Huwag Bumagsak
Iwasang magkaroon ng malalaking problema kalaunan sa pamamagitan ng paglutas sa maliliit na problema ngayon.
Gustung-gusto ni Andrei ng mga eroplano mula pa noong maliit siya. Pero kahit marami ang nangangarap na makapagpalipad, hindi iyon ang gusto ni Andrei; ang gusto niya ay magkumpuni ng eroplano. Ang 16-na-taong gulang na binatilyong ito mula sa Romania ay nag-aaral na maging aircraft mechanic.
Sa Romania maaaring pumili ang mga tinedyer kung papasok sila ng high school para mapaghandaan ang kolehiyo o kaya ay sa trade school. Dahil mahilig sa eroplano si Andrei, madali para sa kanya ang magpasiyang pumasok sa aviation trade school.
Ang mga aircraft mechanic ay hindi lang nagkukumpuni ng mga sirang eroplano. Isa sa mga pinakamahalagang bagay na ginagawa nila ay ang inspeksyunin at panatilihing maayos ang mga eroplano para hindi masira ang mga ito. Regular nilang iniinspeksyon ang lahat-lahat sa eroplano, mula sa mga propeller hanggang sa landing gear at iba pang mga piyesa.
“Mahirap hanapin ang maliit na problema na puwedeng magpabagsak sa eroplano,” sabi ni Andrei. “Pero ang makita ito ay mas madali kaysa piliting mabuong muli ang eroplano.”
Ang regular na pagmementena at pagsisikap na gawin ito nang walang palya ay mahalaga—kapwa sa eroplano at sa mga miyembro ng Simbahan—para matukoy at maitama ang mga problema bago pa ito maging mapanganib sa makina man ng eroplano o sa espirituwalidad ng tao.
Espirituwal na Pagmementena
Naninirahan si Andrei sa Bucharest, isang lungsod na may halos dalawang milyong mamamayan. Gayunpaman, nagsisimula pa lang ang Simbahan sa Romania, at sapat lang ang bilang ng mga miyembro sa Bucharest para sa dalawang branch. Si Andrei at ang kanyang pamilya ay nakatira sa lugar na malayo sa iba pang miyembro ng kanilang branch. Dama ni Andrei ang tuksong nakapaligid sa kanya sa paaralan at sa mga kaibigan niya. Alam niya kung gaano kadaling bumagsak—sa espirituwal—kung hindi niya regular na gagawin ang espirituwal na pagmementena.
Napakaabala ng buhay. Maliban pa sa oras na ginugugol ni Andrei sa pag-aaral, paglalaro ng football, at sa computer, naglalaan siya ng oras sa pagdarasal, pag-aayuno, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagganap ng kanyang mga tungkulin bilang priest. Sinisiguro din niya na “pumapasok” siya sa seminary, na ginagawa niya online dahil sa layo nito.
Ang paggawa ng mga bagay na iyon ay bahagi ng regular na espirituwal na pagmementena na nakatutulong para makita at maiwasto ang mga kahinaan bago pa ito humantong sa mapanganib na pagbagsak ng espirituwalidad.
“May mga bagay na kailangan talagang gawin nang regular—makagawian,” sabi niya. “Hindi mo dapat hayaang may makasagabal.”
Espirituwal na mga Pagbagsak
Natutuhan ni Andrei na kung hindi regular ang espirituwal na pagmementena, ang impluwensya o pamimilit ng mga kaibigan ay magpapahina sa kakayahan nating labanan ang tukso. Kapag nangyari iyan, hindi magtatagal mawawalan tayo ng direksyon, ng kontrol, at sa huli ng espirituwal na lakas.
Tulad din ng eroplano na kung walang piloto ay hindi lilipad paitaas, kapag nagkakasala tayo, nawawalan tayo ng espirituwal na lakas at pagtaas, inilalayo ang ating sarili sa kalangitan at kaagad o kalaunan ay babagsak ang espirituwalidad.
Bagama’t magagawa ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na mabuo tayong muli matapos tayong bumagsak, pinakamainam nang umasa tayo sa Kanyang kapangyarihan na matulungan tayong maayos ang problema hangga’t maliit pa lamang ito—bago ito magdulot ng malaking espirituwal na kapahamakan.
Ang Panganib ng Pagpalya
Ang pagpalya sa pagmementena ng eroplano ay hindi kailanman pumasok sa isipan ni Andrei. Ang pagpalya ay hindi alternatibo sa pagmementana. “May mga tuntunin tungkol diyan,” sabi niya. Pero kung sakaling pumalya siya sa pagmentena—nang minsan lang—iisipin din niya na “marahil wala namang mangyayaring masama.”
Marahil ang pinakamalaking panganib sa pagpalya ay dahil hindi naman kaagad babagsak ang eroplano. “Kung walang mangyayari dahil pumalya ako ngayon, mas madali akong matutukso na pumalya bukas,” sabi niya.
Kapag palagi nang pumapalya sa pagmementena, ang mga puwersa at tensyong sinusuong ng eroplano—o natin—ay magpapahina sa isang bahagi nito, sa malao’t madali. “Bandang huli ay babagsak tayo,” sabi niya.
Iyan ang dahilan kung bakit binigyan tayo ng Diyos ng mga tuntunin tungkol sa regular na espirituwal na pagmementena. “Magtipun-tipon [sa simbahan] nang madalas” (3 Nephi 18:22; idinagdag ang pagbibigay-diin). Lagi kayong manalangin (tingnan sa 3 Nephi 18:19). Saliksikin ang mga banal na kasulatan nang masigasig (tingnan sa 3 Nephi 23:1–5). “Puspusin ng kabanalan ang inyong mga iniisip nang walang humpay” (D at T 121:45; idinagdag ang pagbibigay-diin). Bisitahin ang templo nang regular.1
Sa pagsunod sa mga batas na iyon at regular na espirituwal na pagmementena tayo ay patuloy na tatahak sa tamang landas.
“Binubuo ang eroplano para umangat sa lupa, para iwan ang mundo,” sabi ni Andrei. “Iyan ang gusto ng Ama sa Langit para sa atin. Sa regular na pagmentena, ligtas tayong makararating sa gusto nating puntahan—pabalik sa langit.”