2012
Pagkilos ng mga Ward Council
Abril 2012


Pagkilos ng mga Ward Council

Ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga ward at branch council upang pagpalain ang buhay ng mga nangangailangan.

Noong gabi ng Mayo 22, 2011, sa gitna ng tunog ng napakalakas na sirena, isang malaking buhawi ang nanalasa sa Joplin, Missouri, USA, na puminsala sa maraming kabahayan at buhay. Napinsala nang husto ang Joplin First Ward ng buhawi, gayunman kaagad inalam ni Bishop Chris Hoffman at ng ward council kung ligtas ang mga miyembro ng ward.

“Mayroon kaming plano kung ano ang gagawin dahil pinag-usapan na namin ang mga paghahandang ito sa ward council bago pa nangyari ang mga ito,” sabi niya. “Umasa rin kami sa Espiritu para malaman ang gagawin. Walang kuryente. Hindi gumagana ang mga cell phone. Nagdasal kami at nakinig sa mga sagot, at dumating ang mga ito—palaging dumarating ang mga ito. Natutuwa ako bilang bishop na marinig na sinasabi ng mga miyembro, ‘Ito ang ginawa ko,’ sa halip na ‘Ano po ang ipagagawa ninyo?’”

Ang ginawa sa Joplin ay nagpapakita ng lakas ng pagkakaisa ng ward council. “Ang ward council meeting ay isa sa mga pinakamahalagang miting sa Simbahan,” pagsulat ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “dahil ang mga lider sa priesthood quorum at auxiliary ay makapag-uusap at makapagpaplano kasama ang bishopric. … Sa lahat ng council at committee sa Simbahan, naniniwala ako na may malaking epekto ang ward council sa pagtulong sa mga anak ng ating Ama sa Langit.”1

Pinag-isa ng Pagmamahal at Pananampalataya

Sa Puerto Francisco de Orellana, isang liblib na nayon sa kagubatan ng Ecuador, matibay na nagkakaisa sa pagmamahal at pananampalataya ang mga miyembro. Ang buwanang branch council ay nagpapakita ng kanilang pagmamalasakit. Pinagtutuunan muna nila ang bawat isa at mga pamilya, pagkatapos ay kung paano makatutulong ang mga programa. Kasunod nito ang inspirasyon.

Maraming miyembro ang kailangang tulungan na makahanap ng trabaho. Nalaman ng branch council na ang mga suliranin ng mga miyembro ay kadalasang nalulutas sa branch mismo. Habang tinatalakay ng council ang pangangailangan ng isang ina na mag-isang nagpapalaki sa kanyang bata pang anak na may problema sa kalusugan, may alam na trabaho ang pangulo ng Relief Society na mapapasukan ng ina at makakasama pa rin niya ang kanyang anak.

Ginagamit din ng branch council ang mga mapagkukunan sa Simbahan, tulad ng mga materyal sa career workshop ng LDS Employment Services.2 Bumuo sila ng klase na ang nagtuturo ay isang miyembro ng branch, na tumulong sa isa pang miyembro ng branch na makahanap ng mas magandang trabaho.

Sinabi ni Ramiro Reyes, unang tagapayo sa branch presidency, tungkol sa branch council: “Tayo ay mga kasangkapan sa kamay ng Panginoon. Matatamo Niya ang Kanyang mithiin sa pamamagitan ng ating mga gawa.”

Isang Landas Tungo sa Templo

Sa Liverpool, New York, USA, habang dumadalo ang Primary president na si Melissa Fisk sa ward council meeting, unti-unti niyang naunawaan ang bisa nito. Nang kukunin niya ang notebook sa loob ng kanyang bag, nakita niya ang isang retrato ng 28 na mga bata sa Primary na naroon sa hagdan ng Palmyra New York Temple. Lahat ng bata ay puno ng kagat ng putakti. Sandaling natuon ang pansin niya sa retrato, at naalala niya ang araw na nagpunta ang Primary ng ward sa Palmyra para madama ang kasagraduhan ng bakuran ng templo. Sa kasamaang-palad, nang ilatag ng mga bata ang kanilang mga kumot sa lupa, di-sinasadyang nabulabog nila ang pugad ng mga putakti.

Matapos magamot ang lahat ng bata, inanyayahan ng mga lider na hawakan ng mga bata ang templo. Tumanggi ang mga bata dahil takot sila na baka may marami pang putakti. Kaya ang mga magulang at lider ay pumila at lumikha ng daan papunta sa templo. Nagbigay ito ng lakas ng loob sa mga bata na lumakad papunta sa templo.

Nang ituon muli ni Melissa ang kanyang pansin sa ward council meeting, naisip niya, “Kung ang lahat sana ay mapaliligiran ng mapagmahal na mga kaibigan at lider habang sila ay sumusulong tungo sa templo.”

Naputol ang iniisip niya nang marinig niya ang sinabi ng Relief Society president tungkol sa isang miyembrong babae na nangangailangan: “Hindi siya nagsimba noong Linggo. Sisiguraduhin kong maipapaalam sa kanya ng kanyang mga visiting teacher ang tungkol sa temple trip.”

“May pinagdaraanan silang problema ngayon,” dagdag ng elders quorum president. “Kakausapin ko ang kanilang mga home teacher at titingnan namin kung may magagawa kami.”

“Ang young women ay maaaring tumulong sa pag-aalaga ng bata,” sabi ng Young Women president.

Habang minamasdan ni Melissa ang mga mukha ng mga miyembro ng ward council, nakita niya ang tunay na pagmamahal at malasakit. Napangiti siya. “Ang Panginoon ay naghanda ng mga paraan para mapangalagaan at mahalin ang Kanyang mga anak,” naisip niya. “Ang ward council!”

Tulad sa Joplin, Puerto Francisco de Orellana, at Liverpool, patuloy na natutuklasan ng mga lider sa Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga pagpapala ng mga ward at branch council. Sa pagpupulong nila, makakamtan nila ang di-pangkaraniwang lakas ng mga council na ito upang matulungan ang Panginoon na pagpalain ang Kanyang mga anak at maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, Counseling with Our Councils: Learning to Minister Together in the Church and in the Family (1997), 102.

  2. The Career Workshop Participant’s Workbook (aytem blg. 35163) ay makukuha sa store.lds.org, Distribution Services, o mga Church employment resource center.

Kaliwa: paglalarawan ni Craig Dimond

Kaliwa: paglalarawan ni Joshua J. Perkey

Print