaroon ng simpleng pananampalataya?

Paano natin malalaman?

Malalaman natin sa pamamagitan ng pakikinig.

Sabi ng isang amang Banal sa mga Huling Araw: “Mas marami akong nagagawang kabutihan kapag pinakikinggan ko ang aking mga anak kaysa kapag ako ang nagsasalita sa kanila. … Unti-unti kong natutuhan na hindi gusto ng mga anak ko ang aking nakahanda, subok, at matalinong mga sagot. … Sa kanila, ang pagtatanong at pag-uusap tungkol sa kanilang mga problema ay mas mahalaga kaysa pagtanggap sa aking mga sagot. Karaniwan kapag tapos na silang magsalita, kung nakinig akong mabuti, hindi na talaga nila kailangan ang aking sagot. Nahahanap na agad nila ang sagot.”4

Mahaba ring panahon ang kailangan para mapagtuunan ang mga bagay na pinakamahalaga. Ang pag-uusap, pakikinig, at paghihikayat ay hindi agad nangyayari. Hindi ito maaaring madaliin o iiskedyul—mas mainam kapag kusang nangyayari ito. Nangyayari ang mga ito kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay na magkakasama: magkakasamang gumagawa, magkakasamang lumilikha, at magkakasamang naglalaro. Nangyayari ito kapag isinara natin ang media, isinantabi ang panggagambala ng mundo, at nagtuon ng pansin sa isa’t isa.

Ngayon, mahirap gawin iyan. Kapag huminto tayo at isinara ang lahat, dapat handa tayo sa susunod na mangyayari. Sa una ang katahimikan ay tila hindi nakatutuwa; parang nawalan ka dahil dito. Magtiis, maghintay nang ilang sandali, at magsaya. Pagtuunan nang lubos ang mga nasa paligid ninyo sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa kanila at pakikinig sa kanila. Mga magulang, pag-usapan ang kinawiwilihan o interes ng inyong anak. Magtawanan sa nangyari sa nakaraan—at mangarap para sa hinaharap. Ang walang-patutunguhang pag-uusap ay maaaring maging makabuluhang talakayan.

Unahin ang Ating Walang-Hanggang Layunin

Noong tagsibol, habang binibisita ko ang isang klase ng young women, hiniling ng guro sa klase na sumulat kami ng 10 priyoridad. Kaagad akong nagsulat. Inaamin ko, ang una kong naisip ay “Numero 1: linisin ang lalagyan ng lapis sa kusina.” Nang makumpleto na ang listahan namin, sinabihan kami ng lider ng Young Women na ibahagi ang isinulat namin. Si Abby, na katutuntong lang sa edad 12, ay nakaupo sa tabi ko. Narito ang listhan ni Abby:

  1. Mag-aral sa kolehiyo.

  2. Maging interior designer.

  3. Magmisyon sa India.

  4. Makasal sa templo sa isang returned missionary.

  5. Magkaroon ng limang anak at magkaroon ng tahanan.

  6. Pagmisyunin ang aking mga anak at paaralin sa kolehiyo.

  7. Maging lola na “nagbibigay ng cookies.”

  8. Ibigay ang gusto ng mga apo.

  9. Alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo at masiyahan sa buhay.

  10. Bumalik sa piling ng Ama sa Langit.

Sinasabi ko, “Salamat, Abby. Itinuro mo sa akin ang pagkakaroon ng pagkaunawa sa plano ng Ama sa Langit para sa ating lahat. Kapag alam ninyong tinatahak ninyo ang landas, sa kabila ng anumang makikitang likong daan, magiging maayos ang buhay ninyo. Kapag nakatuon ang inyong landas sa pinakamahalagang mithiin—kadakilaan at pagbalik sa Ama sa Langit, makararating kayo roon.”

Saan nakuha ni Abby ang mahalagang walang-hanggang layuning ito? Nagsisimula ito sa ating mga tahanan. Nagsisimula ito sa ating mga pamilya. Itinanong ko sa kanya, “Ano ang ginagawa ninyo sa inyong pamilya para makabuo ng ganitong mga priyoridad?”

Ito ang sagot niya: “Bukod sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pinag-aaralan namin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo.” At sinabi pa niya, “Marami kaming pinag-uusapan—sa family home evening, sa salu-salo sa hapunan, at sa sasakyan habang nagbibiyahe kami.”

Isinulat ni Nephi: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo tungkol kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo.” Bakit? “Upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).

Ang pag-uusap, pakikinig, paghihikayat sa isa’t isa, at paggawa ng mga bagay na magkakasama bilang pamilya ay maglalapit sa atin sa ating Tagapagligtas, na nagmamahal sa atin. Ang ating makabuluhang pagsisikap na mas mahusay na makipag-ugnayan ngayon—sa mismong panahong ito—ay magpapala sa ating pamilya nang walang hanggan. Nagpapatotoo ako na kapag nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak din tayo kay Cristo at sa kaloob na Pagbabayad-sala. Malalaman ng ating mga anak “kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Mga Tala

  1. James E. Faust, “Enriching Family Life,” Ensign, Mayo 1983, 41.

  2. Susan Heaton, “Talk Time Instead of TV Time,” Ensign, Okt. 1998, 73.

  3. Jeffrey R. Holland, “Mga Saksi sa Akin,” Liahona, Hulyo 2001, 16.

  4. George D. Durrant, “Pointers for Parents: Take Time to Talk,” Ensign, Abr. 1973, 24.

Retrato ni Sister Wixom © Busath Photography; mga paglalarawan ni Bradley Slade